Chapter 18

6.1K 410 53
                                    

Pinapanood lamang ni Isagani ang kaniyang asawa habang ito'y di mapakali sa kakabukas ng kung ano-ano sa kusina nila.

Sanay na siya sa ugali ni Analyn na matatakutin, ngunit mas mukha itong naguguluhan kaysa natatakot. Hindi niya alam kung bakit ito ganito.

Bago sila ikasal ay ang tingin niya dito ay isang babae na mahinhin at nangangailangan ng proteksyon at ang kaalaman na siya ang protektor nito ang nagpapasaya ng husto sa puso niya. Ngunit nang ikasal sila ay doon na niya nalaman kung gaano kahirap magkaroon ng asawa na halos lahat ng bagay ay kinatatakutan.

Mula sa malalakas na tunog tulad ng kulog hanggang sa daga na nakita nito at kahit sa pagpunta sa palengke na may maraming tao ay kinakatakutan nito.

Mahal niya ito ngunit ayaw naman niyang pagkatapos ng isang nakakapagod na araw sa palayan ay madadatnan niya itong nanginginig sa takot dahil may narinig itong kakaiba sa ilog kaya't iniwan ang labahin at nagtago sa bahay o di kaya'y may narinig itong kaluskos mula sa bahay at dahil sa takot ay hindi na pumasok at hinintay na lamang siya sa labas.

Ngayon naman ay umaakto na naman itong kakaiba. Nakatutok lamang ito sa buong kusina at parang hindi alam ang gagawin. Para itong naninibago sa kusina nila kaya't kaniya itong tinanong. "Kakain ba tayo ng hapunan?"

Lumingon ito sa kaniya at ngumiti, isang bagay na hindi masyadong ginagawa ni Analyn, bago nagwika. "Oo naman! Maghahapunan tayo!"

Lumapit ito sa may kalan at akmang hahawakan ito nang kaniya itong maagap na hawakan para pigilan. 

"Mag-ingat ka. Baka mapaso ka," mahinahon niyang sabi ngunit binitawan niya kaagad ang kamay nito nang maalala na ayaw nga pala nitong magpahawak sa kaniya. Hinihintay niya itong lumuko at manginig sa takot dahil sa kaniyang ginawa dito ngunit tiningnan lamang muli siya nito at ngumiti. 

"Salamat! Ano bang gusto mong kainin?" tanong nito habang nakangiti pa rin sa direksyon niya.

Kahit na naguguluhan ay sinagot niya ito. "Kahit na ano . . . huwag lamang iyong monggos ulit."

Halos araw-araw ay monggos ang niluluto ni Analyn. Hindi na nga niya alam kung ano ba ang lasa ng ibang putahe maliban sa monggos. 

Naghanap si Analyn ng basahan para pangprotekta sa kamay nito at pinagbubuksan ang mga nakatakip na kaserola na nasa kalan. Pinagtitingnan nito isa-isa ang mga ito na parang hindi nito alam ang nasa loob ng mga kalan. Nang buksan nito ang kaserola na nakalagay sa pinakagilid ay naamoy niya ang pamilyar na amoy ng monggos.

Kinontrol niya ang sarili upang hindi mahalata ni Analyn na nanghihinayang siya sa luto nito. Nang subukan niyang sabihin dito noon na sana'y subukan naman nito ang ibang putahe maliban sa monggos ay nagtampo ito.

"Nais mo bang mag-ihaw ako ng manok. Maaari nating ipares sa monggos kung nais mo," tanong niya, umaasang hindi ikasasakit ng damdamin ni Analyn ang kaniyang sinabi

"Oh thank God! Maaari ka bang magkatay ng manok para sa akin?" tanong nito sa kaniya.

Hindi niya narinig ang una nitong sinabi ngunit masaya siyang hindi nasaktan ang damdamin nito sa sinabi niya. 

Lumabas na siya para kumuha ng manok na kakatayin niya. Ang lugar kung saan nakatali ang mga manok nila ay kalapit lamang ng paitlogan ng kanilang mga inahing manok, ang kaniyang pagawaan kung saan nakalagay ang kaniyang mga gamit sa bukid at mga pangungumpuni niya at ang kamalig sa kung saan niya iniimbak ang bigas o mais na kaniyang inaani.

Matapos niyang makatay ang isang manok ay bumalik na siya sa bandang likod ng bahay kung saan makikita ang kusina at nadatnan niya si Analyn na hinihiwa ang keso sa maliliit na piraso.

"Ito na ang manok," deklara niya habang papasok sa kusina.

Mabilis siyang nilingon ni Analyn habang nagpapatuloy sa paghihiwa ng keso.

"Maaari bang pakihiwa ang manok para sa akin?" tanong nito.

Tumango lamang siya at hinugasan ang manok bago hiniwa sa katamtamang laki. Lumapit siya kay Analyn at binigay ang hiniwang manok. Nagpasalamat itong muli at kinuha sa kaniya ang plato. Hiniwa nito papabukas ang mga parte ng manok at pinasukan ng kung ano-ano ang loob.

"Anong ginagawa mo Analyn?" taka niyang tanong. Ngayon pa lamang niya nakita ang ginagawa nito sa manok kaya naman takang-taka siya sa ginagawa nito.

"Huwag mo na akong pakialaman dito. Pumunta ka na sa sala at gawin kung ano man ang ginagawa mo kapag ganitong oras," taboy nito sa kaniya habang minumwestra ang kamay sa direksyon ng sala na para bang sinasabi na doon siya maghintay. Kahit nagtataka ay sinunod na lamang niya ito at naupo ngunit hindi sa sala kundi sa teresa na nasa kwarto nila.

May kakaiba kay Analyn.

iyon ang sigurado siya. Hindi niya alam kung dapat ba niya itong ikabahala ngunit sa magandang pagbabago na nakikita niya ngayon ay parang gusto niyang manatili itong ganoon. 

Sumandal siya sa upuan at tinanaw ang kakahuyan na malapit sa kanilang bahay. Nang ibigay ng ama ni Analyn ang kamay nito sa kaniya at sumang-ayon sa kasal na kaniyang hiniling ay napakasaya niya. Sigurado siyang siya ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo ngunit lahat ng mga masasayang pangarap niya para sa kanila ni Analyn ay naglaho na parang bula.

Noong magnobya pa sila ni Analyn ay palangiti ito. Oo, mahiyain ito ngunit kinakausap siya nito ng maayos. . . ngayong mag-asawa na sila ay parang hindi sila magkakilala kung umakto si Analyn kapag nasa malapit siya. 

Isa pa sa kaalaman na hindi na ito birhen nang inangkin niya ito ng gabi ng kanilang kasal ang nagpapasakit ng kaniyang damdamin. Iginiit ni Analyn na birhen pa ito at ang rason kung bakit parang hindi na ito birhen ay dahil noong hindi pa sila magnobyo ay malimit daw itong pasaklang kung sumakay ng kabayo. Nagpanggap na lamang siyang naniniwala sa paliwanag nito.

Halos dalawang taon na rin nang huli siyang pinayagan ni Analyn na angkinin ito. Alam niyang kung kaniyang ipipilit kay Analyn ang kaniyang sarili ay siguradong susunod ito sa kaniya. Pinalaki ito ng mga magulang sa paniniwalang dapat laging sundin ang asawa ngunit ayaw niyang pilitin si Analyn sa isang bagay na ayaw nitong gawin. 

Mahal niya ang asawa at kung ang kapalit ng pagiging asawa ni Analyn ay ang hindi pakikipagtalik ay tatanggapin niya ito ng maluwag. Kahit na sa tuwing masisilayan niya ang kaniyang asawa ay nakakaramdam siya ng pag-iinit. Titiisin niya para sa minamahal.

My Future In Her Past (1st Book Of 'In Her Past' Series)Where stories live. Discover now