The One On Top

10.8K 283 16
                                    

CHAPTER 34

Patay na ang ilaw sa kwarto. Night lamp lang ang bukas, at iyun, kasama ang buwan, ang nagbibigay ng liwanag sa gabi. Sapat na iyun para kay Gabriel na naabutan kong nakasandal sa headboard ng kama, nagbabasa. Wala siyang pang-itaas at natatakpan lang ng kumot ang kanyang harapan na hindi ko rin alam kung may suot o wala. Nakalabas sa kumot ang kanyang maputi at mabalahibong binti. Nasa libro ang focus niya. Pero nang napansin niyang nasa kwarto na ako, binaba niya ang binabasa.

"Let's rest," sabi niya. "It's been a long day."

Mahaba nga ang araw. Matapos ang usapan namin kaninang kumakain, inabutan ko na siyang nagbabasa. Nagbihis ako sa harap niya na hindi ako pinapansin. Nagpaalam akong magpapahangin. Tumango lang siya. At ngayong nakabalik na ako. Malamig pa rin ang turing niya sa akin.

Pumunta ako sa cr. Naghugas ng paa. Tumabi na ako sa kanya. Tulad niya, boxer shorts din ang suot ko. Pero hindi ako nagtanggal ng sando.

Bumaba naman siya para mahiga na rin. Nakahiga siya, ako nakatalikod sa kanya.

Pareho kaming hindi gumagalaw. Mga paghinga lang namin ang maririnig na minsan ay bigla na lang lalalim. Naghihintayan kaming makatulog ang isa't-isa. Pero malabong mangyari iyon na mayroon kaming dinadala. Sana, pareho nga kami. Sana hindi ako lang ang may iniisip. Kaya lang, medyo tumatagal na at at mas nagiging malamig pa sa gabi ang aming kama.

Isang malalim pang paghinga mula kay Gabriel. Nagsalita na ako.

"Nakakailang sorry na ako, Gabriel. Gusto ko nang ayusin ito. Sabihin mo na lang kung paano, please. Ayoko nang ganito tayo. Ang lamig-lamig mo. Ang sungit-sungit mo. Hindi yan ang kilala kong Gabriel."

Ipinailalim niya ang kaliwang kamay niya sa ulo ko. Ang kanang kamay naman niya, yumakap sa akin at gumabay sa katawan ko para mahiga ako sa braso niya. Ibinigay ko naman.

Ilang sandali kami sa ganoong posisyon. Tahimik pa rin. Naririnig ko na ang mga dumadaang sasakyan sa kalsada. Naririnig ko rin ang paminsang paggana ng elevator. Andami ko nang naririnig, pero wala sa lahat ng iyon ang gusto. Wala ang boses ni Gabriel.

Naghintay pa rin ako pero wala. Iniangat ko ang ulo para kunin na ni Gabriel ang braso niya. Hindi niya ginawa.

"Mangangalay ka," sabi ko.

Tinapik na lang ni Gabriel ang kanyang kaliwang dibdib. Tinuturo na doon ako mahiga. Huminga ako nang malalim. Tiningnan ko siya. Hindi siya tumitingin sa akin. Ginalaw na niya ang kaliwang braso, iniuusog ako sa dibdib niya.

"Hay," sabi ko, kasabay nang aking paghinga. Wala akong nagawa. Sumunod na lang ako.

At unti-unti, napapikit ako. Napayakap na kay Gabriel. Ito ang lugar ko. Ito ang uwian ko, ang kanyang dibdib, katabi ng kanyang puso. Ito ang init na hinahanap ng katawan ko, na tumutunaw sa lungkot, takot at lahat ng problema sa mundo.

Hinalikan niya ako sa noo.

"I missed you so much," sabi niya. At niyakap niya ako nang mahigpit. Yumakap din ako nang singhigpit.

"Miss na miss din kita," sagot ko.

"Sorry for ignoring you. Sobrang galit ako sa pagtalikod mo sa akin. Kaya inubos ko muna. I kept it to myself thinking that it will eventually fade away. Para pag kinausap kita, hindi na ako galit, okay na ako. But it won't. Sobrang sakit kasi, Alex... Babe."

Nakahiga ako sa dibdib niya at nakikinig sa kanya. Hindi ko mapigilang maiyak. Miss na miss ko na si Gabriel.

Tumuloy siya sa pagsasalita.

"And i just have to talk to you dahil mas miss na kita kesa galit ako. Hoping na pag nakita mo ako, kahit galit sayo, e mapapatawad mo pa rin ako. Na kahit awayin kita, eh maiintindihan mo ang pinanggagalingan ko."

Oh Boy! I Love You!Where stories live. Discover now