KABANATA 28

46 3 0
                                    

KABANATA 28

Parang mga langgam ang mga tao sa palengke nang gabing iyon. Maingay ang paligid. Idagdag pa ang mga ugong ng sasakyan sa kalsada. Mas buhay kasi ang mga tao sa gabi. Mas pinipiling mamili sa ganoong oras kaya siksikan ang mga tao. Sumabay pa ang oras ng uwian ng mga trabahador mula sa trabaho. 

Wala namang pagpipilian si Ryma dahil kailangan niyang dumaan sa kahabaan ng path walk na nasa harapan mismo ng palengke. Puwede naman siyang mag-tricycle subalit masyadong magastos. Kung kaya niyang lakarin, lalakarin niya para makatipid. 

“Pasok mga suki! Presyong-divisoria!” 

Pati ang isang tindahan ng kung ano-anong gamit ay puno ng mga tao. Hindi na bago kay Ryma ang ganoong mga sitwasyon dahil mas malalala pa noong nasa Tondo pa siya at inutusan siya ng mama niyang mamili sa Divisoria. Maraming tao at hindi na matukoy kung sino ba talaga ang mga mamimili o talagang tambay lang. Ang kalsadang dinaraanan ng mga tao ay dinaraanan din ng mga sasakyan. Minsan pa nga ay naligaw siya roon dahil ang daming pasikot-sikot. Ang tanging palatandaan niya lang noon ay humihinto ang jeep sa tapat ng simbahan habang sa plaza naman malapit ang mga tricycle.

“Sayote kayo! Sampu na lang ang tumpok. Dalawa na lang ’to!” sigaw ng isang lalaking nagbebenta sa bangketa.

Kumuha si Ryma ng bente pesos sa kaniyang bulsa. May pagkain naman siyang dala dahil sa pinadala sa kaniya ni Ate Rose pero sayang kasi kung hindi niya bibilhin iyon. Puwede na nilang ulam iyon bukas. Lalagyan niya na lang ng sardinas.

“Salamat po.” Inabot ng mama sa kaniya ang isang plastic na may lamang apat na sayote.

Sa Maynila lang talaga siya nakakita ng mga tumpok na ganoon. Nakabubusog ng mga mata kapag nakikita ang mga card na may singkuwenta ang kalahati, trenta ang kalahati at kahit na anong kalahati. Mura ang mga bilihin. Minsan ay bumibili siya sa mga tumpok dahil maayos pa naman. May kaunting bulok pero puwede namang tanggalin. 

Isang beses ay sinama siya ng mama niya noong madaling araw na mamili ng mga gulay sa Divisoria. Nakita niya ang mga batang namumulot ng mga gulay sa kalsada. Iyon kasi ang rejected products o iyong mga malapit nang mabulok na gulay ng ibang malalaking tindahan doon. Pinulot iyon ng mga ito, nilinis at binenta kahit may sira. Ang tanging puhunan lang ay ang pagod sa pagpupulot. Iyon minsan ang mga produkto ng tumpok at maraming bumibili ng mga ganoon. Marami kasing mahirap sa lugar kaya hanggang maaari ang isang bagay o isang pagkain ay binibili ng mga ito. Kahit hindi maganda, basta maayos at may pakinabang. Isa iyon sa mga natutuhan niya sa paninirahan sa siyudad. 

Noong nasa isla pa siya, mura ang mga isda dahil inaangkat iyon mula sa mismong bangkero. Mura ang ibang bilihin subalit mahal ang mga karne, gulay at prutas at nakahihiya pang bumili kung kalahating kilo lang ang bibilhin.

“Tabi!” 

Huli na nang marinig niya ang sigaw na iyon. Naitapon ng babae ang batyang may lamang tubig. Marahil ay pinaglagyan iyon ng mga isda dahil malansa. Ayos lang na mabasa ang sapatos niya dahil goma naman iyon pero ang puti niyang mga medyas ay basang-basa na at tiyak na amoy-isda iyon.

“Sinabi ko na kasing tabi, e!”

Nagpakawala na lang siya ng buntong-hininga. Hindi talaga mawawalan ng mga taong magagaspang ang ugali at walang konsiderasiyon sa kapwa. Hindi man lang humingi ng tawad kahit alam na ang mga ito ang mali.

Pagkarating ni Ryma sa eskinita, nasagi pa siya ng mga batang naglalaro. Kung sa probinsiya ay wala nang makikitang mga batang naglalaro kapag gabi, sa siyudad naman ay inaabot na yata ng alas nuwebe sa labas. 

Unlock to Love AgainNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ