Parang gusto ko nalang angkinin 'tong lahat.

Susubok pa sana ako ng isa pang salamin, nang may tumawag sa pangalan ko na para bang ginawa akong bata na naliligaw sa mall na tinawag ng magulang, "Andyan ka lang pala! Kanina pa kita hinahanap eh!"

Paglingon ko'y si Kylah, na nakasimangot, kaya binalik ko na yung eyeglass sa display.

"Ano bang tinitingnan mo dyan, ha?" aniya, na wari ay pinagagalitan ako.

Kaya sumagot ako nang malumanay, "tumitingin lang ako ng salamin."

"Ang tagal mo naman tumingin," siya, "inisa-isa mo ba lahat?"

"Hindi. Pake mo ba?"

"Ay, suplado 'toh!" aniya naman, na parang naiinis.

Napangiti na naman ako sa reaksyon niya. Ang cute niya kasing mainis.

"Halika na nga, pumunta na tayo do'n oh." Utos niya.

Pero tumutol ako, "mamaya na, titingin pa ako dito. Sandali lang."

"Ay, hindi ka pa tapos? Gusto mo dalhin mo nalang 'yan lahat?"

Pinagtinginan kami ng mga tao dahil sa tono ng boses niya. Walang hiya ka talaga Kylah, perwisyo ka kahit kailan.

"Titingin lang eh." Sabi ko naman, na napipikon na, pero pinapanatiling balanse ang sanity sa sarili.

"Alam mo, bagay sa'yo magtinda ng salamin eh. Magtayo ka nalang kaya ng eyeglass shop?"

"Tumahimik ka nga, nakakahiya ka, pinagtitinginan tayo ng mga tao oh."

"Halika na kase! Ang tigas naman ng ulo mo." Pamimilit niya, kaya sumama na ako bago pa niya ako ipahiya sa mga tao rito.

"Bakit ba? Saan mo ba gustong pumunta?" Napasabi ako habang sinusundan ko siya.

"Basta, sumama ka nalang."

Papunta kami sa men's clothing section. Nang nakarating kami sa bandang mga polo shirt ay huminto siya at kumuha ng isang polo na naka-hanger.

"Gusto mo ba?" tanong niya sa'kin, na pinapakita sa akin ang hawak niyang naka-hanger na damit.

Kulay puti yung polo, long sleeves, may gray stripes na maninipis, at may butones na kulay gray.

"Ayaw ko niyan, gusto ko yung salamin." Tugon ko sa kaniya.

"Ibibili ko 'to para sa'yo. Susuotin mo 'to pagkatapos ng graduation natin. Mamamasyal ulit tayo sa mall no'n."

"May pera ka ba?"

"Bakit pa ako pupunta sa mall kung wala akong pera? Hay nako naman, Ereneo."

"G-Ganon?"

"Tara na, babayaran na natin 'to."

"Eh ikaw? Hindi ka ba bibili ng sa'yo?"

"Syempre ibili mo rin ako 'no."

"H-Ha? Wala tayong pinag-usapan ah?"

Ngumiti siya, at tumawa, "Biro lang, ako na ang bibili sa'kin, dun sa women's section."

Muntik na akong kabahan, konti nalang ang pera ko eh mula nung binigyan ako nung nakasagasa sa'kin. Magpasagasa kaya ako ulit?

Binayaran namin sa counter yung damit na binili niya para sa'kin at para sa sarili niya. Lumabas na kami sa mall at kumain sa isang fast food chain—Jollibee, na naman.

Ngayon ko lang napansin, ang mura lang pala ng burger ngayon kesa sa 2019. 15 pesos lang eh. Eh nung sa panahon ko, 35 pesos na. Sabay kaming nag-order. Sabay kaming kumain at nagkaroon kami ng konting kwentuhan habang kumakain kami.

Crush Kita Since 1998Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ