Part 1

2.3K 91 3
                                    

HABANG umaandar ang kotse ay walang katinag-tinag si Ria sa kanyang kinauupuan. Ilang araw niya na ring inihahanda ang kanyang sarili sa pagbabalik sa sariling bansa. O matatawag nga bang paghahanda ang dala niyang maliit na travelling bag na naglalaman lamang ng ilang pirasong damit? She wasn't planning to stay in the Philippines longer than a week.

Balak niya ding bumalik sa Spain sa lalong madaling panahon-lalo pa't marami siyang trabahong naiwan doon. Kasagsagan ng ani ang tag-araw sa Espanya. Hinog na ang mga ubas na tamang-tama sa paggawa ng mga de kuwalidad na red wine. But instead of enjoying the harvest season, she was forced to take a flight because of a strange phone call.

Pinauuwi siya ng kanyang Papa sa Pilipinas. Wala itong binanggit na dahilan kaya nauwi pa sa mahabang pagtatalo ang pakikipag-usap niya dito. Kung hindi pa siya nito pinagbantaang di pamamanahan, nunkang mapilit siya nitong sumakay ng eroplano.

Nangako si Ria sa sarili niyang tutuntong lang siya muli sa kanilang pamamahay sa oras na mawala si Rio. Si Rio ang nag-iisang eksistensiya sa mundo na kinamumuhian niya pero sa isang banda ay kanya ding tinitingala.

Tumatak na yata sa isip niya na ito ay isang perpektong nilalang, na ang mga gaya nito ay isang karakter na mababasa mo lamang sa mga akdang may hinabing pagkatao. Likha lamang ng maganda at mapanlinlang na imahinasyon. Sa isip ni Ria, ang isang tulad ni Rio ay dapat nang maglaho sa mundo. Sapagkat hindi ito totoo. Masyado itong kumikinang kumbaga sa pekeng bato. Nakakasilaw titigan. Masakit sa dibdib lalo pa't taglay nito ang kanyang mukha magmula nang sila'y isilang.

Tama. Kakambal niya si Rio---Rio dela Cerzo was her identical twin sister. Matanda lang ito ng ilang minuto pero dahil sa napakaliit na bagay na iyon, buong buhay niya'y nakatago sa anino ng nakatatandang kapatid.

There would always be a black sheep in the family no matter how small the family was. Sa kaso ng pamilya dela Cerzo, siya ang masamang tupa na iyon. Ipinatapon siya sa Amerika sa edad na disisais. Nasangkot kasi siya sa grupo mga estudyanteng gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Kasama siya sa ilang anak-mayaman na napatalsik sa prestihiyosong unibersidad.

Walang nagawa ang pera at impluwensiya ng pamilya nila para isalba siya. Nang mga panahong iyon, napakahalaga ng reputasyon ng eskuwelahan matapos madawit sa kabi-kabilang eskandalo ang mga guro at mag-aaral. Nagkataon lang na ang isyu kung saan siya nadamay ang naging panangga sa pagpapataw ng parusa upang di tuluyang ipasara ang unibersidad. Tandang-tanda niya pa ang sermon ng ama niyang si Don Nestor dela Cerzo.

"You're going to be the downfall of this family! Mas mainam pang sa Estados Unidos ka na lang kung gagawa ka lang din ng mga kalokohan! Walang mga matang nakabantay sa'yo doon di tulad dito sa Pilipinas! I'm not expecting anything from you, Ria but at least don't involve this family's reputation with your depravities! Bakit hindi ka tumulad sa kapatid mong si Rio? She's gifted, a fine lady, and a model student. Pareho ko kayong anak pero bakit siya lang nabiyayaan ng mga katangiang inaasam ko sa isang dela Cerzo? Kung sana ay... kung sana ay..."

Ang huling katagang iyon ng kanyang ama ay susundan ng buntong-hininga patunay na nagtitimpi itong huwag isantinig ang mga salitang may boses na sa kanyang isip.

All of Me [COMPLETED]Where stories live. Discover now