Kabanata 34: Gunita

16 1 0
                                    

Gunita

Sa hindi mabilang na pagkakataon, sa gitma ng lamig at tila paraisong tanawin buhat ng mga nahuhulog na niyebe, ngayon ko lang nadama ang totoong panahon ng taglamig.

Dahil sa tuwing dumarating ang ganitong panahon, tanging mga malulungkot na araw lamang ang aking naaalala. Kung dati'y nababalisa pa ako kung saan makakatulog nang mahimbing ngayon naman ay animo'y niyayakap na ang lamig dahil sa paglalakbay. 

Kung hindi dahil sa karwaheng kung saan kami lulan, makapal na kasuotan at talukbong, maaring maging kagaya na lamang ako sa mga katubigang nagyelo na. Ilang araw na ring hindi bumuhos ang niyebe pero may dala pa rin na hamig ang klima, kahapon lamang muli ang mga ito nahulog pababa mula sa kalangitan. Kung kaya't maingat ang pagpapatakbo ng aming karwahe.

Ngayong araw na ito ay mamalagi ako pansamantala sa tahanan ni Senyora Valleri. Magsisimula na ang kanyang 'pagtuturo'. Hindi ko maunawaan kung bakit biglaan na lamang ang kanyang pagsuhestiyon sa Hari tungkol rito.

Dinala ko rin ang aking punyal. Hindi maaring mawalay ito sa akin. Ito na lang ang alaalala ng aking Senyora, at nag-iisang bagay na siyang kinakapitan ko upang magpatuloy.

Maliban sa mga tunog na nagmumula sa mga gulong ng karwahe, mga pagtakbo ng kabayo sa gitna ng taglamig, katahimikan naman ang namamayani sa pagitan namin ni Senyora Valleri.

Ngayong kaming dalawa lamang ang naririto sa loob ng karwahe, hindi ko alam kung paano magsimula ng usapan sa kanya. Nagdadalawang-isip pa rin ako, may agam-agam.

At sa tuwing nakikita ko ang mukha niya, hindi ko maiwasang magunita ang isang taong nagpamulat at nagkupkop sa akin noong kailangan na kailangan ko nang tulong.

Idinaan ko na lang ang pasilip-silip sa labas kahit ang tanging nakikita ko lamang ay mga nagtatayugang puno na binabalutan ng mga puting niyebe upang mataigo ang emosyon.

"Nakakaaliw pagmasdan ang niyebe hindi ba? Subalit sa paglipas nang panahon ay hindi malayong nagdadala ito ng panganib."

Napasulyap ako sa Senyora na katulad ko'y nakasilip din sa bintana ng karwahe. Hindi ko inaasahang siya ang magsisimula at babasag sa nakakabinging katahimikan sa pagitan naming dalawa.

"Siya nga, Senyora Valleri. Maganda, nakakaaliw sa mga mata, ngunit lubos na nakakapanakit..." Bahagya akong natawa dahil lahat ay may katotohanan. "Mapanganib nga," pagsang-ayon ko.

Muli kong tumingin sa labas. Hindi maiwasang isipin kung sa lahat ba nang magagandang bagay, pangyayari o kaya'y pagkakataon, may kaakibat din kaya itong panganib, o 'di kaya't lungkot na nakatago lang sa magandang panlabas na anyo nito?

Parang katulad na lang sa bayang sinilangan ko, kung saan ako unang nagmula, nagkaisip at ngayo'y iniwanan ko.

Bayang kay giting sa paningin ng iba mula sa labas ngunit may nakatagong kabulukan sa loob nito.

Bayang nababalutan ng ginto, ngunit ang totoo'y isa lamang huwad na anyo na mula sa kinakalawang na bakal.

At bayang inaakala ng nakakarami na matuwid, lingid sa kaalaman ng lahat na ang lupang pinagmulan ko ay napuno na ng mga naliligaw, hindi na makabalik, at tuluyan ng nawala.

Walang makakapagsabi kung kailan magbabalik sa dating katayuan ang lahat, o kailangan na nga ba talaga ng pagbabago. Hindi pa masukat kung gaano katagal ang hihintayin upang maglaho ang lahat ng negatibo at kabulukan sa bayang iyon.

Basta't ito lamang ang sa ngayon ay nasisigurado ko. Babalik ako. Babalik ako upang dalhin ang liwanag sa kadilimang nagpapahirap sa kanila.

Alam kong hindi madali ang bawat proseso, ang paraan upang makamit ang mithiin ko. Pero hindi ako tumatalikod sa pagsubok at sa hamon. Para sa ipinangako ko. Hindi lamang sa namayapang Hari at Reyna, kun'di pati na rin sa sarili ko.

Kapagkuwan ay napakurap na lamang ako sa bahagyang pagtawa ni Senyora Valleri. Nalaman ko na lang na matagal na pala akong nakatulala dahil sa lalim ng aking iniisip.

Nahihiya naman ako yumuko sa kanya bilang paumanhin.

"Gaano ba kalalim ang iyong iniisip upang matulala ka nang ganyan?"

"Paumanhin, Senyora..." Napangiwi kong sabi. "Hindi ko lang namalayan."

Marahan na umiling ang Senyora, ipinapahiwatig na huwag akong mag-alala.

"Hindi na kailangan, dahil lahat naman tayo ay may iniisip. Mga problema, para sa sarili, para sa iba at higit sa lahat mga plano para sa hinaharap. Lalo na't hindi natin mapipigilan ang sarili sa ganoong sitwasyon," mahabang litanya niya.

Tumango na lamang ako. Hindi maiikumparang may pagkakapareho sila ni Senyora Varrella pagdating sa pagpapaliwanag at salita.

"Maari ko bang malaman?" Bumaling sa akin ang atensyon niya. Kanina ko pa gustong malaman ang dahilan ng pagsuhestiyon niya sa Hari.

"Ang tungkol ba sa sinabi ko sa Hari o ang plano kong pagpapalawig ng iyong kakayahang pandigma?"
Marahan akong tumango sa kanya.

"Alin man sa dalawa. Hindi ko lang maintindihan kung bakit. Nakakagulat lang dahil kayo'y isang dating guro ng isang Haring namumuno rito at naisipan niyo pang gawin ito," litanya ko.

Gunuhit naman ang kanyang ngiti matapos magpakawala ng mahabang paghinga. Ang mga mata ay nakatuon sa akin. May emosyong gustong kumawala pero pinipigilan niyang manaig.

"Mayroon lamang akong naalala. Katulad mo siya, pareho ng pananaw at pangarap," may pangungulila niyang sabi. May lungkot sa likod ng kanyang tono.

"Pero ang pinagkaiba nga lang ay ang dahilan ng pag-iwan niyo sa inyong bayang sinilangan. Sa kanya naman ay iniwan niya ang kanyang pinagmulan, ang sinumpaang tungkulin, at lahat... para lamang sa pag-ibig... Para sa taong dulot ay sakit lamang sa kanya." Pagpapatuloy niya.

Nakikinig lamang ako sa mga sinabi niya. Ang tono ng boses ay may halong lungkot, pangungulila, pagkasayang at may pagkakataong siya'y bumabalik sa nakaraan ng kanyang gunita.

Nais ko sanang kumpirmahin kung ang taong naiisip ko'y ang taong tinuturan niya.

"Kung ga'yun ay... hindi niyo na po ba siya nakita, o nasulyapan muli kahit isang beses lang?" tanong ko. Gusto ko ring malaman ang hanggang saan ang hinantungan ng taong inaalala ni Senyora Valleri.

Nagpakawala siya muli ng mahabang paghinga, tipid na ngumiti at naiiling na lang.

"Isang beses," aniya. Itinutok ko naman ang sariling atensyon doon. "Isa lamang iyong sulyap. Hindi niya iyon alam. Ang huli'y kasama niya ang lalaking iyon ngunit sa tingin ko'y ang tagpo nila'y hindi payapa katulad nang iniisip ko noon."

Kapagkuwan ay nawala na ang mga ngiting ni Senyora Valleri. Unti-unti iyong naglaho, napalitan ng emosyong katulad ng kay Senyora Varrella nung siya'y mag-isa. Palaging tulala, may laging iniisip at may malungkot na mga mata.

"Senyora Valleri? Ano ba ang nangyari?"

Ilang saglit ay natigilan naman si Senyora Valleri. Napatingin siya at napaisip. Parang pinagsisihan ang kanyang ibinahaging kwento tungkol sa taong iyon.

"P-Paumanhin... Marami na pala ang aking nasabi. Iyo na lamang kalimutan ang aking mga sinabi. Ako'y nadala lamang sa sitwasyon."

Nalaglag naman ang balikat ko sa winika ni Senyora Valleri. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon.

Naguguluhan pa rin ako. Mga katanungang siguradong hindi madaling sagutin. Ano nga kaya nag dahilan ng Senyora na tumigil? Ano kaya ang nangyari sa gunita ng nakaraang pilit niyang ikinukubli?

The Dove of The Lost LandsUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum