KABANATA 30

45 2 0
                                    

KABANATA 30

Kailangan pang makabawi ng tulog si Ryma pero hindi matigil sa paggising sa kaniya si Andy. “Ate, nandiyan si Madam Dina.”

Pinilit niyang bumangon kahit ayaw ng katawan niya. Kailangan niya kasing makausap ang may-ari ng bahay. Pagkababa niya ng hagdan, tanong agad ang sumalubong sa kaniya.

“May pangbayad na ba ang mama mo?”

“Madam, umalis po siya.”

Kumunot ang noo nito at nagpaypay ng dalang abaniko. “Kailan daw ang balik?”

Napalunok siya. “Hindi na po… yata babalik.”

“Ano? Sinong magbabayad ng utang ninyo. Limang buwan na kayong walang bayad sa upa. Grabe na nga ang binigay ko sa inyong palugit.”

Napakurap siya. Hindi siya makahanap ng maaaring isagot. Saan naman siya kukuha ng perang pangbayad? Sa pagkain, kuryente at tubig ay kulang na kulang na nga ang sinasahod niya.

“Kung ganoon, umalis na lang kayo. Sa iba ko na ito papaupahan. Iwan ninyo ’yang tv ninyo at dalawang electric fan. Pangbayad na lang sa akin.”

Mabigat man sa kalooban ay tumango na lang siya. Wala siyang magagawa dahil wala naman siyang hawak na pera. Mabuti nga ay hindi namahiya ang matanda katulad ng iba. 

Ang tangi tuloy nadala nila ay ang mga damit nila, banig at mga gamit sa kusina. Kakapalan man ng mukha, humingi na siya ng tulong kay Ate Rose. Mabuti na lang ay ipinagamit sa kanila ang bodega sa bahay nito. Sila na lang ang naglinis. Malaki naman iyon at kasya sila roon. Kung gagamit sila ng banyo ay puwede silang pumasok sa loob ng bahay ng amo niya pero binigyan sila ng oras kung kailan puwedeng gumamit. 

Kailangan muna nilang magtiis dahil hindi niya alam kung kailan magiging maayos ang lahat. Para sa mga kapatid niya, sisikapin niyang maging mas masipag pa at maghanap ng mas magandang trabaho. Sanay na naman silang magpalipat-lipat pero sa pagkakataong iyon, hindi na nila kasama ang mama nila.

“ATE, inom ka muna.” 

Tinanggap agad ni Ryma ang binigay ni Andy na tubig sa kaniya. Mabuti na lang ay naisipan nitong bigyan sila ng tubig dahil sobrang init ng panahon. Idagdag pa na nag-aayos silang magkakapatid ng mga nakatambak na gamit sa bodega ni Ate Rose. Malaki naman ang space ng bodega at kaunti lang ang mga gamit kaya iginilid nila iyon sa isang tabi at ang mga gamit nila ay sa kabilang tabi.

“Saan ka nakahingi ng tubig?” tanong niya kay Andy.

“Kumatok ako sa bahay sa taas. Wala naman tayong perang pang meryenda at saka… alam kong kailangan nating magtipid.”

Natigilan siya sa pagwawalis. Umangat ang tingin niya sa bunso niyang kapatid. Naabutan niyang inasar ito ng iba pa niyang kapatid. Kahit mahirap, may tawanan. Masaya sila pero bakit parang may hinahanap pa rin siya? Laging may kulang.

Noon ay napuno ng galit ang puso niya sa mama niya dahil sa mga ginawa nito subalit ngayon ay hinahanap-hanap niya ito. Natatakot siyang baka totoo ang sinabi ni Andrius sa kanilang mama na hindi nila ito kailangan. Paano kung hindi ito bumalik? Namulat siyang kahit anong gawin ng mga magulang nila, magulang pa rin nila ang mga ito. Kailangan nila ang mga ito pero ngayon ay nangangamba na siyang unti-unti nang tinanggal ng mga kapatid niya sa sistema ng mga ito ang mga magulang nila.

Ganoon siya noon. Hindi niya na itinuring na mga magulang ang mama at papa niya. Tanging si Lola Karing lang ang tinuring niyang magulang subalit nang mawala ito, nagsawa siya sa buhay. Sumuko siya sa araw-araw niyang paglalakbay.

“Sorry, ha? Kapag nakapag-ipon ako, bibili ako ng clip fan sa susunod kong sahod.” Pinaypayan ni Ryma gamit ng karton sina Andy at Leah habang ang iba niyang mga kapatid ay kaniya-kaniyang paypay. Magkakatabi sila sa banig at tanging ang maliit lang na bintana ang bukas kaya nakapasok kahit papaano ang hangin.

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now