KABANATA 34

60 4 0
                                    

KABANATA 34

Ang payapa ng kalooban ni Ryma. Iba talaga ang dulot ng kalikasan sa kaniya. Idagdag pa ang kabawasan ng mga alalahanin niya. Pinalipat na sila ng papa nila sa bahay nito at tumulong ito sa pagpapa-aral sa mga kapatid niya. Nakapag-ipon na siya para sa sarili niya kahit papaano dahil nabawasan ang mga gastusin. Umiwas pa rin sina Adrian at Andrius sa papa nila pero alam niyang bibigay din ang mga ito sa mga panunuyo ng tatay nila. 

Gusto ni Ryma ma-contact ang mama niya dahil wala siyang balita tungkol rito. Gusto niya rin itong makausap. Gusto niyang maging maayos ang relasyon nila sa ginang dahil matanda na rin naman sila.

Mabuti na lang ay naisipan ng papa nila na dalhin sila sa isla. Nabawasan ang mga alalahanin niya. Ang mga huni ng uwak at ang malakas na alon ng dagat ang muling nagdala ng kapayapaan sa kaniya. Isa na namang paglubog ng araw ang nasaksihan niya. 

Akala niya, hindi na siya makababalik kung saan siya lumaki. Ang islang nagbigay sa kaniya ng magandang alaala ay muli niyang napagmasdan. Sa bawat paghakbang at bahagyang paglubog ng mga paa niya sa puting pinong buhangin ang nagpaalala sa kaniya kung paano siya nalugmok sa buhay noon pero patuloy pa ring umahon para magpatuloy.

Isinayaw ng hangin ang kaniyang kulot na buhok at ang laylayan ng asul niyang bestida. Bumalik siya bilang turista para magbakasyon pero hindi maiwasang manumbalik ang mga alaala niya sa lugar na may tamis at pait na kalakip.

“Ryma!”

Napalingon siya sa gawi ng tumawag sa kaniya. Hindi niya maaninag ang mukha ng kumaway na babae sa kaniya kaya nanliit ang mga mata niya. Tumakbo ito palapit sa kaniya at parang piniga ang puso niya nang makita ang kaibigan niyang matagal niya nang hindi nakita.

“Luanne!”

Agad niya itong sinalubong ng yakap. Nagtatalon-talon pa ito na parang bata. “I missed you! Kainaman na! Bakit ga ikaw ay ngayon lang naparine? Katagal mong nawala, e!”

Kumawala na siya sa yakap nito. Ewan niya ba? Hindi niya maintindihan ang sarili niya kung bakit siya natawa sa tono at tigas ng pagsasalita nito. Hindi lang siya sanay na marinig ulit iyon. Ilang taon na siya sa Maynila kaya ang paraan ng pagsasalita ng mga tao roon ay nakuha niya na. Marahil ay ang naramdaman niya nang mga oras na iyon ay ang naramdaman ng mga kaklase niya noon kaya siya pinagtawanan dati sa pagsasalita niya. Tila bago sa kaniyang pandinig.

“Busy, e. Kumusta ka? Kumusta sina Rey… at Noel?”

May umusbong na pagkailang sa kaniya. Wala silang malinaw na pag-uusap noon ni Noel mula nang magtapat ito sa kaniya. Hindi niya alam kung nagtampo pa rin ito sa kaniya. Sana ay hindi na dahil mga bata pa naman sila noon. Siguro ay baka wala na rito iyon.

 “Si Noel, nag-aaral pa sa Maynila. Aba, ang lalaking iyon, gustong maging ob-gyn.” 

“Talaga?” 

Masaya siya para sa lalaki. Hindi na siya nagtaka sa pinasok nitong career dahil nasa pamilya naman nito iyon. Nasa Maynila na pala ito para sa pag-aaral. Gusto niya itong makita. Gusto niyang humingi ng tawad sa lalaki. Hindi niya man lang inisip ang naramdaman nito noon nang binasted niya matapos magtapat ng feelings. Masyado niyang dinamdam ang mga problema niya noon kaya pati ang pagkakaroon ng kaibigan, tuluyan niya nang nakalimutan.

“Oo! Hindi nga ako naniniwala. Sabi ko sa kaniya, baka kaya gustong maging ob-gyn para makamanyak ng inosenteng buntis. Kasi ’di ga, manyak sina Rey at Noel?” Lumaki ang mga mata nito. “Alam mo ga ang ginawa sa akin? Binatukan lang naman ako.”

Hindi niya napigilang tumawa sa sinabi ng kaibigan. “Grabe ka! Kahit naman nanonood ng mga malalaswa sina Noel at Rey noong high school, mababait naman sila.”

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now