Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduate: [VIDEO PRESENTATION – 2 TESDA STORIES]

Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program nitong Hunyo 2014, na may pondong 12.3 billion pesos. Ngayon, suportado na rin ng estado hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo.May magtatanong bakit? Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, 40 porsyento ang dagdag na sinasahod ng high school graduate, kumpara sa grade school lang ang natapos.

Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang taumbayan. Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9 percent na poverty incidence natin sa unang semestre ng 2012, bumaba patungong 24.9 percent sa kaparehong panahon noong 2013. Ang 3 percentage points pong ito ay katumbas ng halos 2.5 milyon na Pilipinong naka-alpas na sa poverty line. Totoo namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap sa lipunan. Pero hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan natin, sinisikap nating hindi na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat ng nakaalpas na.

Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin malisan. Ang malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para ayusin ang sira. Nitong mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat mapagkapwang Pilipino, nabubuo na natin ang mga kagamitan at materyales na ito—tulad po ng budget na tanging nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating naipapasa sa tamang oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating ng pakinabang sa ating mga Boss.

Dito po—sa isang patas na sistema—nagsimula ang panunumbalik ng sigla ng ating ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo. Napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan.

Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga proyektong ipinapatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin ang pangongolekta ng buwis: mula sa koleksyong 1.094 trillion pesos noong 2010, naitaas natin ito sa 1.536 trillion noong 2013. Inayos natin ang pamamahala ng ating mga utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang perang dating dapat ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati ang mga obligasyong karamihan ay minana lang, natugunan din natin. Halimbawa po nito: 1993 o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente na 10 bilyong piso, at hindi na nadagdagan ito. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito.

Pinaghirapan natin ang pondong mayroon tayo ngayon, kaya’t hindi po natin maaatim na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating mga Boss, malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na ang naibawas natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.

Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng investment grade status mula sa Moody's, sa Fitch, at Standard and Poor's—ang tatlong pinakatanyag na credit rating agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating macroeconomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga po nakuntento ang Standard and Poor's: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo.

Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine Economic Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42 porsyento ang pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang 58 percent, inabot ng 15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin. Kumpiyansa po tayo: bago tayo bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa natin ang halagang ito. Kay Director General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng tagumpay na ito.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon