Kabanata 12: Paglisan

26 1 0
                                    

Paglisan

Madali lamang natapos ang seremonya para sa kasal. Hindi ko nga alam kung kasal ba talaga ang nangyari. Sa isang simpleng simbahan ng Ladare ginanap ang seremonya. Isang pari, ang kanang-kamay niyang si Harrion, at ang ilang serbidora ang naging amin saksi. At dahil nagmula ako sa mababang uri, ang Hari na ang nag-alay para sa seremonya.

Isang tradisyon na ng mga taga-Ladare kapag may ikinakasal ang magbigay ng dowry o alay para sa kanyang mapapangasawa. Maaring pera, hayop o mamahaling bagay. Katulad ng binigay sa akin ng malamig na Hari.

Binigyan ako ng Hari ng isang kwentas, gawa sa ginto ang mahabang tali nito, habang ang pinaka-ornamento ay ang makintab na jade na hugis luha.

Masyadong simple ang seremonya at hindi ko naman iyon iniinda. Inaasahan ko naman na magiging ganoon ang kahihinatnan dahil nakikita naman sa ugali niya. At isa pa, ang kasal namin ay isang palabas lamang, para rin lamang iyon sa pansarili naming intensyon. Mga plano para sa mga bagay na nais naming makamtan at gawin sa pamamagitan ng isa't-isa.

Mula nga sa kanyang mga salita. Naggagamitan lamang kami.

Hindi na rin ako nagtaka pa nang sumapit ang gabi. Narito muli kami sa bahay panuluyan. Bumalik kami upang maghanda para bukas. Kailangan na raw namin umalis dahil naisakatuparan naman ng Haring iyon ang kanyang sadya sa Ladare.

Ang makahanap ng nararapat na babae—mapababang uri man o isa sa mga Maharlika—upang maging kanyang asawa para sa imahe niya at sa kanyang iniingatang Emperyo.

Si Harrion na rin ang nagsabi sa akin tungkol sa paglalakbay bukas. Hindi man lang ako sinabihan ng antipatikong Haring iyon, basta na lamang ito nag-una sa silid nito.

Laki ang ipinagpasalamat ko na hindi na rin namin kailangan gawin ang kaugalian matapos ang kasal.

Napailing ako at halos yakapin ko ang sarili sa matinding pag-ayaw. Magkagulo na ang lahat, hindi ko ibibigay ang puri ko sa isang Haring katulad niya. Hinding-hindi.

"Nakakalungkot naman, Mahal na Reyna..." nakangusong untag ni Dera, habang tinutulungan niya ako sa aking mga dadalhin.

Hindi naman iyon masyadong marami. Ang Hari ang nagbigay raw ng mga iyon sa akin. Si Dera naman ang siyang nagdadala ng mga bago at magarbong kasuotan patungo sa rito sa silid. Dahil walang-wala ako, tanging punyal at sarili ko lang ang dala ko bago pa ang matagpuan ng Hari.

Kunot-noong tiningnan ko naman si Dera.

"Mahal na Reyna?" naguguluhang tanong ko.

Tumango naman si Dera. "Ga'yun nga, Mahal na Reyna. Iyan na ang itatawag sa inyo magmula ngayon dahil asawa na kayo ng Mahal na Hari."

Napairap ako sa narinig kong salita. Mag-asawa? Gusto kong masuka. Halos kilabutan ako ngunit kailangan kong magtiis. Lalo na ang tawag na iyon. Siguradong hindi lang si Dera ang tatawag sa akin ng ganoon. Kailangan kong ihanda ang sarili kung magkagayun.

"Mas gusto ko pa rin na tawagin mo akong binibini. Isa pa, hindi ko pa yata makakayanan na tawagin ako sa gan'yan."

"Po? Pero..." nag-aalinlangan wika niya.

"Kahit ikaw na lang, Dera, ang tumawag sa akin ng binibini," wika ko. "Bakit hindi mo na lang ako tawagin sa pangalan ko?" suhestiyon ko pa.

Napaawang pa ang mga labi niya at kaagad na yumuko.

"I-Isang karangalan na po sa akin na makasama ko kayo! Ngunit ang tawagin ko kayo sa inyong sariling pangalan ay—!" medyo natatarantang wika niya.

"Kung ganoon ay binibini na lang ang itawag mo sa akin. Mas komportable ako roon," may ngiti kong sambit. "Maari ba? Isa pa't hindi naman talaga ako nagmula sa angkan ng mga Maharlika para bigyan ako ng lubos na pagrespeto."

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now