Chapter 34.5: Pain and Heartbreak

2.4K 42 29
                                    




Puspusan ang ginawang panliligaw ni Troy sa akin. Hindi siya pumapalya sa pagdalaw sa akin sa bahay. Humarap siya sa aking mga magulang dahil gusto niyang patunayan ang intensyon niya pero tinalikuran lang siya ng mga ito. Masakit. Masakit yun para sa akin dahil nakita ko kung gaano niya 'ko kamahal at kung gaano niya kagustong patunayan ang sarili niya pero nauwi lang sa wala ang lahat.



Kahit pa ayaw ng mga magulang ko ay ipinasya kong sa graduation ball ko nalang opisyal na ipapakilala si Troy sa lahat bilang boyfriend ko. Hindi ko gustong suwayin ang mga magulang ko pero ginawa ko naman ang lahat ng gusto nila, sana naman matanggap din nila ang desisyon ko.

Kinuha ko ang singsing sa may bandang lock ng aking bracelet at isinuot ito sa aking daliri. Nagbuntong hininga ako at naglakad na papasok ng hotel kung saan gaganapin ang graduation ball.





"Jenna! Ang ganda ganda mo naman ngayon!" salubong sa akin ni Charmaine. Ngumiti ako sa kanya.

Pinaghandaan ko talaga ang gabing ito. Malayo palang ang graduation ay kinulit ko na si Mama para pag-ipunan ang graduation ball. Nagpunta ako sa salon para magpa-make up. Inilugay din nila ang aking buhok para daw bumagay sa isusuot kong damit na binili ko pa sa La Femme.

My white tight mini dress has an additional back long shawl which apparently showcased my figure. Mahalaga sa akin ang araw na ito kaya gusto kong maging maganda ako sa paningin ng mahal ko.



"Syempre! Mukhang ngayon na matatapos ang paghihintay ng pogi nating Prince Charming eh!" tudyo naman ni Erica na malapit na kaibigan din namin.

Ang tinutukoy niya ay si Troy. Tinago lang kasi namin sa buong klase ang relasyon namin ni Troy dahil baka kumalat pa at umabot sa mga magulang ko. Sina Ashely at Charmaine lang ang nakakaalam dahil simula first year high school ay tinuring ko na silang best friend at malaki ang tiwala ko sa kanilang dalawa.



"Pero asan na ba 'yong gwapo mong suitor? Mukhang hindi ka pa nilalapitan, ah." tanong ni Erica.

"Hay naku, hindi nun matitiis na lapitan si Jenna, noh! Lalapit din yun." kampanteng sabi naman ni Charmaine.



Nagtataka din ako kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ni anino ni Troy. Tinawagan ko siya gamit ang telepono ni Charmaine kanina at sinabi kong may sasabihin ako sa kanya na mahalaga.

Nakakainis naman eh! Dapat pumunta siya! Di bale nang hindi na siya nakasuot ng suit, basta dumating lang siya. Kahit wala na akong date ngayon, siputin lang niya ako kahit isang segundo lang. Hindi siya pwedeng mawala dahil importante sa akin ang gabing ito.



"Teka lang Charmaine, asan nga pala si Ashely?" pag-iiba ko sa usapan.

Kanina ko pa napapansing wala din siya dito. Gusto ko pa naman makita kung anong hitsura niya ngayon. Sigurado akong bagay na bagay sa kanya ang suot niyang gown dahil tulad ko ay matagal ding pinaghandaan at pinaggastusan ni Ashely ang event na ito.



"Nag restroom pa. Kanina pa siya dun eh, hindi pa rin bumabalik."

"Ganun ba? Sundan ko lang, ah?" paalam ko sa kanila at tinungo ang daan papunta sa restroom.

Mas mabuti pang mag-retouch na muna ako. Makikitawag nalang ako kay Ashely pag naabutan ko na siya sa restroom.





Malapit na ako sa may ladies' room nang may maulinagan akong boses ng babae at lalaki sa may madilim na bahagi ng pathway patungo doon. Parang pamilyar ang boses ng lalaki at may isang bahagi ng aking utak ang nagsasabing alamin kung sino yun.



Mr. Conceited Jerk (Queen's Knight)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon