Kabanata 41: Ilusyon

13 1 0
                                    

Ilusyon

"Makinig ka Yonahara. Ang bundok ay gagawa ng paraan upang maging bihag ka nito habambuhay. Hindi ka nito hahayaang makawala mula roon kung sakaling ikaw ay maabot niyon o kung ano man ang mga misteryo at kababalaghang naroon."

"Higit mong tandaan, Yonahara. Sa oras na mapasailalim ka nang kanilang unang pain, mahihirapan ka nang makalabas."

"Ang katotohanan ay nagtatago sa isa pang katotohanan."

Napamulat ako nang may mapaginipan ako. Ngunit wala rin akong natatandaan alinman sa mga iyon.  Naglumikot ang mga mata at bumangon. Nasa ilalim ako ng palasyo. Sa silid ng Hari.

"Anong ginagawa ko rito?" napatanong ako sa sarili.

Wala akong naaalalang pumarito ako. At nang sumubok ako'y sumasakit lamang ang aking ulo. Itinigil ko na lang saka muling iginala ang paningin.

Nakalilito ngunit paano ko naman nalamang nasa silid ako ng hari kung wala akong maalala sa pagpunta ko rito? Nagpakawala na lamang ako ng marahas na hininga.

Pakiramdam ko nga'y may kakaiba ngunit hindi ko masabi kung ano ba iyon. Ipinilig ko na lang ang ulo at akmang aalis mula sa kama nang mapagtanto ang aking itsura.

Nakapantulog pa rin ako ngunit wala na ang aking panloob. Napasinghap ako. Pinakiramdaman ang sarili. Wala naman akong naramdamang sakit sa pagitan ko. Tiningnan ko rin ang tela sa kama at wala rin akong nakitang mantsa roon.

Napaisip ako kung paano at bakit naging ganito ang itsura ko. Hindi ko rin matandaan kung bakit ako naririto. Kapagkuwan ay bumukas ang pintuan ng silid. Iniluwa niyon ang Hari na sa akin ay may marahan na ngiti.

Nang makalapit ay agad niya akong dinaluhan ng halik sa pisngi.

"Nakatulog ka ba nang mahimbing aking reyna?" Hinaplos niya ang aking kamay sa naggawad ng magaang halik.

Ako naman ay tila nagugulat sa kanyang ginawa. Pakurap-kurap akong tumingin sa Kamahalan. Parang may nagsasabi sa akin ngunit hindi ko rin maintindihan ang sarili.

"May problema ba mahal na reyna?" muling tanong ng Kamahalan.

Ipinilig na lang ang ulo at ginawaran pabalik ang ngiti ang Hari.

"Wala naman, Kamahalan. Ako'y nabibigla lamang," saad ko.

Tiningnan niya ako at napayuko dahil sa tensyon ng kanyang tingin. Kapagkuwan ay inangat niya ng marahan ang aking mukha at isinalubong sa kanya.

"Ipagpaumahin, aking reyna. Marahil ay nanibago ka lang sapagka't matagal rin ang iyong hinintay mula sa aking paglalakbay," aniya.

"Mula sa iyong paglalakbay?" Napaisip ako. Wala akong mahanap sa aking isipan na naghintay ako sa kanya.

Tipid na ngumiti naman ang Hari.

"Marahil ay nakalimutan mo na. Dalawang linggo na rin ang itinagal ng aking paglalakbay." Napabuntong-hininga ang Kamahalan. "Hayaan mo na. Basta't mahalaga'y narito na ako sa piling mo at makakasama mo na ulit ako."

Sa totoo'y hindi ko maintindihan ang sariling nararamdaman. Hindi ba dapat ay natutuwa ako, nasisiyahan? Ngunit bakit parang gusto kong ngumiwi at mapailing sa mga sinasabi niya? Pakiramdam ko'y may hindi tama o baka masyado lamang ako nag-iisip.

Tumawag ang Hari ng mga taga-sunod upang ihanda ang aking paliguan at aking susuotin. Akala ko nga ay sa akin lamang ngunit laking gulat ko na maging siya'y sasabay sa akin.

"K-Kamahalan!" nagugulat kong sambit ng siya nga'y lumusong sa kahoy na paliguan.

Agad akong umiwas nang tingin. Dahilan na marinig ko ang kanyang bahagyang pagtawa. Tumalikod ako sa kanya. Napamulahan ang dalawang pisngi sapagka't hindi ito ang inaasahan ko mula sa kanya.

"Nahihiya ang aking reyna..." Tila ba'y naaaliw pa siya sa nakikita.

Niyakap ko ang aking hubad na sarili. Kahit alam kong wala akong kawala sa kanya.

"Sino ang hindi mahihiya—Mahal na Hari...!" Suminghap ako sa biglaan niyang paghila sa akin patungo sa kanya.

Nanlalaki ang mga matang dumikit ang aking kahubdan sa katulad niyang wala na ring kasuotan. Agad kong naramdaman ang init nang magsimula niyang yakapin ako mula sa likuran.

Habang ang kanyang hininga'y tumatama sa balat ng aking balikat at ng aking leeg. Tila sinasadya niyang isayad ang kanyang hininga upang iparamdam sa akin ang kiliti at paggulo ng aking hininga.

"A-Anong ginagawa niyo, mahal na hari?" nanginginig na sabi ko habang patuloy ang pagtama ng kanyang hininga sa aking leeg.

Napapikit ako nang sandaling hagkan iyon ng mahal na hari. Dahilan upang makabuhol-buhol ang aking paghinga.

"Nais ko lang paligayahin ang aking reyna..." Umawang aking labi nang madali niya akong iharap sa kanya.

Kapwa kami napatitig sa isa't-isa. Halos mapigil ko ang sariling hininga nang siya'y dumukwang palapit. At nang ilang gahibla na lamang ang pagitan namin, saka may sumagi sa aking isip.

Mga puno. Nababalutan ng hamog, at ang gintong sinulid. At higit sa lahat mga aninong nakapaligid.

Hanggang sa nakita ko ang sarili, nasa gitna ng mga iyon, nakahandusay... at duguan.

Napasigaw ako't naitulak ang Hari. Mas naiyakap pa ang sarili. Nanginginig... Hindi ko maintindihan.

"Aking reyna..." tawag sa akin ng Kamahalan ngunit mas lumayo ako sa kanya nang makita ang kanyang nakakakilabot na itsura.

Nabubulok. Naaagnas.

Napatingin ako sa paliguan. At ganoon na lamang ang hilakbot ko nang makita ang kaninang amoy rosas at malinis na tubig, ngayon ay naging isa na itong dugo, at na may iba't-ibang klaseng insekto.

"L-Lumayo ka sa akin!" Pigil ko sa nilalang na nagpapanggap na Hari.

Humalakhak naman ang nilalang at ngayo'y may kilabot na ngumisi sa akin. At nang ito'y magsalita, hindi lang boses ng isa ang aking narinig kundi lima.

"Hindi ka na makakatakas sa aming ilusyon, mahal na reyna!" Humalakhak pa ulit ito. "Tuluyan ka nang makukulong! Ang iyong kaluluwa'y hindi na magagawang makabalik pa sa iyong katawang lupa!"

Napailing ako. Hindi maari. Hindi ito pwedeng mangyari!

"Hindi. Makakaalis ako rito! Magagawa ko!"

"Paano mahal na reyna kung ngayon nga'y wala kang maalala?" may mapaglaro nitong sabi.

Nanghina ako at mariin na napapikit. Nagtatagis ang ngipin na totoo ang kanyang sinabi. Wala akong maalala. Hindi ko matandaan kung bakit ako naririto. At higit sa lahat...

Patuloy lang akong nanghihina sa tuwing pinipilit ko ang sariling alalahanin lahat.

Lumapit sa akin ang nagpapanggap na Hari. Kapagkuwan ay inangat nito ang aking mukha upang magpantay ang aming mukha at makita ko ang nakakakilabot na itsura ng kung anumang nilalang na nasa harapan ko.

"Hindi mo na maaalala pa ang pangalan mo. Kung sino ka, at kung ano ang layunin mo. Habambuhay ka nang makukulong sa aming ilusyon."

The Dove of The Lost LandsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon