Kabanata 36: Unang Pagsubok

13 1 0
                                    

Unang Pagsubok

Simula pa lamang ng aming paglalakbay ay naiisip ko na ang tungkol sa pagsasanay. Kung gaano ba iyon ka-komplikado, kahirap o mas higit pa ba iyon sa naranasan ko sa kamay ng Senyora Varrella.

Subalit ang lahat ng iyon ay balewala kung hindi makikita sa personal, sa iyong mga mata, at higit sa lahat mararanasan.

Unang araw pa lamang ay halos ko hindi na aakalaing ganito kahirap. Paulit-ulit na pinatakbo ako ni Senyora Valleri sa matarik at mataas na bundok. Mapataas o baba. Parang paunahan, kung sino ang mauunang dumating sa tuktok ng bundok, siya ang makakakain ng masarap na pagkain.

At kapag nahuli ay siya naman ang magugutom o hindi kaya'y tubig lang. Ang bilin ng Senyora'y pagdating sa tunay na labanan ay hindi lang galing sa pakikipaglabanan ang iyong alas. Kakailanganin mo iyon ng mabilis na kilos kasabay ng walang kahit na anong ingay sa iyong paggalaw. Tumakbo man o maglakad ng mabilis.

At sa totoong labanan, hindi lahat ng oras ay mapupuno ang sikmura dahil hindi pagkain ang habol sa digmaan kundi buhay. Ilan lamang ang mga iyon sa mga bilin ni Senyora Valleri. Lahat ay may punto at may katotohanan.

At isa lamang ang masasabi ko. Kahit hindi niya sabihin ang pangalan o pagkakakilanlan ng taong kanyang binanggit noon sa karwahe, ay alam ko na. Maaring magkapatid o 'di kaya'y magkamag-anak sila ni Senyora Varrella.

Parehong-pareho sila ng prinsipyo't pang-unawa sa mga bagay, lalo na sa kanilang paligid. Pareho rin sila kung paano magseryoso para sa pagsasanay. Malupit ngunit nasisiguradong may makukuhang magandang oportunidad at mga aral.

"Maayos na po ba ang pakiramdam niyo, binibini? Unti-unti na bang naaalis ang sakit ng iyong kasu-kasuan at binti?" sunud-sunod na tanong naman ni Marah. Iyon ang pangalan ng taga-sunod ni Senyora Valleri.

"Oo, huwag kang mag-alala at siguradong gagaling ang mga ito bukas," wika ko.

Napatango na lamang siya't ihahanda na niya raw ang langis upang mahilot niya ang ilang parte ng aking katawan pagkatapos nitong pagbabad ko.

Nakahinga ako nang maluwag at kaysarap sa pakiramdam mula sa pagbabad ko sa maligamgam na tubig. Natanggal ang sobrang pagod ng aking mga paa at binti dahil sa paulit-ulit na pag-akyat-baba. Napapaisip na lang ako, unang pagsubok pa lamang ito pero ganito na ang dulot sa akin.

Pero ganoon naman dapat hindi ba? Kailangan munang maramdaman ang sakit bago mo ito tuluyang makuha at magwagi. Parang katulad lamang noon. Nakakapagod man ngunit ang idinulot nito'y kalakasan para sa akin.

Naalala ko rin noong sinasanay pa lamang ako ni Senyora Varrella sa paghawak ng espada gamit ang mahabang kahoy at kung paano ang gamit nito. At ngayon nga'y dahil doon ay natutunan kung paano protektahan ang sarili kung sakaling may hindi inaasahang mangyari.

Kinabukasan. Ganito muli ang pagsubok. Hindi ko na mabilang kung ilang ulit nang nanalo si Senyora Valleri sa aming dalawa. At hindi ko mapigilan ang paghanga ko dahil sa ipinapakita niya.

Paano niya nagagawang maging mabilis sa kabila nang madudulas at matutulis na bato na para bang siya'y lumalakbay lamang sa hangin?

Paano sa paraang kahit sa simpleng paghawi niya lamang ng kanyang mga kamay ay mabilis na nahawi ang mga harang ng kalikasan?

At higit sa lahat, kahit siya'y may edad na, nagagawa niya pa ring kumilos na parang siya pa ang mas bata sa aming dalawa.

Talagang nakakahanggang Senyora. Wala akong masabi.

"Sigurado bang kaya mo na ngayon? Baka katulad nitong mga nakaraang araw ay hindi mo na ako kayang maunahan sa tuktok," may halong paghahamon at pang-aasar ni Senyora Valleri.

At sa ganitong pagkakataon pa talaga'y nagawa pa niya akong maliitin. Naalala ko sa kanya ang Hari ng Koroteya. Parehas na parehas ang ugali ng kanilang paghahamon. Sa tingin ko'y kay Senyora Valleri nakuha ng Hari ang ugaling minsan ay kinaiinisan ko.

"Huwag kayong mag-alala, Senyora Valleri. Akin ang pagkakataong ito." May kumpyansang sabi ko.

Nagtaas naman ng kilay ang Senyora na mukhang hindi pa naniniwala sa akin. Naiiling na lang ako pero sa huli'y nagawa pa namin tumawa bago ang aming karera.

"Inuulit ko lang, Yonahara. Sapagkat kapag natalo ka pa..."

"Alam ko po, Senyora... Pero ngayon ay wala na kayong dapat na ipag-alala." May ngiti kong wika kay Senyora Valleri.

Marahan naman na tumango at ngumiti ang Senyora. Alam kong inaalala niya ang kalagayan ko sapagkat sa nakalipas na tatlong araw ay wala akong kinain dahil sa usapan tungkol sa pagsubok na ito.

"Huwag kayong mag-alala, Senyora." Nasabi ko. "At huwag din kayong magdalawang-isip. Makakaya kong lampasan 'to, at lampasan kayo."

Matinding paghinga ang aking ginawa bago umayos ng posisyon. Maging ang Senyora ay inayos na rin ang kanya. Nagdasal ako sandali at ipinikit ang sariling mga mata at kinalma ang sarili.

Kaya ko 'to. Kaya mo 'to, Yonahara. Makakalampas ka sa unang pagsubok!

At nang tuluyang nagsimula ang hudyat. Mula sa paanan ng bundok, sa gitna ng mga hindi mabilang na pagsubok pagkatapos ng ilan pang pagsubok, hanggang sa tuluyan ng nakita ang simbolo ng tagumpay.

Abot ngiti na lamang ang huling nagawa nang magawa ko... Nagawa ko ang unang pagsubok... Nagpakawala muli ako ng mahabang hininga bago ako tuluyang nawalan ng malay.

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now