Kabanata 14: Koronasyon

20 1 0
                                    

Koronasyon

Mula nang dumating kami sa Emperyo ng malamig na Hari—ang kinikilalang si Haring Adem—lahat ng mga tao ay halos bigyan nila kami ng lubos na pagpupugay. Paulit-ulit ang mga katagang 'mabuhay' at sa pagtawag ng aming pagkakakilanlan.

Inaasahan kong kakaiba ang Emperyong ito ngunit mas hinigitan pa nito ang iniisip ko. Mas maayos, malaki, at matibay ang palasyo ng Koroteya. Walang eksaktong salita ang makakapagpaliwanag sa mga nakikita ko. At habang papasok kami sa palasyo, marami pang mga tagasunod ang yumuko at bumati sa amin.

Alam kong sa mga oras na ito ay wala pa akong nalalaman tungkol sa palasyo. Mapalabas man o mapaloob. Si Dera ay nasa likuran ko, nananatiling nakayuko. Si Harrion naman ay nasa likuran din ng Hari.

Kapagkuwan ay may sumalubong sa amin. Isang babae at lalaki. May mga sandata rin sila na nakalagay sa kanilang bewang. Nakasuot ng pangsanay ang mga ito at nang huminto sa aming harapan ay saka yumuko ang dalawa.

"Maligayang pagbabalik, Haring Adem, at maligayang pagdating sa Emperyo, Mahal na Reyna."

Napatango na lang ako bilang tugon. Ang malamig na Hari naman ay may sinabi sa dalawa.

"May hinanda kayo?" tanong niya, habang nakakunot ang noo.

Nagkatinginan pa ang dalawa. Parang nag-uusap sila sa pamamagitan ng kanilang mga mata at isip saka humarap sa kanilang Hari.

"The elders want to witness this, Your Majesty," ang babae ang unang nagsalita. Hindi ko na naman naiintindihan. "Since, they knew that you will arrived with the Queen, they already anticipated the upcoming ceremony. It's a tradition of Koroteyans after all."

Wala akong naintindihan sa mga winika ng babae. Pero pinili kong pa ring makinig kahit imposibleng maunawaan ko ang mga salitang kailanman ay hindi ko napag-aralan.

"Seron. How's the progress so far?"

Ngumiti naman ang lalaki at nagwika. "Everything is under control, Your Majesty. Hinihintay na lang ang inyong pagdating."

Napatango-tango naman ang malamig na Hari sa sinabi ng lalaking kausap. Bagama't hindi ko nauunawan, gusto kong tandaan ang mga pangungusap na iyon. Higit sa lahat, ipinapanalangin kong hindi nila mapansin iyon ngunit ang Haring katabi ko ay walang pinalalagpas na pagkakataon upang ipahiya ako.

"Yura," tawag ng malamig na Hari sa magandang babae na ikinatuwid ng atensyon nito.

"Yes, Your Majesty."

"Sabihin mo sa kanya ang lahat na dapat niyang malaman. Kung maari rin ay tumawag ka ng taong makakapagbigay ng kaalaman sa kanya tungkol Emperyo."

Napakurap naman ang babaeng nangangalang Yura at napatingin sa akin. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang pagtingin nito sa akin mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ko ay nanliit ako sa mga mata nitong kulang na lang ay ipamukha sa akin na limitado ang aking mga nalalaman.

"Masusunod, Kamahalan," tugon nito saka yumuko.

Tinawag muli ng malamig na Hari ang atensyon ni Seron saka nagsabing may kailangan pa silang pag-usapan at mauuna na lamang. Naiwang na lamang kaming tatlo. Ako, si Dera at ang nangangalang Yura.

Gustong-gusto kong itutok sa Haring iyon ang aking punyal dahil sa ginawa niya.

Hindi naman lingid sa akin na wala akong ideya sa mga ibang salita o kahit na anong modernong bagay sa mundong ito ngunit hindi niya na dapat pang ipalandakan sa lahat na nagmula lamang ako sa mababang uri.

Kinuyom ko na lamang ang kamay ko sa sobrang panliliit sa sarili.

"Binibini..." dinig kong mahinang pagpapagaang-loob sa akin ni Dera.

Hinawakan niya ang kamay kong nanginginig. Napabaling naman ako kay Dera, lihim na nagpapasalamat sa kanya. Kahit papaano'y marahan na napakalma niya ako.

Narinig ko naman ang pagbuntong-hininga ng magandang babae.

"Gustong kong magpaumanhin sa inasal ng aming Hari, Mahal na Reyna."

Napaangat ako ng tingin sa magandang babae. Gulat na gulat ako sa winika niya. Siya? Humihingi ng paumanhin? Maging si Dera ay hindi rin mag-aakala.

"B-Bakit...? Naguguluhan ako," nalilitong sambit ko.

Tiningnan ako nito sa mata. Ang kanyang hitsura ay matapang at hindi kakikitaan ng pagiging mahina. May angking prinsipyo at kalakasan sa kabila ng napakaganda rin nitong kulay kapeng mga mata.

"May alam na kami tungkol sa pinagmulan mo bago pa kayo dumating dito, kung ano ang dati mong estado at kung bakit ka pinili ng aming Hari," paliwanag niya. "At iyon ang ipinapagpaumanhin ko. Higit kong nalalaman ang katayuan ng isang..."

Naiintindihan ko ang ipinupunto niya.

"Salamat..." mahinang sambit ko.

"Ngunit iyo rin tandaan na hindi sa lahat ng oras ay dapat kang maging mahina. Dahil sa mga oras na ito ay katuwang ka na nang aming Hari maging ang kanyang Emperyo," mariin na wika niya.

Kung sana'y ganoon lamang kadali iyon. Ang makausap o makita lamang ang nakakainsulto nitong pagtrato sa akin ay hindi ko kayang kontrolin ang inis ko. Paano pa kaya ang sinasabi nitong magiging katuwang ng Haring kinikilala nila?

Hindi na nadugtungan ang aming pag-uusap. Hinatid ako nito sa magiging silid namin ng Hari. Pakiramdam ko ay masasakal ako sa bawat sulyap ko sa buong sulok ng aming magiging silid.

Sunod naman ay ang iba pang silid. Ang malaking bulwagan, ang malawak na kainan na may napakahabang lamesa, at ang mababaw at malinis na danaw sa labas. Nagkokonekta sa pinaghalong palikuran at paliguan ng aming silid ang daanan papunta roon.

Sinasabing iyon ang paboritong pahingahan ng kanilang Hari sa tuwing may problema o pagod ito sa maraming gawain.

Sumunod naman na pinuntahan namin ay ang silid-aklatan. Napahanga naman ako sa sobrang laki ng loob niyon. Hindi lang iyon, napakaraming libro ang naroon sa loob. Hindi ako makapaghintay na mabasa ko ang mga iyon ngunit bilin ni Yura na kailangan kong maghanda para sa gaganaping koronasyon.

At ito na nga ang inaantisipasyon ng lahat ng mamamayan sa Emperyo ng Koroteya. Maging ang mga opisyal at mga kumakatawan sa loob ng palasyo ay nandito rin at magiging saksi ngayong koronasyon.

Kinakabahan ako sa kung anong magiging kahihinatnan ng koronasyong ito. Tatanggapin ba ako ng lahat? May alam ba sila sa kung ano talaga ang aking pinagmulan? Magiging kahiya-hiya ba ako sa kakulangan ng kaalaman ko kapag nalaman nilang nagmula ako sa mababang uri?

Halos marami na ang mga iniisip kong maaring maganap. Maaring maging masama dahil ang pinili ng kanilang kinikilalang Hari ay isang tulad kong mahina at maraming sugat mula sa nakaraan.

Naramdaman ko ang pagdampi ni Dera sa aking kamay.

"Magiging maayos ang lahat, binibini," aniya. "Kailangan mo lang maging matapang at harapin ang lahat.

"Alam ko..." tugon ko.

Kahit papaano'y napakalma nito ang nagwawalang kalooban ko dahil sa matinding kaba. Hanggang sa tawagin na ako. Kasabay naman niyon ay ang pagtunog ng trumpeta at tambol.

Nasa magkabilang gilid ko ang dalawang tagasunod na umaalalay sa akin dahil sa bigat ng aking kasuotan. Nang magsimula na kaming humakbang palabas papunta sa malaking entablado kung saan naroon ang nakatayong Hari ng Emperyo ng Koroteya, ang sariling hininga ay hindi mapakali sa naghalo-halong pakiramdam.

Ang musika, tunog ng iba't-ibang instrumento ay naging mas malinaw at maugong sa aking pandinig nang tuluyan na akong huminto sa tapat ng malamig na Hari.

Mas lalo akong naguluhan sa nararamdaman. Halo-halong inis, panliliit sa sarili at paghanga sa hitsura ng Haring aking kinaiinisan magmula pa noong makilala ko siya.

Dahil ang malamig na Hari ay hindi maipapagkailang magiting sa kanyang kulay puti na may disenyong ginto. Maging ang korona nitong nagpapakilala sa kung ano ang kanyang pagkatao.

At nang may ibinigay sa kanya ang kanang-kamay na si Harrion. Binuksan niya ang nakarolyong papel saka siya nagwika.

"Today is the auspicious day for the people of the Empire. And now, am the King Adem Cathan announced you from this day forward, Yonahara Ygrid as the Queen of Koroteya Empire."

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now