KABANATA 16

67 3 0
                                    

KABANATA 16

“Sa section 2 ka pala, Jise,” imporma ni Ryma kay Jessie pagkatapos tingnan ang bulletin board. 

Umayos naman ang tindig ni Jessie na nakasandal sa railing kanina. Agaran itong lumapit sa kaniya at marahas na binuklat ang papel para sa Grade 10 students. “What’s the meaning of this?! What’s your section?” 

“One…”

Paulit-ulit pa nitong tiningnan ang papel. Nang makumpirmang nandoon nga ang pangalan nito, hinawakan nito ang palapulsuhan niya at basta na lang hinila. May naglaro sa isip niya sa maaaring plano nito kaya hindi niya napigilang magtanong.

“Saan ga naman tayo pupunta? E, para ba gang ikaw ay susugod sa giyera. Kainaman na! Jise, pupunta ka ga sa tita mo para magreklamo?”

Tumigil ang binata kaya napasubsob siya sa braso nito. Aksidente niyang nahawakan ang matigas nitong braso. Habang tumatagal, mas lalo lang umaangat si Jessie sa lahat. Payat ito noong una niyang makilala pero nang magkaroon ng taba sa katawan, sinimulan na nitong mag-excercise. Ang naging resulta, unti-unting gumanda ang hubog ng katawan at medyo lumalapad na rin ang mga balikat nito. Kapag magkatabi sila, pakiramdam niya ay ang liit niya kahit pa matangkad naman siya.

Ganoon talaga siguro kapag may gusto sa isang tao. Napapansin ni Ryma ang lahat ng pagbabago ni Jessie. Ultimong ang pinakamaliit na detalye ay nakabisado niya.

Dinilaan ni Jessie ang pang-ibabang labi at umiwas ng tingin. “Of all… people, why me? Ang lahat ng classmates natin dati, iyon pa rin. Ako lang ang natanggal. I hope that Tita can pull some… strings…”

Dismayadong umiling si Ryma kaya hindi naituloy ni Jessie ang sinabi. Tumahimik ito at malakas na tumikhim. Kinapa pa nito ang lalamunan na parang namamalat iyon.

“Jise, hayaan mong ikaw ay sa section 2 na lang. May student na mas mataas ang grades kumpara sa iyo. Ikaw ang huli sa ranking sa klase natin kaya matatanggal ka talaga.”

Nanlamig ang tiyan niya nang makita ang mukha nitong bigong-bigo. Umupo ito sa hagdan kaya tinabihan niya ito. Nang magtagpo ang mga mata nila, nagtagal iyon. Sa dami ng estudyante, para bang may sarili silang mundong sila lang ang  nakaaalam.

Yumuko si Ryma at tiningnan ang mga sapatos nila. Napangiti siya nang parehong converse iyon. “Bakit ayaw mo sa bago mong section?”

“You’re not… there. Paano ka?” 

Tumaas ang isang kilay niya at nilingon ang binata. “Paano ako? Bakit? Para namang aalis ako. Baka nakakalimutan mo, magkatabi pa rin ang rooms natin. Ayaw mo ga? Bagong environment iyon para sa iyo.”

“A new environment… without you? Huwag na lang.” Kumunot ang noo nito at tinitigan nang maigi ang magkadaupang palad. “I just want… to check you everytime. I don‘t want you to leave out of my sight. Kung puwede nga lang akong tumira sa inyo, nagawa ko na. Gusto kitang bantayan. I want to protect you.”

Nagpakawala siya ng malalim na hininga at tumingin ulit sa mga sapatos nila. “Hindi ka pa ga nagtitiwala sa akin? Hindi ko na ulit gagawin iyon. Hind na, Jise.”

“I trust you… a lot but I’m scared.”

Kahit anong gawin niya, hindi niya mapigilan ang kaibigan. Lagi itong nag-aalala sa kaniya. Ang lahat ng mga gagawin niya ay gusto nitong alamin. Paano ba siya nagkaroon ng kaibigan? Napakadali niyang naibahagi ang hinanakit niya sa binata at ganoon din ito sa kaniya. Hindi siya ganoon sa mga dati niyang kaibigan. Ang tiwala nila sa isa’t-isa ay tila isang bakal na hindi basta masisira. 

“Alam kong pangit ako pero hindi naman aabot sa puntong katatakutan mo ako.”

Natawa si Jessie kaya natawa rin siya. Nilingon niya ito at inilagay nito ang hintuturo sa mga labi para pigilan ang pag-alpas ng mas malakas na tawa. Hahampasin niya sana ito pero nakailag agad.

Unlock to Love AgainWhere stories live. Discover now