Kabanata 43: Pagbabalik sa Reyalidad

12 1 0
                                    

Pagbabalik sa Reyalidad

Kung katulad sa ilusyong pinanggalingan ay sakit ang naging katapusan. Hindi lamang niyon maihahalintulad ang pagbabalik sa reyalidad kung saan hindi lang salita ng sakit ang makakakapagpaliwanag sa mismong nararamdaman.

Mula sa isang ungol ng paghihirap ang umalpas sa aking mga labi, kahirapan ng paghinga dahil sa iniindang hapdi o hindi matukoy na kung doon lamang ba sa parte ng aking katawan ang may sugat o talagang kumalat sa aking buong sistema.

Malalalim at mabibigat na paghinga ang ginawa bago ako naglakas-loob na gumalaw mula sa kinasadlakan. Hindi ko na matukoy kung saan at ano ang eksaktong nararamdaman dahil sa pananakit ng buong katawan. Naipikit muli ang mga mata at tumulo ang mga luha nang kahit kaunting galaw ko'y naramdaman ko pa rin ang matinding sakit sa aking binti.

Napasandal ako sa nagsasangang punong kahoy. At natanaw ko ang kadiliman. Sa gitna ng walang kasiguraduhang landas sa loob ng kagubatan. Maliban sa liwanag ng buwan na pilit sumisilip mula sa ulap na nagkukubli, wala nang iba pang liwanag na maaring makapagturo pa sa akin ng tamang daan o gabay sa paroroonan.

Dumako rin ang tingin sa hindi kalayuan na mataas na bangin. Isang himala na lang talagang buhay pa ako ngayon mula sa pagkakahulog. Nagpakawala ako ng mahabang hininga.

Pagkakahulog? Hindi ko man lang nalaman na talagang nangyari nga iyon kung hindi lamang sa mga ilusyon... sa mga huwad na senaryo't sitwasyong ipinakita sa akin ay talagang nagawa akong mabihag.

Kung hindi dahil sa punyal... maaring...

Ang punyal...

Agad kong tiningnan ang kanang kamay. Napakurap-kurap nang makitang mahigpit pa pala ang pagkakahawak ko sa punyal. Kumpara sa ilusyong pinanggalingan ay wala na ang nagniningning na kulay puting liwanag at apoy nito. Naging isa na lamang itong ordinaryong sandata pero alam kong may mga misteryong nakapaloob dito.

Subalit, ngayong nakabalik na ako sa reyalidad. Hindi na ako sigurado sa kung ano pa ang mga naghihintay sa akin rito sa bundok Nilayen. Maaring mas sobra pa sa temptasyon at ilusyong ipinakita, ipinadama, at ipinaranas ng kung anumang nilalang na nakatagpo ko.

Nagtatagis ang ngipin mula sa sugat na natamo. Wala akong ideya kung paano ako makakaalis dito nang walang ganito muling konklusyon. Napahinga ako nang malalim ng ilang beses. Hinanda ang sarili sa susunod na gagawin. Dahan-dahan kong hinawakan ang nakausling kahoy na nakatusok sa aking binti. Bumaon ang matulis na katapusan niyon sa laman kung kaya't ramdam ko ang kirot at sakit na nagmula roon buhat ng mahulog ako sa bangin.

Marahil ay nakailang sabit ako sa mga matatayog na puno bago sa kalupaan kaya't hindi buhay ang tuluyang naging kapalit. Nagbilang ako hanggang lima bago ko biglaang hinugot ang nakabaong isang dangkal na kahoy sa binti.

"AHHH!" hindi ko mapigilang sigaw ko.

Sumabay din ang pag-agos ng luha at hagulhol pero tinatagan ko ang sarili ko. Mula sa pinunit na tela sa laylayan ng aking kasuotan, makapigil hiningang binalutan ko ang aking binti upang matigil ang pagdurugo.

Dahan-dahan din akong umayos ng upo at sumandal sa punong tingin ko'y napakatanda na mula sa itsura pa lang nito. Isinilid ko ang punyal sa lalagyanan na nasa aking bewang. Kapagkuwan ay luminga-linga ako sa paligid. Nakahinga naman ako ng maluwag nang matanaw sa 'di kalayuan ang dalang gamit at ang gintong sinulid. Malaki ang ipinagpapasalamat kong sa wakas ay nagpakita na ang buwan mula sa pagkukubli nito sa mga ulap.

Kahit papaano'y natutulungan ako nitong bawasan ang takot, at mga inaalala ko sa gitna ng misteryoso at walang katiyakang bundok na ito.

At napawi rin ang kanina'y ngiti nang mapagtantong hindi ko lang basta-basta makukuha ang mga gamit dahil na rin sa aking kalagayan. Nilibot ko muli ang tingin at ilang metro lang ang layo ng isang mahabang kahoy mula sa kinaroroonan ko. Maingat akong gumalaw upang maabot iyon.

At nang tuluyan kong makuha ang mahabang kahoy ay kinuha ko rin gamit iyon ang mga gamit at ang gintong sinulid. Agad kong niyakap ang mga iyon sa takot na mawalay muli iyon sa akin. Lalo na ang gintong sinulid.

Mula sa mahigpit na pagkakayakap ay isang alulong ang narinig. Agad akong nagpalinga sa harapan. Mula sa madilim at kakahuyan nagmula. Agad akong kinuha ang mahiwagang lampara sa loob ng lalagyanan na bigay ng Senyora Valleri.

Inangat ko ang mahiwagang lampara at itinapat sa sinag na nagmumula sa buwan. Dahilan upang magkaroon iyon ng liwanag na maihahalintulad sa mga ordinaryong lampara na ang gamit ay apoy. Ngunit imbis na kahel at dilaw na karaniwang kulay ng liwanag, kumakalat ang kulay ng buwan sa paligid ko. Wala naman itong pinagkaiba sa karaniwang itsura ng lampara.

Napahawak ako nang mahigpit sa hawakan ng mahiwagang lampara nang muling marinig ang alulong. Kung sa pandinig ng iba'y isa iyong alulong ng isang mabangis na lobo, ngunit isa rin sa mga bilin ng Senyora Valleri mga tinig iyon ng mga nilalang na nagkukubli sa dilim at anino ng bundok.

At isa pang paalala mula sa nasabing bilin. Mas hihilingin mo pang makulong sa ilusyon kaysa sa makita ng harapan ang totoo nilang katangian kapag nakabalik ka na sa reyalidad. At nang kasabay sa mga alulong na iyon ay mula sa dilim tumama ang sinag sa kanila. Mga aninong nagpapakita ng kanilang anyo. At isa rin sa mga hindi maaring magawa kung sakaling magpakita ang karaniwan nila... katulad ngayon.

Iyon ay ang huwag na huwag sasagot sa mga tawag nila. Lalo na kung ang tatawagin nila ay ang iyong pangalan.

"Yonahara..."

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now