Suka #39

290 4 0
                                    

Ang Pag-ibig Ayon Kay Random Person #4

Sa pananaw ko, ang pag-ibig ay ang kombinasyon ng tiwala, katapatan, pagpapakatotoo, sakripisyo, sakit at pighati, selosan, iyakan, damayan, tawanan, awayan at sandamakmak na problemang naghihintay sa masukal na daan ng pagmamahalan.

Unatin natin ang tiwala.

Hindi mo makukuha ang tiwala ng isang tao sa isang iglap lang. Ang kailangan dito ay oras – ang tagal ng panahon na kasama mo ang isang tao. Sa pag-ikot ng oras mahuhubog ang taling nagbubuklod sa inyong dalawa. Ang taling ito ay napapatibay sa bawat paglampas niyo sa mga problema, sa bawat tawanan, sa bawat iyakan at damayan. Ang taling ito ay ang tiwala.

Ngunit sabi nga nila na ang tiwala ay parang isang band aid, tanggalin mo at didikit pa rin ito ngunit hindi na gaanong matibay ang pagkakadikit kumpara noong una mo itong inilagay. Ang nawalang tiwala ay napakahirap makuhang muli. Magtitiwala man sa’yo ulit ang taong minsan mo nang nasaktan, hindi na ito buo sapagkat nasa isip na niya ang posibilidad na masaktang muli. At hindi ito ninanais ng bawat tao, kasama ka na.

Pumunta tayo sa katapatan.

Mas nanaisin ko pang umiyak dahil sa katotohanan kaysa maging masaya dahil sa kasinungalingan. Mas malakas ang isang relasyong walang tinatagong sekreto at mga kasinungalingan. Vulnerable sa pagkawasak ang isang relasyon kung pinuno niyo ito ng mga pagkukunwari, pagsisinungaling at kanya-kanyang sekreto. Kung mahal ka niya, tatanggapin niya ang kung anong mga sekreto ng nakaraan mo. Masasaktan man siya, ngunit hindi siya umibig dahil sa nakaraan mo. Ang ikaw ngayon ang mas titimbang.

Pangit ka man, mataba o payat, iyakin, weirdo, basagulero, gangster, patpatin, maingay, seloso, madaling masaktan, OA, isip-bata, malandi, mahiyain, o kung anong nalintikang attitude meron ka, basta iyan ang totoong ikaw, nasa tamang kalya ke, pre.

Nagpapakatotoo  ka. Wag mong baguhin ang sarili dahil hindi ito gusto ng mundo. Ang mundo ang tatanggap sa’yo kung ano ka, ang mga kahinaan mo at ang iyong mga potensyal.

Hindi rin mawawala sa kombinasyon ang mga sakripisyo. Ito ang mga pagkakataong mas binibigyan mo ng halaga ang kapakanan ng iba. Basahin mong muli ang ibinahaging kwento ni Kristine tungkol sa sakripisyo.

Ang pag-ibig ay orihinal na nandito na sa atin simula noong tayo ay nabuhay dito sa mundo. Nakapaloob na ito sa kailaliman ng ating mga puso. At upang ito ay mapukaw, kailangan natin ang isang taong walang-sawang magmamahal sa'tin. Ayon nga kay Paulo Coelho sa kanyang nobelang Eleven Minutes, hindi natin natatagpuan ang pag-ibig sa ibang tao sapagkat nasa sa'tin na ito sa simula pa lang, ngunit kailangan natin ang taong iyon para mapukaw natin ito.

At dahil gutom ako ngayon, ito ang maibabahagi ko sa inyo.

Ang pag-ibig ay ang pinakamasarap na putaheng nakahanda sa hapag-kainan. Paano ito napapasarap? Kailangan natin ng mga dekaledad na mga sangkap, ang tamang umami. Kailangan nating ihalo ang tiwala, ang katapatan, ang pagpapakatotoo, at ang mga sakripisyo.

At meron ring iba't ibang uri ng pag-ibig ayon sa lasa. Merong maanghang. May maasim din. May matamis. May pait. May matabang. Meron ding walang lasa. May mapakla. Nag-iiba ang lasa nito ayon sa kung anong mga sangkap ang inilagay mo dito. Baka matabang dahil nagkulang sa tiwala. Baka naging mapait dahil nakalimutan mo'ng magpakatotoo.

Basta ba marunong kang magluto, magiging handa ka sa kung anumang pagsubok na ibabato sa'yo ng tadhana. Kung alam mong sumubra, o kulang ang lasa ng niluluto mo, alam mo na kung paano ito maaagapan. At kung wala kang ideya kung paano itong paglulutong ito, 'wag mo nang pilitin. Wag ka munang mag-lovelife. Mas mabuting kumain ka muna.

ISKRIBOL (Mga Suka ng Isang Bored na Otistik)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon