Chapter 16: Sketch

25 15 0
                                    

SHANE'S POINT OF VIEW

"Are you sure, Shane? Ayaw mo talaga?" tanong sa akin ni May habang isinusuot sa kaniya ang mga safety gears ng dalawang staffs. "Gusto pa man din kitang kasabay," malungkot niyang sabi, parang batang namimilit.

Bes, kahit na gusto ko, kung hindi ko naman kaya . . . "Pag-akyat pa nga lang dito, natatakot na nga ako, eh, zipline pa kaya? Baka atakihin pa ako sa puso niyan," pagbibiro ko.

"Sige. Ikaw bahala," aniya.

Nauna nang nag-zipline si Ben at Zy. Enjoy na enjoy nga ang dalawa dahil napakalakas pa ng tawa nila.

"Yeah! I'm Superman! Woohoo!" sigaw ni Ben, ginagaya pa ang posisyon ni Superman habang lumilipad.

"Baliw," komento naman ni May na nakapamaywang sa tabi ko.

"Pero gusto mo," mahinang parinig ko naman sa kaniya kaya sinamaan niya ako ng tingin. Napatawa na lang ako.

"Ma'am, dito na po," tawag ng staff kay May.

"Sige po, Kuya. Hintayin ko lang po ang kasama ko," tukoy niya kay Andrei na isinusuot pa lang ang mga safety gears.

"Mauna ka na. Sabay na lang kami ni Shane," sabi ni Andrei sa kaniya.

Inirapan ko siya. Tumanggi na nga ako, 'di ba? "Ayaw kong mag-zipline." Mas lalong tumalim ang tingin ko nang ngisian niya ako.

"Gusto mo, hindi mo lang kaya," wika niya.

"Gano'n din iyon," sumbat ko.

Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Humarap lang siya sa mga staff at sinabing, "Pakibigyan po siya ng mga safety gears."

Bigla akong kinabahan. Napakabilis ng tibok ng puso ko. Noong makita kong palapit na ang mga staffs sa akin, wala sa sariling tumakbo ako pababa ng hagdan. Nang makababa na ako, patuloy pa rin ako sa pagtakbo palayo.

"Hey, joke lang iyon! Balik ka na rito!" pagtawag niya subalit hindi ako huminto. Kaasar kaya iyon! Maganda bang joke ang pagsamantalahan ang kahinaan ng isang tao?!

~*~

Dahil sa inis ko, hindi na ako um-attend ng iba pang mga activities. Kahit na ilang beses nila akong pinilit kanina, hindi na ako pumayag pa.

Kaya heto ako ngayon, nag-i-sketch sa sketchpad na dinala ko. Basta kung ano ang magandang makita ko sa labas ng bintana, hayun na ang idino-drawing ko.

Sa ngayon, ini-sketch ko ang sunset na diretsong nakikita sa bintana. Mabuti na lang dahil may mesa at upuan.

Sumandal muna ako sa sandalan ng upuan nang mangalay ako. Ipipikit ko sana muna ang mga mata ko nang mapansin ko ang isang manong na nagtitinda ng sorbetes sa ibaba – sa ilalim ng isang kubo. May kasama siyang isang batang babae. Mukhang nasa seven years old ito.

Tumakbo ako paibaba para bumili. Dahil nga sa pagmamadali, naisama ko pa pati ang sketchpad at lapis.

"Pabili po. Hayun pong naka-apa. Isa po," sabi ko kay Manong.

"Ano ang flavor, Hija? Ube o keso?"

"Hmmm, keso na lang po."

"O, heto." Ibinigay niya sa akin ang sorbetes matapos niyang balutan ng tissue paper ang apa nito. "Ten pesos, Hija."

"Heto po ang bayad."

Akmang babalik na ako sa room namin noong mapansin ko ang kasamang bata ni Manong. Nakahawak at nakatitig siya sa hawak-hawak kong nakabukas na sketchpad, kung saan makikita ang ini-sketch kong sunset. Tahimik lang na nakatitig ang bata hanggang sa iangat niya ang kaniyang tingin sa akin.

"Ate, puwedeng akin na lang po iyan?" tanong niya, tinutukoy ang sketch.

"Ikaw talagang bata ka. Halika nga rito," saway ni Manong sa kaniya. He gave me an apologetic look as he said, "Hija, pasensiya ka na sa anak ko, ah? Talagang ganiyan iyan."

"Okay lang po." Nginitian ko si Manong bago ibinalik ang tingin ko sa bata. "Sige, kaso hindi pa tapos, eh. Okay lang ba sa iyong tapusin ko muna? Saglit lang naman na, eh."

Tumingin ang bata sa tatay niya at ngumiti. "Puwede po ba? Sandali na lang naman na raw po, eh. Puwede po?"

Again, he gave me an apologetic look. "Hija, sigurado ka bang ibibigay mo sa anak ko iyan?"

Tumango ako sabay ngiti. "Opo, libangan ko lang naman po ang pag-i-sketch, eh."

"Kung ganoon, salamat." Muli niya akong nginitian bago binalingan ang anak. "Sige. Hihintayin kita rito."

"Yehey!" Tumalon-talon ang bata bago hinawakan ang kamay ko at hinila palabas ng kubo. Napangiti na lang ako. "Ate, may alam akong perfect spot para panoorin ang sunset."

Hinayaan ko lamang siyang hawakan ang aking kamay hanggang sa dalhin niya ako sa isang kubo, hindi kalayuan mula sa kubo kung saan kami nanggaling kanina. Napangiti ulit ako nang makita ang magandang anggulo ng araw mula sa kinatatayuan namin.

"Ang ganda, 'di ba, Ate?" tanong ng bata sabay upo sa isang wooden chair.

"Oo, sobra," sagot ko naman. Sumunod na rin akong umupo sa tabi niya at ipinatong sa mesang gawa rin sa kahoy ang sketchpad ko.

Habang nag-i-sketch, nagkuwento siya ng kung anu-ano. Sa dami nga ng mga iyon, hindi ko na maalala. Nakatutuwa, nga eh. Napakadaldal niya.

Matapos ang huli niyang kuwento, napahinga siya nang malalim. "Alam mo, Ate? Kanina pa ako nagdadaldal dito pero hindi pa ako nagpapakilala." Bumuntong-hininga siya ulit. "Ako po pala si Ana, tapos iyon pong si Tatay, siya po si Tatay Celso."

"Shane naman ang pangalan ko," pakilala ko naman.

"Shane . . . kaganda naman po ng pangalan mo, Ate." Nasulyapan ko siyang nakangiti habang nasa taas ang tingin.

"Ikaw rin naman," puri ko pabalik.

Matapos n'on, wala na akong narinig na anumang salita mula sa kaniya.

Eksaktong tapos ko na ang sketch matapos ang ilang minuto. Pinunit ko iyon nang dahan-dahan.

"O, heto na—" Napatigil ako sa pag-abot sa kaniya ng sketch nang mapansin kong wala siyang ka-emo-emosyong nakatitig sa akin. "Bakit? May problema ba?" kunot-noong tanong ko.

Umiling siya at ngumiti. "Wala, Ate, pero ikaw po, paniguradong mayro'n," malumanay niyang sabi, rasong nagpatigil sa akin.

Hindi ako nakapagsalita.

"Ate, mukha ka pong masayahin pero halata po sa mga mata mong malungkot ka. Ate . . . " Tumayo siya at naglakad palapit sa akin. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko. " . . . kung ano man po iyang masakit riyan . . . " Tinuro niya ang tapat ng puso ko. " . . . panigurado pong malalagpasan n'yo iyan balang araw."

Kinuha niya ang sketch na nasa kamay ko. "Salamat po rito, Ate. Iingatan ko po 'to. Promise," nakangiting sabi niya bago tumakbo paalis.

Pinanood ko lamang siyang tumatakbo palayo hanggang sa makarating siya kay Manong Sorbetero na nakangiting nag-aantay siya.

Bigla kong naalala si Papa sa kaniya, dahilan para makaramdam ulit ako ng kirot sa puso ko. Wala sa sariling napaluha na lang ako. Masakit pa rin pala.

Papa, saan ka na? Bakit wala ka sa tabi ko? Miss na miss na kita, Pa.

"Bakit? May problema ba?"

"Wala, Ate, pero ikaw po, paniguradong mayro'n."

Oo, Ana. Tama ka, may problema ako – dalawang taong mahalaga sa akin, parehong iniwan ako. Siguro nga, tama ka. Siguro nga, balang araw, malalagpasan ko rin ang sakit na nararamdaman ko ngayon.

Revival Of The Dead Heart (Completed)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora