Suka #33

391 5 1
                                    

Isang maikling kwento (orihinal na isinulat para sa isang short film)

UNTITLED

Nagising ako sa boses ni Lola Nita. Maligo ka na, hijo. Maligo ka't magbihis. May pupuntahan tayo ng lolo mo, sabi niya. Pagkaraan kong magbihis, pumasok si Lolo Jose sa kwarto, magara ang suot. Ang gwapo ni lolo sa araw na iyon. Sumunod naman si lola, nakangiti, maganda sa kanyang bagong tahing saya. Suot-suot ko naman ang asul na polo na bagong bili ni lolo sa'kin noong Pasko. Hindi ko pa rin alam kung saan kami pupunta.

"Tingnan mo ang apo natin, Jose. Malapit nang magbinata. Naku, napakaraming babae ang maghahabol dito," sabay tawa ni Lola Nita.

"Natural, nagmana sa lolo, di ba, apo?"

Wala akong masabi maliban sa isang tahimik na ngiti.

"Osya, tayo na. Baka mapapalinya pa tayo nito sa photo booth," wika ni Lola Nita.

Magpapakuha pala kami ng litrato. Kaming tatlo. Ewan kung ano'ng okasyon basta raw magpapakuha kami ayon kay Lolo. Malapit lang sa bahay ang office ng photographer kaya nilakad na namin. Habang nasa daan, tinanong ko sina lolo't lola.

"Bakit po nagpapalitrato ang mga tao?"

Tumawa si Lolo Jose.

"Alaala, apo. Alaala," sagot niya.

"Upang sa pagtanda mo, titingnan mo ang mga ito at babalik sa'yo ang mga masasayang alaala mo noong araw," dagdag ni Lola Nita.

"Bakit ko po kailangang alalahanin?"

"May mga pagkakataon kasi hijo na kailangan mo ng bagay na magpapalakas sa'yo sa mga panahong malungkot ka, mga alaalang masaya, mga alaalang nagpapagaan ng loob," sagot ni lolo.

"Fragile ang memorya ng tao, apo. Madaling mabasag. Ngunit kung may bagay na magpapaalala sa'yo tulad ng litrato, makakatulong talaga ito," wika ni lola.

"Moments are fleeting, apo. Moments turn into memories. Memories are fragile. Pictures freeze these moments. And what we're about to do is a moment, and we need to freeze it," tugon ni lolo. Matalino si lolo, magaling sa maraming wika. "Kaya sa picture natin mamaya, hijo, kailangang ngumiti ka, okay? Your best smile. Dahil ang smile na 'to ang magpapa-remind sa'yo na naging masaya ka minsan. Sa mga panahon na tingin mo wala nang magpapasaya sa'yo, look at these pictures that we will have, look at them real good. They will tell you that you were able to be happy, and you will be again."

"Ganito po ba?" at ngumiti ako.

"'Yan. 'Yan," humalakhak si Lola Nita.

Pagdating namin sa photo booth, wala pang ibang tao. Binati kami ng photographer, pinwesto sa mga perpektong anggulo para sa imahe, at kinunan. Sa bawat flash at click ng camera, nakangiti sina lolo't lola. Napakasaya nila sa araw na 'yun.

Pagkatapos ma-develop ang mga litrato, binigyan ako ni Lolo Jose ng isang kopya. Sa litratong 'yun, kuhang-kuha ang ngiti naming tatlo. Masaya. Walang problema. Perpekto. Napangiti ako pagkakita ko nun. Naglakad kami pauwi. Walang tigil sina lolo't lola sa pag-uusap tungkol sa mga bagong kuha naming mga litrato.

Pagpasok sa bahay, umupo si Lolo Jose sa sofa na nakaharap sa isang mesa. Tumabi sa kanya si lola. Nakangiti ang dalawa. Tinawag ako ni lolo na umupo sa gitna. Sumunod ako. Inilagay ko ang litrato na bigay sa'kin ni lolo sa mesa. Tahimik. Sobrang tahimik. Hinawakan ni Lolo Jose ang kanang kamay ko at sa kaliwa naman si Lola Nita.

"Wag mo kaming kalimutan, apo," sabi ni lola.

"Mahal ka namin, ha? Mahal na mahal," wika ni lolo.

Pagkatapos, tumahimik ulit.

Bumitaw sa pagkakahawak si Lola Nita. Tumingin sa'kin, tulala, gulat.

"Sino ka? Na'san ako?"

Humigpit ang pagkakahawak ni Lolo Jose sa'kin. Pagtingin ko sa kanya, nakita kong umiiyak na ito. Nakapikit. Umiiyak. Mistulang ibang tao sa litratong nasa mesa.

Bumitaw sa pagkakahawak si lolo. Tumingin sa'kin, tulala, gulat.

"Sino kayo? Na'san ako?"

Tumahimik.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin.

Nakatingin ako sa litrato. Masaya si Lolo Jose. Masaya si Lola Nita. Masaya ako.

Hindi ko alam na umiiyak na pala ako.

Tumingin ulit ako sa litrato. Bumalik sa'kin ang mga sinabi nila. Hinawakan ko ang kamay nina lolo't lola. Nakatitig ako sa litrato. Masaya ka dito, masaya ka dito, masaya ka dito.

Napangiti ako.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon