KABANATA 31

42 3 0
                                    

KABANATA 31

Ilang ulit na pinisil ni Ryma ang kaniyang mga palad na nanlalamig dahil sa sobrang kaba. Tapos na ang final interview at nakapasa siya kaya lang ay hindi niya maintindihan kung anong dapat niyang maramdaman. Siguro ay masyadong nagalak ang puso niya sa kaba, pangamba at saya. Bukas na bukas ay papasok na siya bilang call center agent.

Takot na takot siya dahil iyon ang unang beses na nag-apply siyang pormal ang pananamit. Mabuti na lang ay naitago niya ang formal dress at cardigan na binili niya sa ukay-ukay. Nag-defense kasi siya noong Grade 12 kaya napilitan siyang bumili. 

Alam niyang magagamit pa naman sa ibang trabaho ang tinapos niya pero kailangan niya ng mabilisang trabaho. Isinakripisyo niya ang budget nila sa araw na iyon para lang sa pag-aaply. Mabuti na lang talaga ay natanggap siya.

Magpapasukan na kasi ang mga kapatid niya. Kailangan niya ng pera pambili ng mga gamit ng mga ito. Isa pa, nahihiya na siya kay Ate Rose dahil ang dami na nitong naitulong sa kanila. Kapag sapat na ang pera niya, maghahanap siya ng ibang bahay para hindi na sila nakikitira sa bodega ng amo.

Pagkauwi niya sa bahay ay umidlip muna siya pagkatapos magbihis. Nagpaalam na kasi siya sa dalawa niyang trabaho. Nagising lang siya dahil kay Andy. Sinabihan siya nitong maghapunan na kaya agad siyang tumayo para magmumog at maghilamos.

Mabuti na lang ay may kusa sa paggawa ang lahat ng mga kapatid niya kaya hindi na siya namomroblema sa gawaing bahay. Kung may sanggol pa lang siguro siyang kapatid ay baka hindi niya kayanin. Bukod sa magastos ay kailangan din alagaan dahil maselan ang bata. 

“Andrius, samahan mo iyang maliliit nating kapatid sa pag-enroll pagkatapos mong mag-enroll.”

Tumigil ito sa pagnguya. “Ate?”

“Mag-eenroll kayo.”

Umiling si Andrius. “Hindi muna ako papasok. Tutulong ako sa’yo.”

Tinaasan niya ng isang kilay ang kapatid. “Anong hindi papasok?”

Nagpatuloy muna sa pagkain si Andrius bago sumagot. “Ate, marami tayong gastusin…”

“Huwag kang mag-alala. May bago na akong trabaho kaya makaluwag-luwag tayo.”

Kumunot ang noo ni Adrian at nakisali sa usapan. “Dalawa na ang trabaho mo, ah? Dinagdagan mo na naman. Wala ka na yatang balak matulog.”

Umiling siya at kumurot sa tuyo sabay subo. “Umalis na ako sa dalawang kong trabaho. Nag-apply ako sa call center kanina at natanggap ako.”

Nagkatinginan ang dalawa bago lumingon sa kaniya. 

“Bakit ngayon mo lang sinabi? Mag-celebrate tayo! Kailangan ng lechon!” masayang deklera ni Adrian. 

Malapit ang binatilyo sa kaniya kaya agad niyang binatukan. “Wala nga tayong pera, magpapa-lechon ka pa.”

“Lechong tuyo, Ate Ryma. Assuming ka na naman.” 

Nasabunutan niya na ito sa pagkakataong iyon. Parang mas gusto niya na lang na bumalik ang mga ito sa pagiging bata kung saan mabait lang ang mga ito sa kaniya at hindi palaging nang-aasar. 

Dati ay gusto niyang magkaroon ng kuya dahil parang ang tatag kapag lalaki ang panganay. Sila ang lalaban para sa kaniya. Sila ang mag-aalaga at poprotekta sa kaniya. Gustong-gusto niya iyon subalit ngayon ay ayaw niya na. Nang magbinata na ang mga kapatid niyang lalaking mas bata sa kaniya, parang mga kuya niya kung umasta.

Lumipas ang mga araw, naging mayos ang buhay nila. Nakakakain na ang mga kapatid niya tatlong beses sa isang araw hindi gaya noong nalilipasan ng gutom. Nakabili rin siya ng cellphone kahit second hand lang sa unang suweldo niya. Kailangan niya kasi kapag kailangan siyang tawagan ng mga katrabaho niya. Sa pangalawang sahod niya, binilhan niya ng mga gamit ang mga kapatid niya para sa eskwelahan. Masakit sa bulsa dahil marami siyang pag-aaralin pero ayos lang. Gusto niyang makatapos ang mga ito at matamo ang karapatan bilang bata na makapag-aral.

“Ate, sira na pala ang zipper ng bag ko pero ayos pa naman. Zipper lang ang nasira,” imporma ni Leah sa kaniya habang binabayaran niya ang school supplies.

“Sige, bukas ay tatahiin ko na lang. Okay lang ba?”

Nag-approve sign si Leah kaya napangiti siya. Hindi maarte ang kapatid niya. Hindi katulad ng ibang bata na laging gustong bago ang gamit. Ilang taon na ring ginagamit ng mga kapatid niya ang mga bag ng mga ito pero hindi niya minsang narinig na magreklamo ang mga ito.

Maayos ang naging daloy ng trabaho niya pero minsan ay hindi niya maiwasang makaramdam ng pagod sa pisikal, mental at emosyonal na estado. Gaya ngayon, hindi niya mapigilang umiyak dahil napagalitan na naman siya ng line leader niya dahil sa maling ginawa niya sa trabaho. Hindi niya lang kasi maiwasang magdamdam. Isabay pang pagod siya at ang mithiin niyang kailangan niyang maging regular sa trabaho.

Huminga siya nang malalim. “Kaya mo ’yan, Ryma!”


“LEAH, bilisan mong maligo. Susunod pa ang Kuya Ashley mo!” sigaw ni Ryma kay Leah.

Hindi niya na napigilang sumigaw dahil sa sobrang taranta. Mabuti na lang ay walang tao sa loob ng bahay ni Ate Rose kaya walang nakarinig. Nakikigamit kasi sila ng banyo kaya kailangan ding magmadali. Pumunta ulit siya sa bodega at naabutan niya si Andy na nagsusuklay. Agad siyang lumapit sa kapatid at inayusan ito.

Unang araw sa eskuwelahan ng mga kapatid niya at nakalimutan niyang taasan ang volume ng ringtone ng kaniyang cellphone kaya hindi niya narinig ang alarm kaninang umaga.

Balak pa naman ni Ryma maghanda ng almusal para sa kanila pero pinabili niya na lang ng pandesal si Andrius sa labas at pinagtimpla ng gatas ang mga kapatid niya. Pang-umaga kasi ang schedule ng pasok nina Andy, Leah at Ashley habang si Andrius at Adrian ay sa tanghali pa kaya kahit hindi magmadali ang dalawa ay ayos lang.

“Aray, Ate Ryma!” reklamo ni Andy sa pagtirintas niya sa buhok nito.

Napahigpit ang hawak niya kaya napadaing ang bunso niyang kapatid. “Sorry na. Ito na, patapos na.”

Ibinigay niya agad kay Andy ang tasa na may lamang gatas pagkatapos niya itong ipitan. 

Pumasok naman si Leah na katatapos lang maligo. Naka-uniform na ito pero hindi man lang napulunpon ng tuwalya ang mahabang buhok. Basang-basa tuloy ang likod nito. 

“Bakit hindi mo nilagyan ng tuwalya ang buhok mo?” Tinulungan niya ito sa pagpupunas.

“Nandito na ang pandesal!” sigaw ni Andrius. 

Agad lumapit si Leah sa lamesa at kumuha ng isa. Hinabol niya naman agad ito at pinatuyo ang buhok. Nakapagbihis na ang lahat. Kumain na rin ang mga ito ng umagahan. 

Tinulungan niya ang mga itong isuot ang mga bag. “Halika na, ihahatid ko na kayo.”

Natawa si Adrian at napailing. “Ako na ang maghahatid sa kanila. Naka-duster ka pa. Baka mapagkamalan ka pang nanay sa school.”

Napahawak siya sa damit niya at buhok. Saka niya lang napagtantong wala pa pala siyang hilamos. Ni pag-ihi ay hindi niya na nagawa dahil sa sobrang taranta na ma-late ang mga kapatid niya. 

“Sige…”

Nang makaalis ang mga ito ay saka lang nagkaroon ng oras para sa sarili si Ryma. Nagpakawala siya ng buntong-hininga habang ngumunguya ng pandesal pero biglang bumilis ang kaniyang pagnguya nang maalala niyang hindi pa pala siya nagmumumog. “Hala! Akala ko ay pandesal ang may problema. Bunganga ko pala.”

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now