Bicol Dekada Otsenta

6 0 0
                                    


Noon pa ma'y uso na mga pa-disco sa mga probinsya lalo na bago sumapit ang piyesta, minsan na rin akong nakapunta sa ganitong kasiyahan sa Nueva Ecija noong mga nasa dekada nobenta pa lamang.

Kwento nga pala ito ng kapitbahay naming si Mang Delfin, naikwento niya ito noong minsang nag-inuman sila kasama si Lolo Nior. Yamang puro kami Bicolano sa lugar na iyon ng San Mateo, puro kwentong kababalaghan sa Bicol ang narinig ko.

Nagsisitayuan ang mga balahibo ko sa tuwing naaalala ko ang kwento ni Mang Delfin.

Simulan na natin....

Papuntang discohan sila Mang Delfin at ang pinsan niyang si Abner at talaga namang gayak na gayak sila, at handa na kamong paibigin lahat ng babaeng maisasayaw nila. Halos aabutin ka raw ng kuwarenta minutos sa paglalakad, mula sa kanila patungo sa discohan, at ang kanilang madaraanan ay puro kadiliman at malalawak na kapatagan, maraming puno at tanging ang tangan-tangang flashlight ang nagsisilbing tanglaw sa daraanan.

Nasa apat silang magbabarkada noon ang nagkasundong pumunta sa discohan, sa daan ay nag-uusap at nagpaplano na sila kung paano didiskartehan ang mga dilag na kanilang mapipiling isayaw.

Pagdating nila sa discohan ay mga nanalamin muna at siniguradong nasa nais na ayos ang buhok nilang punong-puno ng pomada at tila ba ito ang kanilang anting-anting na gagamitin upang mapaibig ang mga dilag sa lugar na 'yon. Pagpasok na pagpasok nila sa bulwagan ay umiikot ang mga mata ng mga binata sa mga dilag na nakaupo at nag-aabang ng mga kabinataan na mahuhumaling sa kanilang ganda.

Kanya-kanya silang pili ng mga maisasayaw, ngunit namumukod tangi si Abner sa kanyang napili.

Pinili nito ang hindi kagandahan at may kaliitang dalaga na nakatayo lamang sa labas ng pintuan, na hindi mo mawari kung siya ba'y kasali sa kasiyahan at napadaan lamang sa lugar na iyon. Nakakulay puting lumang bestida ang dalaga, at habang isinasayaw ni Abner ay tila ba hiyang-hiya sa mga matang nakatingin sa kanila. Pagkatapos ng sayaw nila ay bigla na lamang nawala ang dalaga, hinayaan na lang ni Abner at nagpatuloy sa kasiyahan at sa pustahan ng paramihang babaeng kanilang maisasayaw.

Pasado alas-onse na ng gabi nang matapos ang disco, noong una ay marami pa silang naglalakad pauwi na mga kasabay mula rin sa discohan, ngunit sa kalagitnaan ng daan pauwi ay silang apat na lang muli.

Mahigit kalahati na ang kanilang nababagtas, lagpas ng malalawak na kapatagan ay kailangan mong dumaan sa mapuno at masukal na daanan, yamang hindi pa nga uso ang espaltadong daanan noon.

Habang binabagtas ang masukal na daan pauwi, ay may napansin silang mula sa itaas ay may kumalabog pabagsak sa lupa. Napahinto sila lahat. Nakikiramdam.

Tinutok ni Mang Delfin ang dalang flashlight kung saan may napansin silang kalabog. Nang hindi sinasadya ay may nakita silang isang pares ng paa na walang pangyapak at tila ba nakabestidang kulay puti, kung aaninagin mong mabuti, dahil tinamaan ng ilaw ang laylayan ng kanyang kanyang damit.

Sabi nang isa sa mga kasama nila Mang Delfin, "Tol, aswang yata 'yan. 'wag tayonng maghihiwa-hiwalay, dahan-dahan lang tayong lalakad palayo at huwag nating aalisan ng tingin."

Gayon nga sana ang gagawin nila nang,.. humuni ito ng napakalakas, tila iyak ng demonyo. Nanigas sa takot ang magkakaibigan, nag-abang nang susunod na kabanata.

Pagkatapos na pagkatapos ng paghuni nito ay bigla itong sumugod patakbo sa kanila. Natuliro si Mang Delfin sa nangyari, kanya-kanya silang takbo makalayo lang sa impaktong 'yon. Nagulat na lamang siya nang nakarating siya sa barangay nila, ngunit wala si Abner. Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga nagroronda roon na balikan si Abner baka marahil sa ngatog ay nabuhol ang mga tuhod at hindi nakatakbo.

Maraming tanod ang sumama sa kanila, pagdating nila roon kung saan sila nagkahiwa-hiwalay ay narinig nila si Abner na umiiyak at humihingi ng saklolo.

Sinundan ang tinig ni Abner kung saan nagmumula, at nang matagpuan ay nasa itaas ng puno at nakasabit patalikod, talagang hindi nga siya makakababa roon.

Kwento pa ni Mang Delfin marahil iyon yung babaeng isiniyaw ni Abner sa disco.

PS. Noong nag-hayskul ako sa San Mateo lagi akong ginagabi nang uwi dahil dinadalaw ko lagi ang dati kong nobyang na taga Banaba, at sa twing uuwi ako sa Dulong Bayan ay tila ba may nakasunod palagi sa likod ko, sa tuwing binabagtas ko ang daang ahas ng Benson patungong Daang Tubo.

PPS. Bilin ni Lolo Nior, kung may napansin akong sumusunod sa akin ay huwag daw akong tatakbo o huwag ding lalakihan ang hakbang ko, dahil sumusuot daw ang aswang sa pagitan ng hita mo kapag ika'y tumatakbo, ginagawa raw nila ito para madagit ka nila.

- The Man from Manila

Yayımlanan bölümlerin sonuna geldiniz.

⏰ Son güncelleme: Sep 04, 2023 ⏰

Yeni bölümlerden haberdar olmak için bu hikayeyi Kütüphanenize ekleyin!

Scary Stories 6Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin