24

10 1 0
                                    

"Akala ko...matatagalan ka pa."

Bungad ko nang makahakbang sya papasok sa pinto. Bakit ba iyon ang sinabi ko? Akala ko matatagalan pa sya? Ang totoo'y akala ko hindi na sya uuwi. Alas nuwebe pasado na ng gabi. Siguradong pagod na pagod sya dahil sa overtime.

"O bakit gising ka pa?"

"..."

Ano bang gusto nya? Makatulog ako ng maayos habang wala pa sya sa bahay at ni walang pasabi kung anong oras sya uuwi?

Mula noong nakaraan ay kahapon lamang sya napaaga ng uwi. Dahil sinabi nya sa aking sa bahay lamang sya at hindi aalis.

Pero heto sya ngayon at ginagabi ulit dahil sa trabaho.

Ang asawa ko talaga, nakakasama na rin sa kanya ang pagiging masipag. Nakakalimutan nya ng may asawang naghihintay sa pag-uwi nya.

"Kumain ka muna bago magpahinga. Magkaka-ulcer ka nyan." -Ako habang inililigpit ang mga gamit nya.

"..."

"Huwag na, kumain naman ako sa opisina kaninang alas syete."

"Sige na, hintayin mo na lamang ako sa kwarto at maghahalf bath lamang akong sandali."

Hawak ko pa ang hinubad nyang medyas at polo nang hapitin nya ako sa tagiliran at saglit na hagkan sa noo.

Hindi nya ugali ang magshower kaagad pagkakagaling sa opisina, pero kahit naman siguro sino ay nababawasan ang pagod kapag nadapuan ng maligamgam na tubig ang katawan.

"Maya-maya kaya, baka mapasma ang katawan mo."

Hindi ko alam kung narinig pa nya ako dahil nakapasok na sya sa bathroom. At ako nama'y isa-isang inihulog ang mga suot nya kanina sa laundry basket.

Nang maagaw ng isang bagay ang aking atensyon. Iyon ang polo nyang katatapos ko lamang i-check ang bulsa at sana'y ilalagay na sa labahan.

Ano 'to?

Mapula ang mantsang malapit sa kanang butones sa kwelyo nito. At isa lamang ang pumasok sa utak ko nang masiguro ko kung ano ang nag-iisa lamang din na posibilidad kung ano iyon.

Kung tinta ay hindi sana ganito kakapal at hindi ito ganitong amoy tsokolate.

Alam kong mahina ako sa mga bagay na pang-matalino, pero hindi naman siguro ako ganoon ka-bobo para pilit kong pagtakpan ang sarili kong pagdududa.

Babae ako.

Siguro nama'y tama na ang dahilan na iyon para balaan ko ang sarili sa kutob na ito, lalo na at asawa ko ang nasa kwento.

Hindi ko kaagad nakolekta ang sarili nang maramdaman ko ang pagbukas ng pinto ng bathroom. Mabuti'y mabilis kong naisilid ang polo sa basket at iligpit iyon sa balkonahe.

"Hmm...ang bango ng asawa ko." -Sya na nasa likuran ko at niyayakap ako kahit na hindi pa tuluyang natutuyo ang katawan mula sa paliligo.

Bakit ganito ang nararamdaman ko?

"..."

"I love you, Henna..."

Nang maramdaman ko ang labi nya sa leeg ko ay nag-impit ako. Mahigpit na nagasumot ang himay ng suot kong palda.

Anong dapat kong ikilos sa pambubuyo nya? Magpapanggap na wala akong nakita? O kokomprontahin sya dahil iyon naman talaga dapat ang una kong gawin.

"May sakit ka ba?" -Tanong nya at pilit akong iniharap sa kanya. At kahit na titigan ko sya sa mata ay wala akong mabasa roon.

May itinatago ka ba sa akin, Leedo?

Niloloko mo ba ako?

Tungkol nanaman ba ito sa taong iyon?

Bakit ganito ang mga mata nya at parang walang guilt kapag kaharap ako. Ni ako pa ang naiilang kapag tinititigan ko sya sa mga mata.

"Wala akong sakit." -Wala akong nagawa kundi mag-iwas na ng tingin sa kanya at hawiin ang mga palad nya sa mga pisngi ko.

Kung may mahalata man sya sa ekspresyon kong inasal sa kanya, sana malaman nyang hindi ako komportable sa mga ikinilos nya ngayon sa akin.

Bigla na lamang syang naglambing.

Sana rin...mauna syang pag-usapan ang tungkol doon. Dahil ayokong magtanim ng duda sa utak ko. Ayaw kong siraan ang asawa ko sa sarili kong utak na walang ginawa kundi hangaan ang kabuuan nya sa lahat ng oras.

"Ang mabuti pa, tara na sa kwarto para makapagpahinga ka na rin." -Tsaka nya ako niyaya papasok ng kwarto.

Humiga man roon ng magkatabi pero nanatili akong hindi nagsasalita. Hinihintay ang sasabihin nya dahil alam kong hindi sya magtatago ng bagay na makakasira sa amin.

Alam kong hindi nya ako mahal na mahal. Pero nirerespeto nya ang basbas ng kasal namin.

Hanggang sa kalahating oras na ang lumipas sa tantya ko. Nakatulog na lamang sya ay wala akong narinig mula sa kanya.

Kanina'y sinimulan nya akong pakitaan ng motibo at hilingin ang bagay na iyon sa akin bilang asawa pero sinabi kong pagod ako.

At iyon pa lamang ang pangalawang beses na tinanggihan ko sya. Dahil mula pa noon kahit na may sakit ako, ay ni hindi ko sya tinalikuran.

Maliban ngayon.

Ang katotohanan ay nakaramdam ako ng pagkailang sa paraan ng paglalambing nya sa akin.

Bakit pakiramdam ko'y ganito lamang sya sa akin dahil may kasalanan sya?

"Mahal..."

"..."

"...sana maging tapat ka palagi sa akin."

Kinuha ko ang kanyang palad at ipinaglaro iyon sa aking pisngi. Hindi sya sasagot dahil tulog na sya.

"..."

"I love you too, Leedo."

Ngayon ko iyon sinabi matapos hindi sya sagutin kanina. Iniangat ang kanyang braso at isiniksik ang aking sarili sa loob ng kanyang bisig at magpayakap sa kanya kahit mahimbing na ang tulog nya.

Habang ako ay hindi pa dalawin ng antok.

Ang polo nya.

Iisang-isa tao lamang ang pumasok sa isip ko ng makita ang mantsang naroon.

Ang pulang lipstick na imposibleng sa akin.

Dahil unang-una, hindi ako naglalagay ng lipstick sa loob ng halos dalawang taon kundi lip balm lamang sa tuwing malamig ang panahon.

Pangalawa, sya lamang talaga ang nag-iisang tao na dapat kong pag-isipan na gagawa noon kasama ang asawa ko.

Si Ate Solar.

Bakit nya ginagawa ito sa akin? Ano pa ang kailangan nya at ilang beses pa nyang kailangan ang asawa ko para maitabla ko ang pagpaparaya nya sa akin dito noon?

🍀

Hello, Beginning • Oneus fanfiction✅Onde histórias criam vida. Descubra agora