Kabanata 45: Natatago sa Huwad at Katotohanan

9 0 0
                                    

Natatago sa Huwad at Katotohanan

Hindi ko masabi kung gaano katagal na akong naririto. Simula nang gabing iyon ay hindi lamang ang babaeng iyon ang bumisita sa mahiwagang tahanang tinutuluyan ko. May mga kadalagahan at mga kabataang sumisilip mula sa pintuan.

Hanggang sa hindi ko na mabilang kung ilang araw ang lumipas. Gamit ang hindi ko kilalang gamot at orasyong binibigkas nila sa tuwing ginagamot nila ang aking natamong malalim na sugat. Unti-unti na nga at ngayon nga'y nakaya ko nang tumayo at maglakad ng mag-isa.

Hindi pa rin ako sanay sa bago kong pagkakakilanlan. Naninibago pa rin ang aking pandinig sa tuwing binabati nila ako o kapag tinatawag nila ang estadong kailanman ay hindi ko inasam. At higit sa lahat ay naguguluhan pa rin ako sa lahat nang nangyayari.

Ano nga ba ang Bundok Nilayen? Ano ang mga nakatagong lihim na nakapaloob dito? Ang mga sinabi ng Senyora Valleri ay mga katotohanan nga ba o mayroon pa itong hindi nalalaman?

Kung ang bundok na ito'y pinangalanan dahil sa mga taong nagninilay. At kung katotohanan man ang sumpang nakabalot rito na maaring maging kapalit ay buhay. Ano at paano ang mga taong naririto'y taliwas sa mga sabi-sabi mula sa labas?

At bakit nila ako hinihintay? Alam na alam din nilang papasok ako sa teritoryo nila. Plano nga ba ito o kasali pa ba ito sa aking pagsubok?

Dumating muli ang gabi. Kalahating buwan ang sumilip sa mga makapal na ulap at ilang mga naglalagang simbo naman ang nagsisilbing liwanag sa paligid. Sa pananatili ko rito'y hindi lang sa mga tao ako nagulat. Mayroon silang maliit na samahan. Maging ang kanilang kasuotan ay natutulad din sa labas, ngunit ang aking kinukwestiyon ay bakit sila naririto? Bakit hanggang ngayon ay hindi sila lumalabas ng bundok?

"Malalim na naman ang iyong iniisip, mahal na reyna." Napalingon ako sa matandang babaeng siyang namumuno sa maliit na samahan.

Medyo kulubot ang balat na dulot ng katandaan ngunit may kung anong misteryo pa ring nakapalibot dito. Hindi ko matiyak kung ano. Nananatili pa rin akong maingat at maging masiyasat.

Tumabi ito sa akin sa pagkakaupo sa ilalim ng malaking punong siyang sentro ng kanilang maliit na samahan.

"Lugod kong ikinagagalak na nakakapaglakad na ang Kamahalan," marahan na sabi ng matanda.

"At dahil iyon sa inyong panggagamot. Salamat po," tugon ko naman.

Bahagya pang nagtaas ng kilay ang matanda. Hindi yata nito inaasahan ang ganoong pagtugon ko.

"Mukhang may katotohanan nga ang aking mga narinig. Mula sa mga bulong ng hangin at mata ng mga puno. Tunay ngang kakaiba kang reyna," nasabi nito.

Sumupil ang marahan na ngiti sa mga labi nito bago tumingala at sumulyap sa kalangitang kulay itim na naliliwanagan ng kalahating buwan.

"Mga bulong at mga mata? Ano po ang inyong ibig sabihin?" naguguluhan kong wika.

Kapagkuwan ay marahang sumalubong sa amin ang marahang hangin. Dahilan upang makaramdam na pagkalma at panandaliang paggaan ng kalooban. Sandaling tumigil ang matanda at sinalubong nito ang hangin. Kapagkuwan ay sumupil ang ngiti at napapikit bago tuluyang bumaling sa akin.

Mahiwaga at misteryosang ito'y ngumiti.

"Marami pa ang kailangan at dapat mong malaman. Ngunit ikinalulungkot kong hindi mo iyon maaring marinig mula sa akin."

Napakurap-kurap ako't naguluhan muli.

"Kung ga'yon ay kanino ko maaring malaman ang mga tanong sa isipan ko?" tanong ko.

Ngunit umiling lamang ang matanda.

"Walang makakapagsabi."

"Po? Hindi ko po kayo maunawaan."

Marahan na napahinga naman ang matanda. "Sarado ang mga labi namin sa mga tanong tungkol sa bundok. Tanging ang kalikasan lamang ang siyang may kakayahan at karapatang magsabi sa iyo."

Ngunit hindi ko pa rin siya maintindihan.

"Bakit sarado ang inyong mga labi tungkol dito? Anong ang ibig sabihin na ang kalikasan ang siyang nararapat na magsabi?"

"Dahil mahigpit na ipinagbabawal,"  May mga... utos o alituntunin kaming dapat na sundin. Nakasalalay ang impormasyon sa pagitan ng katulad mong taga-labas at sa aming naririto sa loob."

Napababa na lang ako ng tingin.

Mukhang wala talaga akong makukuhang mga kasagutan mula rito at kahit sa iba pa ay imposibleng may makuha akong kahit katiting na karagdagang impormasyon.

"Naiintindihan ko... Maraming salamat," nasabi ko na lamang.

Hindi ko alam kung anong klaseng impormasyon ang napakakritikal at ganito na lamang ang pagbabawal nilang sabihin sa akin ang lahat na may kaugnayan dito sa bundok.

Napaisip din ako. Ganito rin kaya ang Hari ng Koroteya noong siya'y napadpad dito? Anong impormasyon at sekreto ang bumabalot sa loob ng bundok na ito? Paano ang kalikasang magsabi sa akin ng mga katanungang nais ko nang masagot ng tuluyan?

Mukhang matatagalan ko pang malaman ang mga iyon.

"May isa pa akong nais sabihin, mahal na reyna." Madali akong napalingon sa matanda.

Halos hindi ko na namalayang malalim na pala ang aking iniisip at nakaligtaan kong narito pa pala siya't katabi ko.

"A-Ano po ba iyon?" tanong ko.

At katulad nga kanina'y mahiwaga muli siyang ngumiti sa akin.

"Ang apoy ay muling kakalat. Ang kalupaan ay mayayanig. At ang boses ay muling maririnig. At balang araw, ang puting liwanag ay magniningning kasabay ng pagbabalik," may ngiti nitong wika.

Parang isang parabula.

Nang hindi ako makaimik ay nagsalita muli siya. "Tandaan mo, kamahalan. Na ang huwad ay natatago ng katotohanan. At ang katotohanan ay natatago sa kasinungalingan."

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now