KABANATA 39

65 4 0
                                    

KABANATA 39

"Papa, may sasabihin... po ako."

Hindi alam ni Ryma kung paano sasabihin sa ama ang tungkol sa alok sa kaniya ni Miss Jasmine na makapag-aral. Hindi niya alam kung papayag ito. Marami silang gastusin sa bahay. Nag-aaral pa si Andrius sa kolehiyo kaya tiyak na mahirap kung sasabay siya.

"Ano iyon, ineng?" tanong ng papa niya bago humigop ng kape.

"Nag-alok po sa akin ng scholarship si Miss Jasmine."

Tumango ito. "Scholarship saan?"

"Sa kolehiyo po."

Hindi agad nakasagot ang kaniyang ama. Ang mga kapatid niya naman ay tumigil din sa ginagawa sa umagang iyon. Napalunok siya. Iyon na nga ba ang sinasabi niya. Marami pa siyang responsibilidad at makasarili siya kung gagawin niya ang mga bagay na gusto niya.

"Pero... baka hindi ko na lang po tanggapin? Marami pa tayong gastusin. Nasa kolehiyo pa si Andrius... pagkatapos ay si Adrian ay malapit na rin mag-kolehiyo. Huwag na lang—"

"Tumuloy ka. Ano bang course ang kukunin mo?" nakangiting tanong ni Andrius sa kaniya.

Sumulyap siya sa kaniyang papa na natahimik na. Nagpakawala siya ng malalim na hininga bago bumaling sa kapatid. "Bachelor in design sana."

"Talaga? Sosyal! Ibig sabihin, magiging fashion designer ka na talaga?" excited na tanong ni Andy sa kaniya.

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "Iyon na nga, sosyal. Hindi ako bagay doon saka mayayaman lang ang kumukuha ng ganoong kurso. Nag-aaral pa kayo."

Bumaba si Andrius mula sa hagdan na bagong ligo. Hindi pa nakasuot ang polo nito at mukhang nagmamadali. "Ate, huwag mo kaming isipin. Kaya na namin. Chance mo na ito. Ayos lang kami. Kung hindi mo kami binuhay noon, sana ngayon pa lang ay nakamit mo na ang pangarap mo."

Tumayo na si Andrius. "Tara na!"

Sabay kasing pumasok ang mga ito. Si Andrius ang gumagamit ng motor ng papa nila kaya hinahatid nito si Adrian sa eskuwelahan. Tumayo na rin ang iba niyang kapatid para asikasuhin ang tindahan nila ng mga ulam. Panghapon pa kasi ang schedule ng mga ito sa eskuwelahan.

"Sorry, anak."

Natigilan siya sa paghigop ng kaniyang gatas nang marinig iyon sa ama. Garalgal na ang boses nito at parang pinipigilan lang umiyak. Kahit marami itong pagkukulang sa kaniya at sa mga kapatid niya, ayaw niya namang masaktan ito. Matanda na ang kaniyang ama para bigyan ng mga isipin.

"Papa, bakit po?"

Hinawakan nito ang kamay niyang nakapatong sa lamesa. "Sorry... kasi hindi ka man lang tinanong ni Papa. Hindi ko man lang naisip na may mga pangarap ka pa palang gustong matupad. Dahil sa akin kaya... hindi ka nakapag-aral. Hindi masaya ang kabataan mo."

Hinawakan niya ng isa pang kamay ang kamay nito. "Papa, kontento na naman po ako sa trabaho ko. Nakakapag-aral na po ang mga kapatid ko nang maayos. Hindi na po kami nagugutom."

Napailing ang papa niya. "Kahit ganyan ang sabihin mo, alam kong may iba kang gustong gawin sa buhay mo. Hindi kita pipigilan. Susuportahan kita. Ako ang bibili ng mga tela para sa'yo kapag kailangan mo. Ako ang bibili ng mga materyales mo kapag kailangan mong mag-design. Gusto kong makitang hawak mo ang diploma mo."

Hindi niya napigilan ang pagtulo ng mga luha niya. "Thank you po."

Niyakap niya ito. Parang hinaplos ang puso niya. Akala niya ay matagal niya nang tinanggap sa sarili niya na tapos na siyang mangarap. Akala niya ay wala na siyang pag-asa pero muling bumukas ang pinto para sa kaniya. May mga taong handang sumuporta sa kaniya.

Unlock to Love AgainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon