Suka #36

353 4 1
                                    

(Ang susunod na mga suka ay kompilasyon ng mga interview ko sa mga random na tao kung ano ang pag-ibig para sa kanila.)

Ang Pag-ibig Ayon Kay Random Person #1:

Mapagsamantala ang pag-ibig.

Pinapasaya ka nito. Pinapalungkot ka. Sinasaktan. Iniiwanan. Inaabuso. Binibigyan ka ng kaligayahan, at kung gusto nito, babawiin din ito sa’yo. Naiiwan kang bitin, hindi kuntento, at mag-isa.

Pumapasok ito sa pamamagitan ng iyong mga kahinaan. Pumapasok, at nilalamon ang lahat ng nasa loob. Walang tinitira.

Bitter na kung bitter. Naranasan ko na ang tamis at pait ng pag-ibig. 

May mga pagkakataong sobrang tamis. ‘Yung tipong hindi mo na gustong matapos ang araw kapag kasama mo ang taong mahal mo. ‘Yung tipong inaangkin niyo ang buong mundo. Na wala kayong pakialam sa mundo. Na tila wala nang hanggan ang inyong pagmamahalan. Na kahit na anong mangyari ay hindi kayo magkakahiwalay. Na lahat ng mga bagay ay umaayon sa inyong dalawa. Na bawat araw ay puno ng kulay. Na sa bawat paggising mo ay may dahilan ka upang bumangon. Na sa bawat pagngiti mo, siya ang dahilan. Na may nagpapangiti sa’yo. Sobrang tamis. At ‘yun ang naging problema, sumobra.

Mas masaklap ang mga pait ng pag-ibig. Nakasangla kay Kupido ang puso mo, at kung gugustuhin nito, aangkinin niya ito anumang oras. Talunan ka. Maiiwan ka kasama ang mga salitang “Ibinigay ko ang lahat, at ito ang natanggap ko”. O ang masaklap, wala kang natanggap. Kapag dumating ang panahong tatalikod sa’yo ang buong mundo, tatalikod din kasama nito ang kakarampot mong pag-asa.

Naranasan niyo na’ng maiwan? ‘Yung kahapon lang, ramdam mo pa ang walang hanggan tapos sa paggising mo bigla nalang nawala ang taong mahal mo? Na hindi man lang nagpaalam o nagbigay ng eksplenasyon? Feeling ko pinasan ko ang lahat ng sama ng loob ng mundo. Sobrang bigat. Hindi ko kinaya dahil mahina ako. Hindi ko ‘to nakitang paparating. Dahil sa nakatuon ako sa maliligayang mga araw, hindi ko nakitang unti-unti na palang lumalapit ang kadiliman, ang kalungkutan, ang sakit, ang pang-iiwan.

Mapagsamantala ang pag-ibig.

Itinuring kong mundo ko si Leslie. Ang mabango niyang buhok ang nagbibigay-buhay sa bawat paggising ko. Ang kumikislap niyang mga mata ang nagpapahina sa’kin. Ang mga ngiti niya ang nagpapabilis ng daloy ng dugo ko. Ang bawat haplos niya ang nagpapabilis ng tibok ng puso ko. Sinamba ko ang mga salita niya. Sinamba ko ang kanyang buong pagkatao.

At isang araw nakita ko nalang ang sarili kong humahabol sa kanya habang nakasakay sa isang bus – umiiyak at suot-suot ang isang wedding ring. Pinilit kong makahabol. Pinilit kong tumakbo at umasang hihinto ang bus at kakausapin niya ako. Umasa ako. Sa bawat pagtakbo ay ang pagdagsa ng mga imahe naming dalawa sa utak ko. Sa bawat pagtapak ko sa lupa ay ang unti-unting pagkawala ng mga imaheng iyon. At unti-unti rin siyang nawala sa paningin ko. Nawala kasama ang pag-asa. Naglaho kasama ang puso ko. Isinangla ko ‘yun sa kanya, kay Kupido, at sa kung sinumang diyos ng pagmamahal.

Itinuring kong mundo si Leslie. At gumuho ang mundo kong iyon.

Hindi sa lahat ng oras matamis ang pag-ibig. Hindi sa lahat ng oras masaya. Hindi sa lahat ng oras nakakakilig. ‘Yun ang problema, hindi niyo hawak ang oras.

Bakit nga ba naging ganito ang pananaw ko sa pag-ibig? Hindi ko rin alam. Baka dahil sa sakit na dinala nito. Baka dahil inisip kong masaya ang umibig. Baka dahil umasa ako at nabigo sa huli. Baka dahil inisip kong mananalo ako. Baka dahil kay Leslie.

Pero sa lahat ng sinabi ko dito, isa lang ang alam kong naging mabuting dulot nito sa’kin. Natuto ako. Isang napaka-abusadong guro ng pag-ibig. Binibigyan ka niya ng exam bago pa man siya magsimula sa lesson. Ang masaklap, hinding-hindi ka makaka-graduate sa kanya. Guro mo siya sa buong buhay mo. Araw-araw kang pumapasok sa classroom niya. Araw-araw kang binibigyan ng exam. Araw-araw ang chance mong masaktan.

Alam kong hindi lahat ang sumasang-ayon sa punto kong ito. Nag-iiba ang mga opinyon natin ayon sa ating mga karanasan. Pakakatandaan mo lang na ingatan mo ang puso mo. Kaibiganin mo ‘yan. Kasi traydor ‘yan. Maging isa kayo. Wag mo siyang hahayaang basta-basta na lang gumawa ng desisyon sa’yo. Nakakasakit ng ulo si puso. Paka-ingatan mo ‘yan ng husto. At kung hindi mo keri, maghanap ka ng taong handang ingatan siya ng walang expiration date. ‘Yung tipong permanent service. Bahala na kung walang warranty, basta ba pang-forever.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon