Suka #66

202 5 0
                                    

Magsiupo ang lahat. Katahimikan, mga nilalang ng mundong ibabaw. Katahimikan. Binabalaan ko kayo na ang kwentong maririnig niyo mula sa akin ay hindi masaya, hindi nakakatawa, hindi nakagagaan ng pakiramdam. Sa mga mahihina ang puso at sa mga naghahanap ng magaang kwento, maaari na kayong lumabas. Maraming salamat.

Ako nga pala si Dennis. Baligtarin niyo ang pangalan ko at meron tayong “sinned.” Ingles. Sa Tagalog, nagkasala. Ako ay nagkasala. Ikaw ay nagkasala. Lahat ay nagkasala. Magulo, hindi ba? Oo, magulo. At sa kaguluhang ito sasayaw at dadaloy ang kwento ko.

Malinaw na malinaw pa sa’kin ang mga nangyari sa isang hapon ng Agosto, 2007. Umuwi ang bunso kong kapatid na duguan ang ulo. Walong taong gulang pa siya noon at ako ay labindalawa. Dugo sa ulo, sa kamay, sa kanyang damit, sa kanyang mukha. Napakaraming dugo. Hindi siya umiyak. Pinakita niya sa’kin ang kanyang kanang kamay na puno ng dugo; walang sinabi, walang hagulhol, walang iyak ng sakit. Tinanong ko kung ano ang nangyari: pinalo ng kapitbahay, ‘yung kalaro niya tuwing hapon ng Biyernes. Nataranta ako. Ako ang umiyak para sa kapatid ko. Pagkatapos ng iyak, napuno ako ng galit. Nasa labas pa ang pumalo sa kanya. Lumabas ako, lumakad patungo sa batang pumalo sa ulo ng kapatid ko. Sinunggaban ko. Sinigawan, minura, at nang dahil sa kawalan ng kontrol, sinuntok ko. Hindi isang beses, hindi dalawa, hindi tatlo. Maraming beses. Sinuntok ko nang sinuntok nang sinuntok. Nakahiga siya sa lupa, duguan at basag ang mukha. Hindi pa ‘ko nakuntento. Sinuntok ko pa nang sinuntok nang sinuntok. Dinig ko ang pag-iyak at pagsigaw ng tulong. Hindi pa rin ako huminto. Ang tanging nasa isip ko ay ang imahe ng duguan kong kapatid. Sumigaw ako. Binuhat ko ang duguang bata at inihagis sa daan. Lumapit ako at sinunggaban ko ulit. Sa susunod, papatayin na kita, bulong ko sa kanya. Labindalawang taong gulang ako. Oo, nasabi ko ‘yun.

Ilang taon ang lumipas at napagtanto kong mayroong halimaw sa loob ko; isang halimaw na hindi ko kilala ngunit mapanganib. Halimaw na gustong pumatay. Halimaw na walang kinikilalang batas. Halimaw na gutom sa dugo at mala-demonyong kaguluhan. Ang halimaw na ‘to ay ang kabaligtaran ng kung ano ako sa mata ng mga nakakakilala sa’kin. Pinipigilan ko ang halimaw na ‘to. Ngunit malakas siya at patuloy na pumipiglas. Ayokong makita ng mga taong mahal ko na maging halimaw ako. Ayokong matakot sila. Ayokong lumayo sila sa’kin. Kailangan kong patayin ang halimaw sa loob ngunit hindi ko alam kung paano. Maingay ang halimaw na ‘to. Maingay sa aking pagtulog. Maingay sa umaga at sa gabi; sumisigaw ng kagustuhang lumabas. Tumahimik kayo, mga nilalang ng mundong ibabaw. Naririnig niyo? Oo, ito ang halimaw ko. Patuloy sa pagpipiglas. Patuloy sa pagpupumilit. Kilala niya ang mga halimaw ninyo. Oo, mayroon din kayo. Tumahimik kayo at makinig. Pakinggan ninyo ang halimaw sa loob.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon