Kabanata 47: Anino mula sa Dilim

18 0 0
                                    

Anino mula sa Dilim

Mga usok at siga mula sa nag-aapoy na kahoy, mga nagkukwentuhan, nagkakatuwaan at mga nakatingin sa sumisilip na buwan ang tumambad sa aking paningin mula sa lawang pinanggalingan.

Si Calla ay kaagad akong pinauna at pinaupo sa upuang kahoy katabi ng ilang niyang kasamahan. Mula sa nag-aapoy na kahoy ay naroon ang nilulutong hapunan.

Sa aking mga nakikita lahat ay simple. Ang totoo'y unang beses kong maranasan ang ganitong pagtitipon. Nasa labas ng tahanan, nagtitipon sa kailaliman ng gabi, at nag-uusap habang hinihintay maluto ang pagkain.

Kahit pa ang sitwasyon at lugar ay nasa gitna pa rin ng walang kasiguraduhan, hindi ko maitatangging naging pangarap ko ito noon. At hindi ko inaasahang kahit nasa gitna pa rin ako ng pagsubok at kalituhan, kahit papaano'y masayang nasaksihan ko ang sandaling ito.

Ngunit gayumpaman ay kailangan ko pa ring maging mapagmatyag, mapanuri at mag-ingat. Hindi sa lahat ng oras ay ganito lamang kaluwag ang bawat sitwasyon.

"Nasa malayong ibayo na naman ang inyong isipan mahal na reyna." Napabaling ako kay Calla na kauupo lang sa tabi ko.

Mayroon itong dalang pagkain para sa aming dalawa, inabot niya sa akin ang isa. Tinanggap ko naman iyon at sandaling napatingin ako roon. Hindi ko alam kung paano sila nakahuli ng masarap na karne ga'yung napakahiwaga ng bundok, halos lahat ay hindi ko alam kung sino o ano ang aking dapat na pagkakatiwalaan.

Marami pa rin akong mga tanong na may kinalaman sa kanila. At kahit alam kong imposibleng may sabihin sila tungkol pa sa mas malalim na pagkakakonektado nila sa bundok, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang mabibigyan ng sagot ang lahat ng mga tanong at kaguluhan ng isipan ko mula sa mga hiwagang ikinukubli ng mga ito.

"Mahal na reyna?" Napakurap ako at nabaling muli ang aking atensyon kay Calla. "May problema ba, kamahalan?"

Nakikita sa kanyang mukha na may kuwestiyon at nag-aalaga siya dahil sa lalim ng aking pag-iisip.

Umiling ako. "Wala 'to, Calla. Akin lang naisip na sa kabila nang nakakatakot na itsura ng bundok ay mayroon pala itong natatagong ganda."

Iyon na lamang ang aking sinabi upang hindi na siya mag-usisa pa. Isa pa't may katotohanan din naman. Mula sa mga temptasyon at ilusyon ng bundok, at sa pang-liligaw nito sa akin, hindi ko naman inaasahang sa kabila ng mga iyon ay may natatangi at hindi maitatangging kaakit-akit sa mga mata.

"Siya nga, kamahalan," sumang-ayon naman si Calla. "Talagang napakabukod-tangi."

Nang pagmasdan ko siya'y masaya itong nakangiti habang nakatingin sa paligid. Ang mga mata naman niya'y nakikitaan ng paghanga. Subalit hindi lang ang tingin niya sa kalikasang nasa harapan namin ang nagpapatunay ng nakikitang paghanga, maging ang kanyang salitang binigkas ay hindi ko inaasahan.

Napakurap ako nang bumaling ito sa akin na naroon pa rin ang admirasyon sa mga mata nito.

"At ipinapangako namin na walang sinumang makakasira ng kagandahang ito."

Tila ipinapahiwatig nitong kahit ako ang kinikilala nilang reyna ay wala silang pipiliin pagdating sa pagprotekta sa bundok at sa mahiwagang kalikasan nito.

***

Naliligo muli ako sa lawa, kung saan ko unang nakita ang babae. Gabi at natapos pa lamang ako sa pagsasanay kasama ang ilang kababaihan sa samahan. Nakikiramdam ako sa paligid, kahit sa mismong lawa ay mabusising pinakiramdaman ko ang ilalim. Baka sakaling maulit muli ang nangyari noon.

Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga ng ilang ulit dahil sa mga nangyayari. Lalo pa't hindi rin ako dapat na magtagal dito. Nasa gitna pa rin ako ng pagsubok, at siguradong pangungutya ang aabutin ko sa antipatiko at malamig na hari kapag hindi ko nalagpasan ito. Ngunit paano ako makakaalis rito? At kung sakaling hindi ako makaalis...

"Hindi maari..." mahinang sabi ko.

Tumayo na ako mula sa lawa at akmang kukunin ang aking damit sa malaking bato ngunit may munting kaluskos mula sa mga punong-kahoy at mayayabong na mga halaman.

"Sino yan?"

Agad kong sinuot ang aking kasuotan at kinuha sa ilalim niyon ang aking punyal saka itinutok sa kinaroroonan ng kaluskos.

"Magpakita ka! Ipakilala mo ang iyong sarili!"

Ngunit sa halip na marinig ko muli ang kaluskos tila ang paligid ay tumahimik. Napabuntong-hininga ako't napailing. Hindi kaya'y masyado lamang akong napapraning? Ipinagsawalang-bahala ko na lamang iyon. Marahil ako lamang ay namamalik-mata at sadyang natuto na mula sa mga ilusyong nangyari.

Tinapos ko na lamang ang aking pagligo. Akmang aahon na sa lawa ngunit biglang naging limitado ang aking kilos, at ilang saglit lang ay hindi ko na maigalaw pa ang sarili. At nang makita ko ang sariling anino mula sa sinag ng kalahating buwan sa kalupaan, may isa pang anino mula sa dilim ang lumitaw.

"Ikinagagalak kong makilala ang Reyna ng Hari ng Koroteya," anang nitong may nakakapanindig balahibo.

The Dove of The Lost LandsNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ