Suka #16

717 27 7
                                    

TAGALOG SCRIBBLES | Isang Dipa, Isang Kaibigan

Isang maikling kwento

“Poy! Gumising ka na!”

Kumakalampag ang higaan ko. Naaaninag ko sa dulo ang isang imahe. Tumatalon. Malikot. Isang babae.

Si Jeng.

Sabado nga pala ngayon. Maaga siguro akong nakatulog kagabi dahil na rin sa pagod. Hindi ko pa pala natatapos ang assignment ko sa Math. Ewan. Bukas ko na lang ‘yun aatupagin.

“Poy! Poy! Poy!”

Patuloy sa kanyang walang hanggang panggugulo si Jeng. Patuloy sa pagtalon. Patuloy sa pagsira sa sahig ng marupok naming bahay.

Bumangon ako. Nakapikit ang isang mata. Humahapdi ang kaliwa. Nakagat na naman siguro ng insekto pagtulog ko—na naman.

“J-Jeng... Baka magising mo si nanay sa kakatalon mo”, gumagaralgal pa ang boses ko.

“Poy! ‘Lika na!” pangiting sabi niya, lumapit nang kaunti sa’kin.

“Sa’n? Hindi pa naman nag-iingay ‘yung manok ni Mang Lito ah”, tanong ko sa kanya habang pinipisil-pisil ang patuloy na humahapding mata.

Nagsisilbing alarm clock namin ni Jeng ang pagtilaok ng manok ni Mang Lito sa kabilang bahay. Kapag tumunog na ‘to, ibig sabihin ‘nun ay gigisingin namin ang isa’t isa, depende sa kung sino ang unang magigising, na alam kung siya parati, para humarurot sa tabing-dagat at mangolekta ng mga maliliit na alimango tuwing Sabado.

Lumalabas kasi ang mga lamang-dagat na ‘to bago pa man makita ang sinag ng araw. At gustong-gusto ito ni Jeng. Gusto niya ang paghahanap, ang paghahabol, ang pagbubungkal sa buhangin, at ang pagpapakagat. Hindi ko alam kung gusto niyang makagat, o sadyang lagi siyang nakakagat.

Gusto ko naman ang walang-kakupalang “aray” niya kapag nakakagat. Nakakasakit ng tiyan sa kakatawa. Tumatawa muna ako bago ko siya tutulungan.

“Marami na sila”, sagot naman ni Jeng, kumikislap ang mga mata sa sigla at galak.

Kapag ganito na ang hitsura nitong si Jeng, isa lang ang ibig sabihin: Kakaladkarin niya ako papuntang tabing-dagat na hindi pa naliligo dahil mas mahalaga sa kanya ang makita ang mga pulang nilalang na ‘yun.

Kinaladkad nga niya ako. Bago ko pa man sabihin sa kanyang “Teka, Jeng. Magpapaalam muna ako kay nanay”, nasa tabing-dagat na kami.

Iniwan niya ang kanyang tsinelas sa ibaba ng puno ng niyog at tumakbo pakanan kung saan naroroon ang kanyang mga alaga – nakalabas sa kanilang mga lungga at hinihintay ang pagsikat ni Haring Araw.

“Bilisan mo, Poy! Halika na! Napakarami nila dito!” sigaw sa’kin ni Jeng sa di kalayuan.

Mga alas singko y medya pa yata. Maginaw pa. Hindi pa masyadong sumisinag ang araw kahit na nakikita na ito sa dulo ng karagatan. Napakagandang tanawin.

Umupo ako at hindi pinansin ang patuloy na pagtawag sa’kin ni Jeng. Tumingala ako.

Makulimlim ang kalangitan. Parang uulan. Parang gusto ko na ring umuwi.

“Poy! Nakakuha ako ng—Aray!”

Nakagat na naman siguro. Tinakbo ko na.

Paglapit ko, pinakita niya sa’kin ang nagdurugong hinlalaki sa kaliwang kamay. Natakot ako. Ayoko talaga ng dugo.

“Sabi na kasing mag-ingat ka. Pang-ilang kagat mo na ‘to, ha?” wika ko habang hinuhugasan ng dagat ang kanyang nasugatang daliri.

“Nanggigigil kasi ako. Tingnan mo naman, oh. Ang gaganda kaya nila!” sagot niya sa’kin na tila hindi alintana ang sakit na dulot ng kagat na ‘yun.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon