KABANATA 12

73 4 8
                                    

KABANATA 12

Lumipas ang mga buwan. Lumipas din ang sem break at para kay Ryma, maraming nagbago. Ang estado ng pamilya niya ay unti-unting umayos. Ang pag-aaral niya ay natustusan naman kahit minsan ay nagigipit siya. Higit sa lahat, ang damdamin niya para kay Jessie ay nag-iba.

“Bumaba na kayo. Mag-aalmusal na!” sigaw ng mama niya mula sa baba.

Napangiti siya bago bumaba ng hagdan. Iyon ang unang beses na nagluto ang kaniyang ina ng almusal. Simula nang umalis sa puder nila si Tito Theo, gumaan na ang tahanan para sa kaniya. Isa pa, paano ba namang hindi giginhawa ang pakiramdam niya? Kaarawan niya sa araw na iyon at sinabihan siya ng kaniyang mama na maghahanda ito kahit kaunti lamang.

Hindi kasi naging maganda ang kaarawan ni Ryma noong nakaraang taon dahil bukod sa wala na silang pera, laging na kay Tito Theo ang atensiyon ng kaniyang ina. Ngayon ay walang pagsidlan ang saya niya. Kung puwede lang ay huwag na sana iyong matapos.

“Anak, imbitahin mo ang kaibigan mo rito. Isa pa, may bisita akong paparine. Happy birthday!”

Napangiti siya dahil sa pagtukoy nito kay Jessie. “Sige po. Salamat po, mama.”

Kahit nakangiti, hindi niya naiwasang magtaka sa kilos ng ina. Naroong hindi ito mapakali sa tinutukoy nitong bisita. Kahit nga ang paglilinis ng bahay na hindi naman nito madalas ginagawa ay aligaga rin. Naroong binago ang puwesto ng mga sofa at ilang mga gamit sa sala para maging mas mukhang presentable.

Wala naman siyang kilalang kaibigan ng mama niya. Ang napansin niya lang, lagi itong may katawagan sa cellphone tuwing gabi. Hinayaan niya na lang dahil iyon ang kasiyahan ng kaniyang ina.

“Mama, kami’y aalis na po.” Hinawakan ni Ryma ang kamay nina Andy at Leah.

Tumango naman ang kaniyang ina at nagbilin ng kung ano-ano. Pagkalabas, wala pa si Jessie. Naglakad na lang sila at nagdesisiyon na sa kanto na lang maghintay. Maaga pa kaya siguro wala pa ang binata. Kailangan niya pa kasing ihatid ang dalawang kapatid niya sa eskuwelahan kaya maaga siyang gumayak. Dapat ay si Andrius ang maghahatid pero tulog pa kaya siya muna.

Huminga siya nang malalim. Simula nang mag-sem break, hindi niya nakita si Jessie. Nagbakasyon kasi ito at ang pamilya nito sa Palawan. Wala naman siyang cellphone para makausap ito kahit sa chat man lang. Nakausap niya man ito, saglit lang dahil sa pisonet lang siya nag-online.

Ang ganda ng bungad ng taon para sa kaniya. Ikalawang lunes ng Enero at sumakto pa ang kaarawan niya sa unang pasukan simula nang sem break. Idagdag pa ang maayos na daloy ng pamumuhay ng pamilya niya.

“Pangga!”

Tumaas ang mga kilay ni Ryma nang makita ang papalapit na si Jessie sakay ng bisikleta nito. Nakangisi ito nang malawak at nang tumapat sa kanila ay agad na bumaba ng bisikleta. May dala itong malaking paper bag. 

“I missed you, Ry!” 

Napalunok siya. Sa sobrang vocal ng binata, hindi niya alam kung paano ang mag-react. Lalo pa at unti-unting tinanggap ng puso’t isip niyang crush niya ito. Baka nga mas higit pa ang naramdaman niya para sa kaibigan. Hindi niya lang maamin sa kaniyang sarili.

“I…” Bago niya pa masabing na-miss niya rin ito, sumingit na ang kaniyang isang kapatid.

“Kuya, pasalubong namin!” bulalas ni Andy.

Pinaliit ng binata ang mga mata at bahagyang yumuko. “Syempre, mayroon!” Kumuha ito ng dalawang maliit na plastic sa malaking paper bag nitong dala at binigay sa dalawang kapatid niya.

“Did you like it?”

Tumango naman ang dalawang bata at nagpasalamat. Umayos ng tayo si Jessie kaya tinitigan niya ito. Ang aliwalas ng mukha nito. Pati ang ngiti nito ay parang nilusaw siya.

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now