Kabanata 46: Sa Ilalim ng Lawa

10 0 0
                                    

Sa Ilalim ng Lawa

Mga puno'y kay luntian. Bagay na kabaliktaran sa aking unang pagpasok ko rito sa bundok. Tubig na kay linaw, lumalagaslas kasabay ng iilang mga bulaklak at dahon na nahulog mula sa mga punong pinagmulan. At ang repleksyon ng buwan sa malinaw na lawa ay nagdaragdag ganda at nagbigay ng kalmadong pakiramdam sa gitna ng gabing walang kasiguraduhan.

Hindi ko na mabilang ang ginawang pagbuntong-hininga habang nakatingala at nakatanaw sa kalangitang may pinta ng itim at ang buwan na may naghahalong kulay abo at puti na siyang sentro ng sining.

Pumikit ako ng taimtim habang dinaramdam ang lamig na bumabalot sa aking kahubdan. Hanggang sa unti-unting linubog ko ang sarili sa ilalim. Hindi ko mapunto ang nararamdaman sapagkat hindi naman inaasahang ganito ang magiging sitwasyon ko.

Nagsimula lang naman ang lahat ng ito sa usapan ng Hari at ng Senyora. Sunod ay mga pagsubok na kailangan kong magawa at makompleto. At habang nasa kalagitnaan ng pagsubok, hindi lang pangalan ng bundok na ito ang nalaman kun'di naranasan na rin ang mga hiwaga't misteryong nakapalibot sa bundok.

At mukhang hindi lang ang kwento nito ang nagpukaw sa aking naguguluhang isip, maging ang nasa loob ng bundok ay may mga nakatago pang misteryo at sikretong naghihintay lamang na tuklasin.

At ngayon nga'y nakakasigurado kong hindi lang ang mga nakita at nakasalamuha ko ngayon sa bundok ang sasalubong sa akin. Mayroon pang ibang makahihigit. Mayroon pang mas hindi inaasahan.

Tahimik. Pakiramdam ko'y ako ay nakalutang. At sa halip na mangamba habang nilulubog ko ang sarili sa ilalim ng lawa, nakakamanghang kalmado lamang ang aking pakiramdam. Walang halong takot, at walang panganib.

Sa sandaling iyon ay iminulat ko ng dahan-dahan ang aking mga mata. Mula sa ilalim ay kita ang repleksyon at sinag na nagmumula sa buwan na nasa kalangitan.

Hindi ko mapigil ang aking pagngiti. Tila ba ang lahat na bumabagabag sa aking isip ay naglaho at napalitan ng kaluwalhatiang hindi ko maipaliwanag.

Aahon na sana ako upang mapagmasdan ang kagandahan ng lawa at ng paligid nito ngunit isang pagsinghap na lamang ang aking nagawa nang may pwersang pumigil sa akin hanggang sa hindi ko na nakayang makaahon sa ibabaw.

Sinubukan kong iangat ang sarili ngunit malakas ang pwersang humihila sa akin pababa. Ang kaninang kaluwalhatian ay napalitan ng pangamba subalit hindi rin iyon nagtagal.

Akala ko'y katapusan ko na sapagkat nasa ilalim ako ng lawa. Ngunit mahiwagang nakakahinga ako sa ilalim at ang pwersang kanina'y humahatak sa akin ay tila tinatawag ako.

"Yonahara..."

"Yonahara..."

Napalingon ako sa paligid. Hinahanap kung saan nagmumula ang tinig. Ngunit maliban sa repleksyon at sinag na mula sa buwan, at sa itim na paligid ng lawa, ay wala akong ibang nakikita.

"Yonahara..."

Banayad ang tinig niyon. At ngayon ko lang narinig. At siguradong kung sino man ang makarinig ng tinig niyon ay mabibighani sapagkat matamis, malumanay at tila umaawit.

Hanggang sa tinig ay papalapit na nang papalapit. Mula sa ilalim nang kawalan, unti-unting sumilip sa ilalim ng lawa ang maliwanag na kulay asul na lumalangoy papalapit sa kinaroroonan ko. Nagawa ko lamang ay mapatutok sa nagliliwanag na iyon, habang nanlalaki ang mga mata kong nakikita ang totoong anyo nito.

"Yonahara..."

Sa oras na ito'y nasa harapan ko na siya. Ang mga mata niya'y katulad ng kalangitan sa liwanag—kulay asul. Ang kanyang buhok naman ay kasing kulay ng pagbagsak ng niyebe, at ang kanyang itsura naman ay katulad ng lawa at sa mga nakapaligid dito—hindi maipaliwanag kung gaano ito kaganda.

Mayroon ding kakaibang gintong marka sa kanyang mukha. Parang mga luntiang halaman sa lawa at buwan na kalahating anyo lang ang nakikita.

Nang tinawag nito ang pangalan ko'y hindi iyon nagmula sa kanyang mga labi kun'di sa isip. Hindi pa nakakaahon mula sa gulat ang aking ekspresyon nang sandaling hinawakan ng mahiwagang nilalang na ito ang aking mukha.

Sa totoo'y gustuhin ko mang umahon ngunit ang pwersang nagpapahinto sa akin ay nagmumula sa kanya. Kung kaya't ang sarili'y tila bihag na niya.

Marahan itong ngumiti sa akin, umiling saka muling may sinabi sa pamamagitan ng aming mga isip.

"Hindi mo kailangang mangamba, Yonahara. Nandito ako upang bumati."

"Bumati? S-Sino ka ba?" tanong ko.

Marahan muli itong ngumiti saka lumangoy papunta sa aking likuran.

"Ikinagagalak kong nagawa mong makarating dito mula sa iyong mga nasaksihan at naranasan."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Mga parte iyon ng mga pagsubok," ani nito. "Hanga ako sa kabila nang panandaliang pagbihag sa'yo, ay nagawa mo pang makatakas at makalabas sa mga ilusyon."

Lumangoy muli ito at humarap sa akin. Nagbigay ito ng distansya ngunit naroon pa rin ang kanyang pagtitig.

"Ikaw ba ang gumawa ng mg ilusyon na iyon?"

Umiling ito. "Wala akong kakayahang gumawa ng ilusyon sa kalupaan, lalo na sa bundok. Siya lamang."

"Siya? Sinong siya?"

Subalit hindi ito sumagot. Sa halip ay nagbigay lamang ito ng bilin.

"Makikilala mo rin siya, mahal na reyna. Sa bundok na ito, siya lamang ang daan."

"Hindi kita maintindihan. Marami ang bumabagabag sa akin. Maraming tanong."

"At hindi ito ang tamang panahon."

"Pero..."

"Hindi pa sa ngayon. Hindi pa tama ang oras. Hindi ka pa handa, reyna ng Koroteya."

"Ngunit...!"

Marahan itong umiling muli at ngumiti. Saka ito lumangoy palayo.
Sinubukan kong habulin ito ngunit may pwersa pa ring pumipigil sa akin.

"Sandali! May nais pa akong sabihin! Sandali!"

"Ikinagagalak kong makilala ang reyna ng Koroteya. Kapag nasa tamang panahon, makikita mo muli ako. Hanggang sa muli, kamahalan," pamamaalam nito.

Hanggang sa hindi ko na ito nakita. At doon lang ako nakaahon. Habol-habol ang hininga. Naguguluhan pa sa nakita at sa usapan.

"Kamahalan." Napalingon ako sa tumawag sa akin.

"Calla." Siya rin ang babaeng una kong nakita sa lumang bahay.

"Naghihintay na sila sa inyo, kamahalan."

Tumango na lamang ako at tuluyang umahon sa lawa. At nang matapos kong ayusin ang aking kasuotan at takpan ang aking kahubdan, binigyan ko pa ng sandaling sulyap ang lawa. Sumulyap na rin ako kay Calla na ngayon ay naglalakad na pauna sa akin.

Kung anuman ang nangyari sa gabing ito, at kung anuman ang hiwagang naroon, may nalalaman din kaya ang mga taong ito tungkol dito?

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now