Chapter 26

5.9K 343 38
                                    

A.N: Gusto ko lang pong pasalamatan ang @TheCallaLilyAwards dahil po sa pagpili ng story ko bilang Winner ng award niyo po under Historical Fiction. Sa judge po na naging hurado namin sa patimpalak, your simple feedback saying "the potential of its storyline is strikingly good" encouraged me to become a greater writer than I thought I could be. Hindi ko man alam ang mga pangalan niyo pero gusto ko pong magbigay salamat sa efforts niyo para sa Awards na ito. Nakakatulong po kayo sa aming mga baguhang writers na hindi nabibigyan ng tamang exposure sa mga works namin. Again, thank you.






Kahit na nagdadalawang-isip si Isagani ay kaniyang tinabihan sa kama si Analyn at niyakap ng mahigpit.

Isinubsob ng asawa ang mukha sa may bandang leeg niya. Ang mainit na hininga nito na tumatama sa kaniyang balat ay mistulang apoy na tumutupok sa kaniya. Mas hinigpitan pa niya ang yakap dito nang maramdamang tila nanginginig pa ito sa takot.

Nagtataka siya kung bakit takot na takot ito. Hindi naman siguro daga ang dahilan kung bakit ito nadulas kanina.

Natatandaan pa niya kung gaano siya natakot nang marinig ang malakas na kalabog galing sa bahay nila. Nagkakatuwaan pa sila ni Maya sa mga balita na sinabi nito sa kaniya nang narinig niya ang malakas na tunog. Naitapon niya ng wala sa oras ang sisidlan na puno ng mga mangga at dali-dali siyang tumakbo sa may kusina. Ang nadatnan niya doon ay si Analyn na nakaupo sa sahig, napapalibutan ng mga natapong asin at asukal.

Nang nakita niya ang luhaang mukha nito ay bigla siyang natakot. Iyon mismo ang kaparehas na sitwasyon na nadatnan niya nang nakunan si Analyn ngunit hindi mga asin at asukal ang nakapalibot dito ngunit dugo na dumadaloy sa paa nito. Iyon ang pinakamasakit na naramdaman niya sa buong buhay niya.

Ang mawalan ng anak.

Anak na dinadala ng babaeng mahal niya.

Hindi niya nais na pagdudahan ito ngunit mga ilang araw bago nangyari ang insidenteng iyon ay kumakain ng palihim si Analyn ng mga papaya at hilaw na pinya. May nakita pa nga siyang pinugpug na buto ng akasya at mga dahon ng saging na tinatago nito sa ilalim ng kanilang kama. Hindi niya sinasadyang makita iyon ngunit napansin niya ang botelyang pinaglagyan ni Analyn dahil nahulog ang kaniyang pera malapit sa kama.

Hindi niya nais paniwalaan na sadyang ipinahulog ni Analyn ang anak nila. Kahit na magbulag-bulagan siya, gagawin niya para dito dahil mahal niya si Analyn.

Nawala ang kaniyang atensyon sa iniisip nang marinig ang mga munting hilik ni Analyn. Noon ay hindi naman ito humihilik ngunit nitong mga nagdaang araw ay ang raming naiba dito.

Maingat niyang dinampi ang kaniyang palad sa pisngi nito at hinawi ang mga ligaw na buhok na tumatakip sa mukha nito. Pinunasan rin niya ang naiwang mga luha sa mga pilik-mata nito. Sinuklay niya ng marahan ang mahabang buhok nito. Halos gabi-gabi niya itong ginagawa noong bagong kasal pa lamang sila.

Hindi siya makapaniwalang asawa niya ang pinaka-perpektong babae sa buong mundo.

Ang babaeng inaasam-asam niya simula pa noong bata pa lamang siya.

Natatandaan niya ang unang beses niya itong nakita. Dumalo ang pamilya nito sa salu-salong ginanap sa mansyon nila. Gustong-gusto niyang umakyat sa silid niya at maglaro doon kaysa makihalubilo sa mga mayayamang kaibigan ng Papá niya. O di kaya'y manatili sa plantasyon nila ng mais at bigas at makipagkwentuhan sa mga tauhan ng kaniyang Papá.

Malapit siya sa mga tauhan ng kaniyang Papá. Sa katunayan ay ang mga ito mismo ang nagtuturo sa kaniya sa mga bagay na maaari niyang matutunan sa pagtatanim. Ngunit nandito siya sa salu-salong puno ng mga pekeng tao. Mga taong pera lamang ang kailangan sa kanila.

Hahanapin na sana niya ang kaniyang Mamá nang nakita niya ang isang mahinhing batang babae na parehas niya ay nakaupo lamang sa gilid.

Mukhang nasa labing-dalawang taong gulang pa ito. Malapit-lapit lamang sa edad niya.

Hindi niya nilubayan ng titig ang batang babae buong gabi.

Lalapitan na sana niya ito upang magpakilala nang may tumabing isang batang babae rin dito. Nagtatawanan silang dalawa kaya't naupo na lamang siya ulit at hinintay na mapag-isa ito. Ngunit nang umalis ang katabi nitong babae ay may lumapit namang batang lalake dito.

Buong gabi ay iyon ang nangyari. Kada may aalis ay may lalapit naman ditong iba.

Sa inis niya ay tumayo na lamang siya sa kaniyang upuan at pumunta sa kanilang hardin sa may likod bahay.

Tahimik dito at walang tao kaya naman maaari siyang makapag-isip-isip.

Paikot-ikot lamang siya sa hardin habang pabulong na nagmumutawi, "Sayang talaga! Sana nilapitan ko na lamang siya kanina nung wala pang taong lumalapit sa kaniya!"

"Sino?" isang mabining tinig ang nagpagulat sa kaniya.

Iisipin sana niyang multo iyon ngunit nang lumingon siya sa likod niya ay hindi multo ang nasa harapan niya kundi ang batang babae kanina.

"Ano?" wala siyang maisip na isagot dito sapagkat tila inaatake siya ng libo-libong paru-paro sa tiyan.

"Sino iyong tinutukoy mo?" mahinhin nitong tanong muli sa kaniya.

"Ah . . . " Bago pa siya makasagot ay may boses na tumawag sa batang babae.

"Analyn! Analyn! Nasaan ka?! Uuwi na daw tayo sabi ni Ama!" tawag na sigaw ng isang batang babae rin. Mukhang malapit na ito sa kanila dahil rinig na rinig na nila ang boses nito.

"Pasyensya na sa abala. Aalis na ako," paalam nito sa kaniya sabay talikod upang hanapin ang boses na tumawag dito kanina.

Analyn . . .

Analyn ang pangalan niya . . .

Napangiti na lamang siya sa nalaman.

My Future In Her Past (1st Book Of 'In Her Past' Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon