SIMULA

412 10 3
                                    

SIMULA

“Ikaw ga’y pupunta sa peryahan mamaya?”

Iyon ang tanong ng kamag-aral ni Ryma na si Luanne sa kaniya. Sumandok siya ng kanin at tawsing baboy sa kaniyang plato saka umupo sa tabi nito. “Siguro… ” 

Maya’t-maya niyang nilantakan ang handa sa birthday ng bunso niyang kapatid kahit busog na siya. Marami kasing putaheng ipinaluto ang kaniyang lola kaya parang kulang ang isang araw para matikman niya ang lahat ng iyon. Isabay pa ang parada na ipinagdiriwang sa labas kaya masaya at maingay ang mga tao. Nahalal kasi ang Mayor ng bayan para sa ikalawang termino at may ilang mga opisyal na bumisita sa bayan.

“Ako'y magpapaalam kay papa.”

“Sasama raw sa atin si Noel at Rey,” pagtukoy ni Luanne sa dalawa pa niyang kamag-aral.

Kalahating taon na si Ryma sa Grade 7. Marami siyang nakilala at marami rin siyang nakasundo ngunit ang tatlo lang ang mga naituring niyang mga kaibigan. Hindi natupad ang gusto niyang maging muse dahil mga isip-bata ang iba niyang kaklase. 

Tila mga ignorante sa mga magaganda at guwapo. Nakita lang ang kaklaseng si Lisa na sobrang ganda, wala pang botohan sa class election ay elected na agad ito. 

Hindi tuloy maiwasan ang pag-asim ng mukha ni Ryma kapag naaalala iyon. Hindi man siya naging muse, sa pag-aaral na lang siya mas nag-focus. Napasobra yata ang pagsusunog ng mga kilay dahil nito lang last grading, inanunsiyong siya ang top 1 sa buong Grade 7. Kaya ang mga kaklase niyang plastic at hindi siya binoto sa pagiging muse, parang mababait na anghel sa kaniya pero ang kailangan lang naman ay ang answer key sa activities.

“E, nasaan na ga ang dalawang iyon? Wala pa rine. Alam naman nilang kainan na.”

Uminom si Luanne ng soft drink bago sumagot, “Nanood ng parada sa labas.

Bumilis ang pagnguya ni Ryma sa kinakain. “Ano?! E, bakit ga'y ngayon mo lang sinabi? Hunta ka nang hunta dine, hindi man lang nabanggit. Mga traydor talaga ang mga iyon, e. Akala ko ga ay pupunta tayo sa peryahan?”

Nagkibit-balikat ang kaibigan niya. “Crush yata ni Noel iyong majorette. Kursunada ba ga.”

Gustong sumali ni Ryma sa banda subalit hindi naman siya nilapitan ng namamahala roon. Sa halip, si Lisa na muse ng klase ang nilapitan. Kabarangay niya kasi ito at kahit mahirap tanggapin, mas maganda ang dalaga ng sampung paligo kumpara sa kaniya. Idagdag pa ang kawalan ng kaalaman niya sa gawaing iyon. Kulang na kasi ang panahon kahit sumubok pa siya. Hindi niya iyon agad natutuhan hindi katulad ni Lisa na simula elementary, nagsasanay na sa paghagis ng flag.

Ilang sandali pa ay dumating ang mga mahahalagang panauhin ni Lola Karing na galing Maynila at ang iba ay galing pang New York. Ang mga tunay na kamag-anak ng mga lola ni Ryma ay tinuturing na mahalaga dahil para na ring mga bakasyunista ang mga ito. Taon-taong bumibisita ang mga ito kasama ang ilang malalayong apo ng mga lola niya subalit kahit mayroon siyang “mga pinsan” kuno na kasing-edad, hindi siya malapit sa mga ito. Marahil ay dahil iba ang paraan ng pamumuhay ng mga ito sa Maynila kumpara sa pamumuhay niya sa probinsiya. Isa pa, hindi man sabihin ng kaniyang mama, alam niyang iba ang pakikitungo ng mga tunay na kamag-anak sa pamilya niya. Lingid din sa kaalaman niyang itinuring ng mga itong kalaban ang kaniyang ina sa usaping mana. 

Minsan ay hindi maiwasang mainis ni Ryma. Paano kapag naghirap si Lola Karing? Pupuntahan pa rin kaya ng mga ito ang matanda? Hindi pa naman patay, binibenta na ng mga ito ang ilang lupain para may paghatian. Sumama ang loob niya nang ipagbili ang farm. Bumigat lalo ang matagal nang nakadagan sa puso niya sa tuwing natatanaw niya ang farm na saksi sa kaniyang paglaki. 

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now