KABANATA 51

83 3 0
                                    

KABANATA 51

“Inay, ang lamig po!”

Nakapikit na ginantihan ni Ryma ng yakap ang anak. Hinila niya rin ang kumot para hindi sila lamigin. Hindi sanay ang anak niya sa lamig pero masarap pa rin naman ang tulog nito. Ipagpapatuloy niya na sana ang tulog niya nang makarinig siya ng mahinang pagtawa at tunog kapag hinihinaan ang aircon.

Agad niyang iminulat ang mga mata at sumalubong sa kaniya ang nakangising si Jessie. Titig na titig ito sa kanila na para bang mawawala sila. Hindi man lang nag-abalang ayusin ang nagulong buhok. 

Muli siyang napapikit at minura ang sarili. Napasarap yata ang tulog niya at hindi niya naalalang magkakatabi sila sa isang kama. Malaki naman ang kama pero ang kaalamang natulog sila sa iisang kama at silid ang nagpawala sa buong sistema niya.

“Itay, yakap mo kami.”

Suminghap siya at awtomatikong napadilat dahil sa sinabi ng anak. “Gising ka na pala. Bumangon ka na, Jaira.”

Hindi siya pinansin ng anak at hinila ang braso ng tatay nito. Nahigit niya ang hininga nang masakop siya sa yakap ng binata. Ang aga pa lang pero parang ang init na agad ng pakiramdam niya. Walang panama ang malakas na aircon sa hatid ng init ng yakap ni Jessie.

“Okay na ba sa’yo 'to?” 

Masayang tumango ang bata. “Opo!”

Napalunok siya sa tanong na iyon ni Jessie. Para kasing siya ang tinanong sa halip na ang anak nila. Bakit ba kasi ganoong makatitig ang binata?

“Masarap ba ang tulog mo, Jaira?” Ilang sandali pa ay tanong ni Jessie sa anak.

“Opo… pero malamig,” pahina nang pahinang tugon ng bata.

Mahinang tumawa si Jessie at hinalikan sa pisngi ang anak nila. “I’ll remember that. Kapag lumipat na kayo rito, hindi ko lalagyan ng malakas na aircon ang room mo. Gusto mo ba ’yon?”

“Yehey! Inay, lilipat daw po tayo rito.”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi at bahagyang umiling sa binata. Wala itong sinabing kahit ano at kumunot lang ang noo sa kaniya. Napasinghap siya nang higitin siya nito palapit. Tumawa ang anak niyang naipit na sa gitna nila samantalang siya ay parang hindi na makahinga nang maayos.

“Let’s sleep first. I… didn’t sleep last night,” pag-amin ni Jessie sa kanila.

“Bakit?” Gusto niyang kutusan ang sarili dahil sa bibig niyang walang preno.

Namumungay ang mga matang tumingin sa kaniya ang binata. “Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang may anak ako. Nasa tabi ko na ngayon si Jaira… pati ikaw. Ayaw kong pumikit. Baka bigla kayong maglaho.”

Humigpit ang yakap niya kay Jaira. Baka hindi niya mapigilan ang sariling yakapin si Jessie. Baka hindi niya mapigilan ang sariling amining mahal na mahal niya pa rin ito.

“La la la la…”

Ilang sandali pa ay umalpas ang tawa sa kaniyang bibig nang yakapin ni Jaira ang ama nito at pilit inabot ang likod para tapikin habang kumakanta. Halos masakal na ang binata dahil sa braso ng bata. Kinuha niya ang kamay ng anak nila at pinigilan ito sa paghele sa binata.

“Anak, matanda na iyang itay.”

Ngumuso ang kaniyang anak. “Hindi nakatulog si Itay. Ganoon po ang ginagawa ninyo sa akin kapag hindi ako makatulog. Kapag ginawa ko iyon sa kaniya, tulog na siya.”

Lumakas ang tawa niya at kiniliti ang anak. “Kailangan mo ng hele kasi bata ka pa.”

“Inay, tama na po!” natatawang awat ni Jaira sa kaniya.

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now