Bumalik na siya sa binabasa.

Pumanik na nga ako at nadatnan ko ang pangalawang dress na meron ako. Sinampay ko muna iyon. Umupo na ako para magsimulang mag-aral ulit. Kaso napalingon ako sa dress.

Hindi man nila ako kukutyain sa naulit na dress, kukutyain naman nila ako sa pangit ng kulay at disenyo nito. Kulay yellow ito na sobrang tingkad. Parang lagpas na ang edad ko sa disenyo at sa uso.

Ang pangit talaga pumili ni Era ng damit. Pinikit ko ang mata nang may maramdamang mahapdi..

Nakalimutan ko ng hugasan ang tuhod na may asin kaya pumunta ako sa labas. Naghuhugas ako ng sugat nang mapansin ko na naman ang batang lalaki. Siguro kaedad ko siya, hindi ko alam pero ilang araw na siyang nalalagi sa bakuran ng plantasyon.

Ang pangit kasi ng pwesto ng plantasyon, katabi no'n ay isang monasteryo, nasa paanan ng bundok ang bahay namin.

Batang monghe siguro. Hindi ko alam. Pero kalbo kasi siya.

"Ano na naman bang ginagawa mo rito?" sigaw ko sa kan'ya.

Medyo malayo ang maliit na balon sa bahay. Mas malapit ito sa gitna ng plantasyon. Ang plantasyon ay literal na pinagpaplantahan ng kung ano-anong bulaklak, ang iba ay kapag dinikdik, nagiging gamot, pabango, o hallucinogen, ang iba pagnapasobra ay nagiging droga. Mistulang taniman lang pero iba na kapag titingnan mong maigi.

Korap ang District Chief namin kaya bigyan lang ng kaunting 'panlibang' na nanggaling sa katas ng mga bulaklak ay masaya na 'to at hindi na pinapakialaman kung ano mang tunay na negosyo ng ama.

"Bakit ang pangit mo lagi kapag nakikita kita?"

Sa sinabi niya ay pumulot ako ng bato at ibinato iyon sa kan'ya. Hindi niya inaasahan ito at natumba siya sa pag-ilag.

"Sorry na! Sorry na!" sigaw nito.

Lumapit ako sa kung nasaan siya at nagmistulang tore ako nang tumayo ako sa kung nasaan siya.

"Ulitin mo yung sinabi mo?" May hawak pa rin akong bato.

Unang beses kong nakahawak ng bato, ay inutusan ako ng ama ko na ihampas ito nang paulit-ulit sa dating sekretarya ng ama na muntikan na siyang isuplong. Ayokong gawin 'yon. Pero mas malala ang parusa sa akin kapag hindi ko hinampas nang paulit-ulit ang ulo ng traydor hanggang sa mamatay ito.

Sabi ng ama, pinalalakas niya lang ang loob ko. Ang sabi ko sa sarili ko, kapag nagpatuloy 'to mawawala ang pagiging makatao ko. Pero ano nga bang magagawa ko? Wala, hawak niya ako sa leeg at hindi ko kayang suwayin siya dahil ganito niya ako pinalaki.

"Hindi ka pangit!"

Nakita kong pinipilit niyang maging matapang kahit na gusto nang makawala ng hikbi niya. Naalala ko ang sarili ko saglit sa kan'ya kaya binaba ko ang malaking batong hawak na ipupukpok ko sana sa ulo niya.

Naihi na siya sa takot. Tiningnan ko lang siya.

Hindi ako makaramdam ng awa. Simula iyon ng unang beses kong makapatay ng tao hanggang sa paulit-ulit akong pinilit na kumitil ng buhay. Doon ko napagtanto na alam ng ama ko na wala akong awa.

Empathy, kaya kong gayahin iyon kung kinakailangan, madali lang naman gayahin lalo na lagi kong nakikita iyon sa mukha ni Manong Mao, tagapagbantay sa plantasyon.

Naupo na lang din ako sa gilid nung lalaki.

"Nahihibang ka na ba? Paano kung napatay mo ako ng bato? Ihahampas mo ba talaga iyon sa ulo ko?"

Nagpunas siya ng luhang umalpas. Natawa ako sa kan'ya, unang beses may hindi tumakbo ng sobrang bilis nang tabihan ko.

O baka hindi kaya ng tuhod niya.

Ang panghe na niya.

"Anong pangngalan mo?" tanong ko.

"Vic," sabi niya. Galit pa rin ang mata pero nandoon ang takot at mangha.

Nakakatuwa naman siya. Light brown ang kan'yang mata.

"Ang ikli naman."

"Hindi ko pwedeng sabihin ang buong pangalan ko."

"Bakit? Hinahanap ka ba ng otoridad?"

Masama siyang tumingin sa akin.

"Oo, parang gano'n na nga."

Tumayo na ako.

"Sa susunod 'wag ka ng bumalik dito."

"Sa isang linggo kong pumupunta rito ngayon mo lang ako kinausap," sabi niya.

"Oo, dahil binabantaan na kita. Kapag nahuli kitang palagi-lagi ulit dito, itutuloy kong ihampas sa ulo mo ang bato."

Dahil doon napatayo siya at kakaripas sana ng takbo kaso nadapa siya sa takot. Lumingon siya sa akin, may mapang akusang tingin. Hiyang-hiya siya sa sarili dahil naamoy niya ang sarili.

Bumalik na ako sa loob at sinuklay ang itim kong buhok na sobrang ikli hindi man lang umabot sa leeg ko.

Bago mag alas sais pinaghahampas ng ama ang metal na tungkod sa kahoy na sahig at nagsisigaw na handa na ang karo para ihatid ako sa lupa ng Sector Governor.










Mad and Vicious: Empress VilanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon