KABANATA 49

65 3 0
                                    

KABANATA 49

Napatingin kay Ryma ang lahat ng kapatid niya dahil sa binalita niya sa mga ito. Kasalukuyan silang nanonood ng movie sa sala ng kanilang bahay. Routine na nila iyon isang beses sa isang buwan. Kailangang kumpleto sila para magkaroon naman sila ng bonding kahit matatanda na.

“Sinabi mo na ba kay Kuya Jessie ang tungkol kay Jaira?” tanong agad ni Andrius na napatigil pa sa pagkain ng chicharon.

Mabuti na lang ay tulog na sa taas ang kaniyang anak kaya hindi na siya nag-alalang baka marinig iyon ng bata. Hindi niya muna sasabihin kay Jaira na nakabalik na ang hinintay nitong ama. Wala rin naman kasing ideya si Jessie na may anak itong naiwan.

“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin. May girlfriend na siya. Baka magkasira pa ’yong dalawa.” Nagpakawala siya ng malalim na hininga.

Biglang hinawakan ni Andy ang dibdib niya kung saan nakatapat ang puso niya. “Paano ’yan, Ate Ryma? Hinintay mo siya, ’di ba?”

“Hinintay ko siya… para kay Jaira.”

Mahinang siniko ni Ashley ang binti niya. Nakasalampak ito sa sahig kaya mabilis iyong nagawa sa kaniya. “Sinungaling ka, Ate Ryma. Hinintay mo kaya ’yon. Mahal mo kaya. Hindi naman kayo magkakaroon ng Jaira Jane kung hindi mo mahal.”

Sinabunutan niya ang kapatid. “Ang dami mong sinasabi. Ikaw ang sumama sa akin sa family day bukas sa school ni Jaira!”

Lumayo Ito sa kaniya at binato siya ng unan. “Bakit ako? Ako ba ang tatay? Sabihin mo na kasi kay Kuya Jessie o kung ayaw tanggapin, kay Kuya Noel ka na lang.”

Suminghap siya. “Baliw ka ba? May sariling buhay ’yong tao. Isa pa, doktor ’yon. Maraming ginagawa si Noel!”

Tama ang mga kapatid niya. Mahal niya pa rin si Jessie pero anong magagawa niya? Tapos na relasyon nila. Si Jaira na lang ang nagkonekta sa kanilang dalawa at kahit gustong-gusto niyang pag-ibig ulit ang maging dahilan ng pagkalapit nilang muli, hindi na kaya.

“Ako na lang ang sasama sa’yo bukas,” presinta ni Andrius. “Wala akong duty bukas.”

“Salamat!”

Bumaling si Andrius kay Ashley at binato ng chicharon sa mukha. May tumama yata sa mga mata ng kapatid niya dahil panay ang reklamo. Tinawanan lamang nila ang naaping kapatid.

“Para kasing tanga, Kuya Andrius! Napuwing ako!” Tumayo si Ashley at nasagi nito si Leah na kasalukuyang umiinom ng gatas.

“Kuya, magdahan-dahan ka nga. May gatas na sa damit ko!”

Napailing siya nang magsabong na ang mga kapatid niya. Wala na siyang naintindihan sa movie kasusuway sa mga ito. Normal lang naman iyon sa magkakapatid pero hindi rin naman matatapos ang gabing iyong hindi naaayos ang away.


KATATAPOS lang ng family day sa school ng anak ni Ryma na si Jaira kaya tanghali na nang magbukas siya ng botique. Pagod and kaniyang anak kaya hindi na sumama sa kaniya. Tuwang-tuwa ang bata kanina sa event sa school at sobrang sigla kaya napagod pagka-uwi.

Madilim na sa labas nang dumating ang ika-limang customer ni Ryma sa araw na iyon. Malawak pa ang ngiti niya noong una pero biglang lumundag ang puso niya nang makita si Jessie. Abala ito sa pagtingin ng mga damit pambata sa mannequin.

Kahit mahirap, kailangan niya pa rin lapitan ito. Customer niya ito at hindi dapat siya maging bastos. Naka-display na ang ngiti niya nang lumapit siya sa lalaki. Agad naglaro  sa ilong niya ang mabangong amoy nito.

Itinapat niya sa tiyan ang magkadaupang palad. “Good evening, Sir Zamora. What can… I do for you?”

Humarap ito sa kaniya. “How are you?”

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now