Suka #68

212 6 1
                                    

MAIKLING KWENTO | BROKENHEARTED NA PLATITO

Pinipisil-pisil ni Belle ang kanyang pisngi habang nakaharap sa salamin sa loob ng kanyang kwarto. Nakasuot na siya ng corporate attire, tapos na ang make-up, at maayos na ang lahat para sa kanyang Preliminary Interview sa publication.

Dalawang buwan na ang lumipas mula nung nag-graduate siya sa University of San Jose - Recoletos sa Cebu sa degreeng Bachelor of Arts in Journalism. Tsamba, ayon sa kanya, at naging cum laude pa siya.

Huminga siya nang malalim.

"Kaya mo 'to, Belle. Kakayanin mo 'to", sabi niya sa kanyang sarili. Determinado siyang makapasok sa publication at ipagpatuloy ang kanyang buhay nang wala ang kanyang boyfriend - ex-boyfriend.

Lumabas na siya sa kanyang bahay, sumakay ng jeep papuntang publication. Bumaba siya saglit sa isang coffee shop.

Maaliwalas ang kanyang araw. Good vibes. Alas otso pa ng umaga, at marami na'ng tao sa labas. Maingay, maalikabok, magulo. Lahat nagmamadali. Maliban sa kanya. Feel niya ang moment with positive attitude.

Pumasok siya sa coffee shop upang mag-relax habang hinihintay ang pagbukas ng publication ng 9 AM. Nakakita siya ng upuan malapit sa one-sided mirror na kitang-kita ang mga taong napaparaan. Doon siya umupo. Lumapit ang isang waiter, at umorder siya ng frappuccino.

Nililingon niya ang paligid. Hindi pa gaanong maraming tao sa loob. May mga matatandang nag-uusap at halatang galing pa ng golf ang attire. Meron ding mga estudyante. Merong nakasuot ng corporate attire gaya niya. At meron ding...

"Oh my God", bulong ni Belle.

Nakaupo sa harapan niya si Mark, ang kanyang ex-boyfriend, na may kasamang babae.

Yumuko siya. Ayaw niya'ng magpakita.

Napansin siya ni Mark. Tumayo ito at lumapit sa kanya.

"Belle?" pasimula ng kanyang ex-boyfriend.

"Ano'ng ginagawa mo dito? At sino 'yang kasama mo, ha?" sagot ni Belle, hawak-hawak ang cellphone, nagbibusy-busy-han.

Halatang nagpa-panic ang ex niya. Tumingin kay Belle ang kasama nitong babae, tumayo at lumapit rin sa kanila.

"I'm Kylie, girlfriend ni Mark, And you're Belle, right? Ex ni babe ko?" pasimula ni Kylie.

Tumaas ang blood pressure ni Belle. Bukod doon, nawasak muli ang kanyang puso - pusong duguan pa at hindi nakakabangon. Pinipilit niyang pakalmahin ang sumasabog na damdamin sa harapan ng taong mahal niya, taong iniwan siya. Hindi siya nakapagsalita. Nakatingin siya sa platito kung saan nakalagay ang baso ng kapeng iniinom niya.

"Belle, I'm sorry. I was about to say to you, pero hindi ko kaya. I'm sorry talaga", sabi ni Mark, malungkot ang mukhang nakatingin kay Belle.

Tumayo si Belle, iniiwasang tumingin sa kanilang dalawa. Kinuha niya ang platito at ibinigay ito kay Mark.

"Ihulog mo", pasimula ni Belle.

"Ha? Bakit naman?" tanong ni Mark, nagtaka sa sinabi ni Belle.

"Ihulog mo ang platito", tumaas nang kaunti ang boses ni Belle, maluha-luha na ang mga mata.

Walang nagawa si Mark kundi sundin ang iniutos ni Belle sa kanya. Nabasag ang platito, at nagsitinginan ang mga taong nasa loob sa kanila.

"Nabasag, hindi ba?" pasunod na tanong ni Belle.

Tumango si Mark, hindi pa rin alam kung ano ang mga nangyayari.

"Mag-sorry ka", tugon ni Belle.

"San?"

"Sa binasag mo".

Nalito si Mark.

"Mag-sorry ka", galit na si Belle. Umiiyak na ito.

"I-I'm sorry", pwersang sabi ni Mark, nakatingin sa basag na platito, walang ni isang ideya sa mga nangyayari.

"Okay. Tapos? Bumalik ba siya sa dati? Naging platito pa ba ulit siya?" dahang tanong ni Belle kay Mark, nakatingin ang mga lumuluhang mata sa taong lubos siyang sinaktan.

"Basag... Basag pa rin", at hinawakan ni Mark ang kamay ni Kylie.

Nakatakip ng panyo ang bibig ni Kylie, halatang may guilt sa ekspresyon ng mukha. Nakatingin ito kay Belle.

Pinahiran ni Belle ang mamasa-masang mukha, napabuntong-hininga, at tiningnan ang dalawa.

"Now, you understand", bumuhos ang kanyang emosyon, kinuha ang bag, lumapit sa cashier, at nagbayad, "para sa platito, kuya. Matabang po ang kape. Salamat".

Naiwang tulala ang dalawa. Napayuko na lamang si Mark.

Binuksan na ni Belle ang pinto palabas. Eksaktong 9 AM na.

"Hindi mo sila nakita, Belle. Okay ka lang, di ba? Okay lang", at tumungo na ito sa office ng publication para sa interview.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Where stories live. Discover now