The One Where They Dipped

8.2K 265 11
                                    

CHAPTER 30

"Mabilis na mabilis lang 'to!"

Ang kaninang malambing at nananabik na boses ay naging marahas at nakakatakot. Isinandal ako ni Tito Raul sa isa sa mga haligi ng garahe. Mabigat ang mga kamay niya na nakatulak sa aking mga balikat.

Hindi nakatulong para kampantihin ako ang liwanag ng buwan. Kahit na dumudungaw ito sa bukana ng garahe, nanatiling madilim ang paligid. Bahagya ko lang naaaninag ang mukha ni Tito Raul, kaya mas nakakatakot ito. Alam kong iba ang mukha niya ngayon sa masayahin at mapagmahal na lalaking nakikita ko kapag kasama si mama. Dahil sa kakaunting liwanag, ang naiisip ko ay mas nakakatakot pa ang kanyang itsura. Kaya siguro nakakakaba kapag madilim, naitatago nito ang tunay na anyo ng bagay bagay.

Nakadagdag din sa kabog ng dibdib ko ang lalaking nasa likod ni Tito Raul.

Parang estatwang nakatayo sa likod ni Tito Raul si Jessie. Tumingin ako sa kanya. Tiyak kong abot tenga ang ngiti niya. Malamang ay nakakuyom na ang palad niya at inihahanda ang mga kamaong bakapila sa ginagawa ngayon sa akin ni Tito Raul. May kasama na siya sa pambubugbog sa akin.

Pero mali ang insahan ko. Blangko ang mukha ni Jessie habang pinapanood ang pananakot ng tatay niya sa akin.

"Bawal ang bakla sa bahay ko," bulong ni Tito Raul pero mas mabigat ang dating nito sa akin kesa sa pagkakadiin niya sa akin. "Bawal ang bakla noon, bawal ang bakla ngayon, bawal ang bakla bukas. At kahit tutol ang nanay mo, tutuwid ka. Pamilya ko na kayo, kita, hindi ko hahayaang may baluktot sa pamilya ko. Pasasalamatan mo rin ako balang araw."

Binitawan ako ni Tito Raul kaya't bumagsak ako paupo sa sahig. Ganun sya kalakas, hindi ko namalayang naiangat pala niya ako sa pagkakadiin niya sa mga balikat ko.

"Jessie," sabi ni Tito Raul. "Alam mo na ang gagawin sa baklang 'yan."

Nag-ayos ng sarili si Tito Raul. Huminga nang malalim at tinapik si Jessie. Bumulong siya sa anak niya bago lumabas ng garahe. Parang walang nangyari. Pinanood ko syang naglakad palayo.

Hihinga na sana ako nang maluwag, pero gumalaw si Jessie. Naglakad siya, binabaybay ang mga haligi ng luma at madilim na garahe. Hindi siya tumitingin sa akin. May hinahanap siya, may kinakapa sa mga nakasabit sa mga haligi. Hanggang sa makita niya ang hinahanap niya. Mula sa isang gilid ay lumapit si Jessie sa isang bagay na natatakpan ng tela. Marahan niyang inalis ang tela, iniingatan ang alikabok upang hindi kumalat. Sa ilalim noon ay isang motorsiklo. Susi pala ang kinuha niya sa gilid, at nang paganahin niya ang makina ng motor, nagsimula na siyangnagsalita.

"Sakay!" utos niya.

Hindi pa pala tapos. Pauna palang pala si Tito Raul. Dahil sa kaba, hindi ako nakapagsalita kaagad.

"Tumayo ka na dyan at sumakay ka na!" muling utos ni Jessie.

Sumunod ako. Sumampa ako sa likod ng motor.

"Kumapit ka na," sabi ulit ni Jessie.

Kahit papaano, banayad ang boses ni Jessie. Siguro ay dahil sa nakakatakot na mga pananalita ng tatay niya. Matapos ng mga sigaw at bulong at kung anu ano pang pagbabago ng boses ni Tito Raul, parang wala na akong boses na katatakutan pa. Sumunod ako.

Mabagal ang andar namin habang papalabas ng garahe. Mabagal pa rin hanggang sa mababatong daanan papunta sa kalsada. Hindi pa rin ako nagtatanong kahit hindi ko alam kung saan kami pupunta.

Hanggang makarating kami sa sementado at patag na kalsada. Napakapit na ako kay Jessie nang bilisan na niya ang pagpapaandar.

Dito ko kang napansin. Motor lang ang meron kami. Paano kami magka camping. Wala kaming tent.

Oh Boy! I Love You!Where stories live. Discover now