KABANATA 18

58 2 0
                                    

KABANATA 18

“Okay, settled na. Si Robin ang lalaban sa Mr. Pogi para sa section natin sa foundation day,” anunsiyo ng adviser.

Tumingin si Ryma kay Robin na nakasalampak na sa armchair niya sa sobrang hiya. Sumabay siya sa palakpakan ng mga kaklase niya. Nag-improve na ito pero hindi nito mapansin sa sarili kaya pinagkaisahan nilang mga magkakaklase. Hindi na ito iyong dating akala ng lahat ay kulang lagi sa pansin. Hindi lang mukha ang nagbago, pati na rin ang ugali. Kinulbit niya ito sa likod at nang tumunghay ito, para na itong maiiyak. Natawa siya sa hitsura nito kaya inalo niya ito.

“Kaya mo ’yan!” nakangiting sabi niya pero bigla siyang napasinghap nang ilapat nito ang malamig na palad sa kaniyang pisngi.

“See? Kinakabahan ako!”

Natatawang tinapik niya ang kamay nito na agad naman nitong tinanggal. “Wala pa nga.”

“Anong talent ko? Hindi ako marunong mag-model. Mapapahiya ko ang section natin,” nag-aalalang sabi nito.

“Huwag kang mag-alala. Mapag-aaralan naman iyon. Sa talent, ano bang kaya mong gawin?”

Saglit itong nag-isip at inayos ang salamin sa mga mata. “Marunong akong… tumugtog ng beatbox.”

Tumango-tango siya. “E, kumanta? Marunong ka ga?”

“A little bit… kaya lang, nahihiya ako sa crowd.”

Dumaan ang awa sa kaniya para sa binata. Mukha talaga itong tensiyonado at kinakabahan. Natatakot siguro itong makagawa ng mali.

“Ganito na lang, sa talent mo, sasamahan kita. Mag-duet tayo?”

Para itong nabuhayan ng dugo sa sinabi niya. “Sige, kailan tayo magpa-practice?”

“Bukas? Kapag break time na lang natin. May trabaho kasi ako kaya iyon lang  ang libre kong oras.”

“Sige, Ryma. Salamat talaga.”

Nginitian niya ito at muli na lang nakinig sa guro. Sasabihin niya na lang kay Jessie na hindi muna siya makasasabay dito tuwing break time.


LUMIPAS ang mga araw. Busy na si Ryma dahil sa practice kasama si Robin. Gayon din si Jessie sa dance troupe nito. Hindi na sila nagkasabay tuwing break time. Akala niya ay madali pero nagdaan ang linggong iyong laging kasama ng binata si Elizabeth. Sabay pa rin naman silang pumasok at umuwi pero minsan sumasabay ang babae sa kanila. May mga pagkakataon din sinasabihan niya si Jessie na umuna na dahil pagod ito sa practice ng dance troupe. Dadagdag lang ang pagod nito kung hihintayin pa siyang matapos sa trabaho.

“Sige na, Jise. Marami pa akong gagawin. Umuna ka na,” suhestiyon niya sa binata nang hapong iyon.

Tumitig lang ito sa kaniya kaya bumuntong-hininga siya. Alam niya ang mga tinging iyon. Gusto nitong maghintay sa kaniya pero bakas na sa mukha nito ang pagod.

“Pangga, I’ll stay here.”

“Jade!” 

Bahagyang sumilip si Ryma mula sa likod ni Jessie. Parang kinurot ang puso niya nang makitang palapit na si Elizabeth sa gawi nila. Alam niyang hindi niya matanggap sa sarili na may iba na itong kasabay, may iba na itong kakulitan at may iba na itong kaibigan. Naninibago siya pero ayaw niya namang maging makasarili sa oras na iyon kung kapakanan lang din naman ng binata ang nakasalalay.

“Jade, let’s go. Umuwi na tayo,” paanyaya ni Elizabeth sa lalaki.

Palihim siyang ngumiti nang mapait. Tiyak na malapit na ang dalawa sa isa’t-isa. Kailanman ay hindi niya tinawag na Jessie si Jade.

Unlock to Love AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon