KABANATA 46

56 3 0
                                    

KABANATA 46

“Ate, magpa-check up ka na kaya? Ilang araw na ’yang pagsusuka mo,” suhestiyon sa kaniya ni Andy habang hinihimas ang kaniyang likod.

Tipid na lang siyang tumango. Gusto niyang isiping may nakain lang siyang panis. Pilit niyang iwinaksi ang ideyang nabuo sa kaniyang isipan. Hindi pa siya handang malaman iyon. Nasa gitna siya ng problema at baka maapektuhan iyon kapag hindi siya naging maingat.

Nakalabas na ng ospital si Ate Gielyn habang ang kaniyang tatay naman ay comatose pa. Pagtagal ng kaniyang ama sa ospital, paglaki rin ng gastusin niya pero wala siyang pakialam. Ang mahalaga ay gumaling ito. Tumigil muna siya sa pag-aaral dahil hindi mawala ang atensiyon niya sa pamilya.

Dalawang linggo na rin simula nang mabalitaan niyang umalis na si Jessie. Akala niya ay hindi pa ito matutuloy dahil panay ang pagmamakaawa nitong bumalik siya rito. Naging matatag lang siya at nagawa niya itong itaboy. Ang galit at sakit na iniwan niya sa mga mata nito ay huwag sanang makaapekto sa pag-abot ng mga pangarap nito.

“Ate, bakit… mo hiniwalayan si Kuya Jessie?” seryosong tanong sa kaniya ni Andy.

Napayuko siya. “Mas… importante kayo.”

Bigla na lang siyang niyakap ni Andy  mula sa likod. “’Yan ka na naman. Inuuna mo na naman kami. 

Parang piniga ang puso niya sa bawat salitang lumabas sa bibig ng bunso niyang kapatid. Wala namang masama roon. Nauna ang mga ito sa buhay niya. Hindi niya na kayang pabayaan ang mga ito.

“Paano… kung buntis ka?” tanong nitong muli. “Pabalikin mo si Kuya Jessie.”

Agad siyang umiling. “Ayaw niya na akong makausap o kahit makita man lang. Nagalit siya sa akin.”

Ginawa niya ang lahat para lang itaboy si Jessie. Ginawa niya ang lahat ng paraan para magalit lamang ito sa kaniya. Paano niya pababalikin ang ayaw na siyang makita? Paano niya sasabihin ang kalagayan niya sa taong ayaw na siyang makausap?

“Ate Ryma, paano ka?”

Hinimas niya ang braso ni Andy at tipid na ngumiti. “Basta okay lang ako. Hindi pa naman sure.”

Kumawala siya sa yakap nito at humarap sa dalagita. “Mahal ko kayo. Huwag ninyong isiping nasasaktan ako dahil mas nasasaktan ako kapag wala akong ginagawa para sa inyo.”


ANG tunog ng life machine na sumusuporta sa papa ni Ryma at ang mga tubong nakakonekta sa katawan nito ang nagpadurog ng puso niya. Ang hirap pagmasdan ng kaniyang ama sa higaang iyon. Parang wala na itong buhay.

“Papa, gising ka na. Sabi mo, babawi ka pa sa amin, ’di ba?”

Hindi niya napigilan ang mga luha habang tinatanaw ang papa niya sa maliit na bubog sa pinto ng ICU. Sana ay ganoong kadali iyon. Sana ay simpleng gigisingin niya lang ang ama. Lagi siyang matatag pero habang tumatagal, nawawalan na siya ng pag-asa.

Ilang sandali pa ay biglang nangisay ang katawan ng kaniyang ama. Agad na nagsipasukan ang mga doktor. Pumasok na rin siya.

“Papa!”

Sobrang labo nang mga mata niya dahil sa pag-iyak. Patuloy sa pag-revive ang mga doktor sa kaniyang ama pero hindi man lang nagbago ang kalagayan ng kaniyang ama.

“Please, lumaban ka.”

Sa gitna ng pagtangis niya, nakaramdam siya ng mainit na yakap. Mabuti na lang ay nasa tabi niya si Noel. Nanghina na ang mga tuhod niya. Hindi niya kayang pagmasdan ang kaniyang ama.

Biglang tumigil ang mga doktor. “Time of death: 6:34 p.m.”

“Hindi!” Kumawala siya sa yakap ni Noel at tumakbo sa kaniyang papa.

Wala siyang pakialam kung malakas ang pag-iyak niya. Wala siyang pakialam kung tiningnan siya ng mga tao sa loob na puno ng awa ang mga mata. Mas kailangan niya ang awa ng Diyos sa mga oras na iyon. Sana ay pamalasin ang himala sa lalaking nasa mga bisig niya nang mga oras na iyon. 

Bumilis ang paghinga niya. Sumikip ang dibdib niya. Ilang sandali pa ay nagdilim na ang paningin niya.

Puting kisame ang bumungad sa kaniya. Saka niya napagtantong nakahiga siya sa isang kama. Tumulo na naman ang mga luha niya.

“Ang papa ko…”

Pinilit niyang bumangon pero pinigilan siya ni Noel. “Inasikaso na siya ng mga kapatid mo. Kailangan mo ng pahinga.”

Tatanggalin niya na sana ang IV niya nang pigilan siya nito. “Makakasama sa’yo at sa baby mo ang ginagawa mo!”

Umawang ang bibig niya at mas lalong tumulo ang mga luha niya. Sinapo niya ang tiyan at muling humiga. Buntis siya. Kasabay ng pagkawala ng buhay ng kaniyang ama ay ang pagkumpirmang may panibagong buhay sa sinapupunan niya.

Hinawakan ni Noel ang isa niyang kamay. “Gusto kong… panagutan ang anak mo.”

Marahas siyang lumingon sa binata. “Anong sinabi mo?”

Tumulo na rin ang mga luha nito. “Akala ko, may pag-asa na ako sa’yo ngayong wala na si Jessie pero… ayos lang. Handa akong… panagutan ka, mahalin mo lang ako, Ryma.”

Suminghap siya at umiling. “Umalis ka rito.”

“Ryma…”

“Umalis ka!” sigaw niya. “Si Jessie ang tatay ng anak ko. Siya lang ang mahal ko at ang patuloy kong mamahalin!”

“Mahal kita, Ryma! Simula mga bata pa tayo, ako na ang kasama mo.” Napapikit si Noel. “Bakit hindi… mo ako magawang piliin?”

Nanginig na ang mga labi ni Ryma. “Hindi kita pipiliin… dahil kahit kailan, hindi kita sinama sa pagpipilian.”

Kumuyom ang mga kamao nito bago mabilis na umalis ng silid niya. 

Alam niyang nasaktan niya ang kaibigan sa mga sinabi pero kailan niya gagawin iyon? Saktan niya man ang binata ngayon, bukas o sa mga susunod pang araw, pareho lamang iyon. Hindi niya kayang suklian ang pag-ibig nito.

Hindi siya manggagamit. Sa simula pa lang ay wala siyang balak talikuran ang pagmamahal niya para kay Jessie. Wala sa plano niya ang magmahal ng iba bukod sa ama ng anak niya.

Tinakpan niya ang bibig dahil sa sobrang pagtangis. Ano bang nangyari sa buhay niya? Bakit ba siya pinarusahan?

Sino bang niloko niya? Tinaboy niya si Jessie. Paano niya sasabihing buntis siya? Tiyak na namunga na ang galit na tinanim niya sa puso nito. 

Kailangan nitong malaman pero wala siyang lakas ng loob sabihin dito. Isang taon lang naman ang binata roon. Maghihintay siyang bumalik ito. Isang taon lang magtitiis ang anak nila bago makilala ang ama nito.

Nang gabing iyon, ipinagkatiwala niya sa Diyos ang lahat. Nakiusap siyang kung puwede at gabayan siya nito. Nanalangin siyang sana ay malagpasan niya ang lahat ng problema niya.

Hinaplos niyang muli ang tiyan. “Kaya natin ’to, anak. Magiging malakas ang inay para sa iyo.”

Unlock to Love AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon