The One With The Safeguard

Start from the beginning
                                    

"E di si Miguel din," sabi ni Tita Regina. "Hindi na tumigil sa pagbawi sa akin, after you."

Nagtawanan ang dalawa.

Namula si Daddy.

"Kumusta ka naman," sabi ni Tita Regina kay Mama. "Anong balita sa latest mo?"

"Palpak pa rin ang ipinapalit ko sa asawa mo," sagot ni Mama. "Kaya ito, nagbabalik-alindog ulit."

Nagtawanan ulit ang dalawa.

Hindi ko naiintindihan kung bakit friends ang dalawang nanay na ito. Akala ko kanina, magsasabunutan na matapos magsagutan, tapos biglang nagbeso. Tapos ngayon, sabay pinagkakatuwaan ang tatay ko.

Ang tatay ko, napangiti ako sa naisip kong iyun. Kaya lang, tapos na ang moment namin. Nakaramdam ako nang kaunting kirot.

Katatanggap ko lang kay Daddy. Tapos aalis na siya. Kasing fancy lang ng restaurant na kinainan namin ang pagkakasama ko sa kanya.

Huminga na lang ako ng malalim.

Napansin iyon ni Mama kaya't inakbayan niya ako.

Nagsimula kaming maglakad papunta sa kotse. Pero tuloy pa rin ang kwentuhan ng dalawang naanakan ni Daddy.

"Sayang, akala ko pa naman, tapos na ang pagdikit-dikit mo sa may asawa, at mayroon ka nang masasabing iyo lang, walang kahati," sabi ni Tita Regina.

"Eh wala, ayan, sinapak pa ni Miguel," sabi ni Mama. "Bahala na. Kung para sa akin, para sa akin, kung hindi, bahala na. May Miguel din naman ako, Alexander Miguel nga lang."

Ngumiti ako. Pero wala. Hindi totoo. May isa na namang nawala sa akin. Si Daddy.

"Huwag kang sumuko sa love," sabi ni Tita kay Mama. "Darating din yan."

Nakarating kami sa tapat ng kotse ni Kuya Albert.

"O siya, kay Albert na kayo sumabay, at kami naman ni Miguel ay lalabas pa," paalam ni Tita Regina

"Samalat Regi," sabi ni Mama.

"Ikaw din Miguel, pakabait ka," bilin ni Tita sa akin.

Tumango lang ako.

Nauna nang tumalikod si Tita Regina. Sumunod si Daddy matapos akong tapikin sa balikat at magpaalala.

"Tandaan mo ang sinabi ko sa iyo."

Hindi ko napigilan. Natandaan ko kasi kaagad ang sinabi niya. Mahal na mahal kita anak.

Humabol agad ako kay Daddy at yumakap sa likod niya.

Nagulat silang lahat.

Humarap si Daddy sa akin. Yumakap din nang mahigpit.

"Daddy, sorry po," sabi ko.

"Naiintindihan ko," sabi ni Daddy. "Wala kang dapat i-sorry."

Humigpit lalo ang yakap ni Daddy. Naramdaman ko ang kakaibang bilis ng tibok ng puso niya kasabay ng kakaiba ritmo nang paghinga. Alam kong nagpipigil ng luha ang tatay ko.

"Lalabas ulit tayo, anak ha," sabi ni Daddy. "Magsisimula tayo ulit."

Tumango lang ako nang tumango dahil walang mabigkas ang bibig ko. Iyak lang ako nang iyak.

Nilapitan ako ni mama at niyakap din. Nagpaalam na din si Daddy. Nakita ko si Tita Regina na nakangiti sa amin.

Matapos nun, sumakay na kami sa kotse ni Kuya. Tahimik lang noong una, hanggang sa umpisahan na ni Mama.

"Anak anong drama yun? Pakiexplain?" sabi ni Mama sa akin.

Nasa harapan siya, samantalang ako, naiwan sa likuran.

Oh Boy! I Love You!Where stories live. Discover now