Amateur Singing Contest

63 3 0
                                    


Magandang araw sa inyong lahat. Faith po ng Pampanga.

Ang kwento ko ngayon ay nangyari noong 5 years old pa lang ako. Base sa mga bagay na natatandaan ko at kinuwento din ng mga ate ko. Ito ang pang last 3 sa story ko na nangyari sa hometown ko.

Napabalitang may ameteur singing contest sa aming barangay. Para sa mga may edad na, mga dalaga at binata tsaka bata. May deadline yun na pag di ka nakapagpalista agad kung nais mo man na sumali ay di ka na pwedeng sumali non pag nag-start na. Basta ang rules magpalista ang sasali bago yun at syempre dapat marunong kumanta.

Sumapit ang araw ng contest. Ang mga kapatid ko ay isinama akong manood, yung mga magulang ko non ay may gawain sa Panginoon kaya di nakapanood. Tapos may hika pa ako non pero nung time na yon ay di naman sumumpong ang alaga kong hika. FYI, dun sa mga nagkoment po kung paano ako nakatakbo ng mabilis, bago po ako mag-7 yrs old ay nawala na ang hika ko. Naniniwala kaming pinagaling ako ng Diyos.

Basta lagi lang akong may towel sa likuran. Kaming limang babaeng magkakapatid ay nanood at nakita ko din don ang dalawa ko pang kuya na may pamilya na. Yung Ate Pattie ko na sumunod sa akin ay nakabihis at kasama siya sa contest pati na rin si Ate Mary ko. Kaming tatlo nina Ate Annie at Ate Donna ay full support naman.

Hanggang sa magsisimula na kasi ang contest. Una ang mga bata, natawag sila bale pang lima ang Ate Pattie. Gitara ang sumasabay sa mga contestants. Palakpakan ang mga tao ng ang Ate ko na ang kumanta kasi ang galing nga naman at biritera. Makapanindig balahibo. 'One moment in time' ang kinanta nya. Sigawan ang mga tao
ng matapos siya.

Sa kabinataan at kadalagahan na. Apat lang sila non tatlong babae at isang lalaki. Yun na nga kasama ang Ate Mary ko at inawit ang 'Help'. Nang siya na ang kakanta ay tahimik ang lahat, kilala na siya sa barangay. Sabi ng karamihan ay may nanalo na daw.

Nang sa mga may asawa na, tinatawag silang pwede pa po kami, kaya pala nandoon ang dalawang Kuya namin ay dahil kasali rin sila. Kilala ang pamilya namin sa barangay na magaling na mga mang-aawit kaya hayun sabi ng mga tao kahit di pa naman nasabi ang mga nanalo ay namakyaw daw ang mga anak ni Aling Conching, pangalan ng Nanay namin. At ganon nga ang nangyari ng i-announced ang mga winners. Sa bata ay si Ate Pattie ko ang winner, sa kabataan ay si Ate Mary, sa pwede pa po kami sina Kuya Lyndon at Kuya Ed. Ang saya-saya namin non, hanggang yung kamayan pa sila tas ako naupo sa bench dahil nangalay na maghintay sa mga kapatid ko, gusto ko ng magmaktol kasi antok na antok na din ako noon. Hanggang sa sinabihan kami ng dalawa naming kuya na uuna na sila kasi malayo pa yung bahay nila. Nakabukod na sila sa amin. Uwi na rin kayo sabi pa sa amin. Kaso nga lang ang mga ate ko ang dami pang kachikahan. Napipikit na ang mga mata ko. Hanggang sa naramdaman ko ng namimigat ang talukap ng mga mata ko.

Ang mga kapatid ko ay nagkikipagkwentuhan pa tsaka ang daming bumabati sa kanila. Kasama din nilang nakikipagkwentuhan ang dalawa ko pang ate na akala mo nanalo din sa pakaway-kaway. Aisssttt. Napasandal na ako non sa poste at pumikit. Naisip ko matatagalan pa ang mga  ito.

Mga 40 mins na rin siguro ang lumipas ng magmulat ako ng mga mata kasi naramdaman ko na tahimik na. At nakita ko wala ng mga tao at puro dilim na lang ng buong paligid ang nakikita ko. At nakaramdam ako ng lamig siguro dahil wala na ang mga tao. Hanggang sa lumitaw ang liwanag ng buwan. Palingin-lingon ako sa paligid natatakot na ako non, yung towel na nasa likod ko ay hinila ko nang konti habang  ipinupunas ko sa uhog ko at luha. Umiiyak na ako, pinigilan ko na magkatunog ang hikbi ko kasi naisip ko non kung may mumu baka marinig ako. Lalo na kong sinipon ng tuluyan at sinisinok na ako non sa kakaiyak nang biglang may nakita akong batang babae na papalapit sa akin. Hindi ko alam kung saan siya nanggaling basta nung paglingon ko bigla nalang siyang nandiyan at papalapit. Nakabestida ito ng may manggas at puti na may raffles sa baba. Tapos mahaba ang buhok nya at naka-doll shoes na puti na may ribbon sa gitna at may medyas na puti. Ang gara ng suot ng bata. Mukha siyang mayaman sa gayak nya. Malaki siya sa akin siguro ay nasa walong taong gulang ito. Nang makalapit na siya sa akin ay di ko maaninag ang mukha nya. Naisip ko non siguro dahil gabi na nga.

Narinig kong nagsalita siya "bakit ka umiiyak?" Tagalog ang salita nya. Kaya ako naman ay trying hard na nagtagalog haha. Tagalog malabyas ang tawag dun sa aming mga kapampangan. Kako kasi iniwan ako ng mga ate ko pagkatapos ng contest. Ang layo ng sa amin kaya paano akong makakauwi huhu. Tapos naiiyak na naman ako. Tapos sabi nya "Huwag ka ng umiyak sasamahan kita. Gusto mo laro tayo?" Tumango ako, ngumiti at tumahan na habang sinisinok. Tapos nagpikpakbung kami at ang taya ay mapipitik bulag. Ang saya. Tawanan kami at nawala na sa isip ko ng mga oras na iyon ay gabi na at naiwan akong mag-isa sa basketball court. Tsaka yung tagalog ko ay mali-mali pero di ako pinipintasan nung bata.

Samantala sa bahay namin ay tulog na ang mga mga magulang namin ng dumating ang mga kapatid ko. So nagsihiga na rin ang mga ate ko, at hindi pa rin nila namamalayan na wala ako. Hanggang yung Ate Pattie ko ay naalala ang sobre na natanggap wala sa bulsa nya. Tumayo siya at pinaghahanap ito. Nawawala pala! Pati sa harap ng  pinto ay lumabas hawak ang gasera at hanap siya ng hanap. Doon nagising ang mga magulang ko at tinanong ni Nanay kung napaano ba siya. Hanggang pati mga kapatid ko ay naghanap na din. Doon na biglang nagtanong ang Tatay ko kung nasaan si Faith? Hala dun pa lang nataranta ang mga kapatid kong nanalo lang ay nakalimutan na ako. Turuan daw sila kung sino ba ang huli kong kasama. Agad na bumangon ang Tatay ko at kinuha ang flashlight at pamalo na ginagamit sa aming magkakapatid. At lumabas para balikan ako sa basketball court. Kami naman non ay naglalaro pa rin ng bata. Papalapit na daw ang Tatay ko ay naririnig nya akong tawa ng tawa. Ang saya ko daw na tila may kausap ako at kalaro. Hanggang sa nakita nya ako na tila naglalaro at nagsasalitang mag-isa. May mga kawad na nakaharang non sa bakod. Kung pwede lang syang lumusot don ay ginawa na nya para agad makalapit sa akin.  Kaya dali-dali daw itong tumakbo para makalapit sa akin. Nasa entrance na siya ng court ng marinig kong tinawag ako, "Dungdong" (means love-love). Natuwa ako ng marinig ko ang boses ni Tatay at tumakbo ako papalapit sa kanya. Knight in shining armour ko talaga ang Tatay ko kahit kailan. Alam na alam nya pag kailangan ko siya. Kaagad akong yumakap sa kanya, yumuko siya at kinarga ako. "Tara uwi na tayo neh hinihintay ka na ni Nanay" sabi nya. "Ayy Tay may kalaro po ako magpapaalam muna ako sa kanya", sabi ko naman. "Nasaan siya?", ani Tatay. "Hayun o nakaupo kasama ko kanina nung wala ka pa naglalaro nga kami. Tara lapit tayo", sabi ko lumapit naman kami.
"Wala naman e", sabi ni Tatay. Tumingin-tingin kami sa buong paligid wala ang bata na talaga namang ipinagtaka ko. Ang entrance ay doon pa sa pinasukan ni Tatay kaya paano at saan ito dumaan?

Nung pauwi na kami ay tinanong ako ni Tatay kung sino daw ang kalaro ko, sabi ko batang babae. Maganda. "Bakit nakita mo ang mukha?", sabi ni tatay, "ayy di ko po matandaan kasi madilim," sabi ko. "O e anong suot nung bata?" Tanong ni Tatay.
"Maganda po nakaputing dress tapos white doll shoes. Akala ko nga flower girl o may honor at aakyat sa stage". Kasi naalala ko ang ate ko pag umaakyat sa stage ganun ang porma nila. "O e ang buhok" sabi ni Tatay. Naramdaman ko ang kabog ng dibdib nya non kasi nga kinakarga ako. Mahaba po hanggang dito kako isinenyas ko na hanggang baywang. "Nag-usap kayo?" tanong nya. "Opo tagalog nga eh." Hindi na kumibo si Tatay at halos tumakbo na siya para makauwi kami.

Pag-uwi sa bahay pinunasan ako ni Nanay at pinahiga na. Ang mga kapatid ko naman ay tinawag ni Tatay at kinausap sa dining table. Alam ko galit sya non pero nagpipigil siya. Narinig ko lang non ang sinabi nyang "Bakit nyo iniwan ang kapatid nyo? Kinalaro nya ang kapatid nyo!"

Kinabukasan ay narinig ko ang mga ate ko na nag-uusap at inaasar ako na ang kasama ko daw pala na naghintay sa court ay multo. Kaya napagalitan sila ni Tatay dahil iniwan nila ako at kinalaro ako ng multo. Sabi ko mabait siya sa akin at hindi naman nya ako sinaktan, hindi siya multo kako. Baka angel pala yon sabi ko pa non (sabi sa inyo eh, di lahat ng multo ay salbahe at gustong manakot.)

May isang pamilya daw na nagbakasyon sa lugar namin na taga-Manila at ang batang yon ay nasagasaan ng rumaragasang sasakyan sa harap ng basketball court kaya daw doon madalas magparamdam. Bibili lang siya ng chocolate sa katabing tindahan ng basketball court. Mahilig daw yun sa bata kasi solong anak. Nagkaroon naman ng justice ang pagkamatay nya. Ako naman non ay naging tagalog na ang dialect, kwento ng Nanay ko at mga kapatid ko.

P.S. Yung mga nag-send po sa akin ng friend request di ko po kayo ma-confirm don kasi dummy account ko lang yun, pang like and comments ko. Pasensya na. Gusto ko nalang kayong i-add dun sa totoo kong FB. Alam nyo na kung sino kayo. Yung part2 ng honeymoon, nahihiya yata akong isend haha.

Faith♥️
Pampanga

Scary Stories 6Where stories live. Discover now