Kabanata 19: Bago ang lahat

16 1 0
                                    

Bago ang lahat

"May sinabi ka ba kay Valleri?" Iyon ang aking narinig mula sa kanya.

Lihim na iniwas ko ang mga mata kahit nakatalikod ako sa Hari. Alam ko kung ano ang magiging kahihinatnan sa pagitan namin kapag sinabi ko ang tungkol sa kung anong dahilan ng pagkalungkot ng kanyang guro.

"Wala. Nagkwentuhan lamang kami," pagsisinungaling ko.

Patawad.

Sabi ng aking isip para sa kanyang guro. At para na rin sa kanya, dahilan niyon ay ayaw kong magkaroon pa ng kung anumang pagdedebate sa pagitan namin.

Kataka-taka ring hindi siya nagsalita pa o nagkomento man lang sa aking sagot.

Alam kong may darating na araw na may kapalit na hindi maganda, pero sa ngayon... pagod ang aking puso at isip para lang sa hindi pagkakaintindihan naming dalawa.

Naramdaman ko naman ang kaginhawaan nang marinig ko na lang ang pagsarado ng pintuan ng silid. Wala na ang Hari. Talagang wala talaga itong pakealam. Subalit sa tingin ko naman ay ayos na rin.

Ipinagpasalamat ko rin na muli akong naiwan mag-isa. Hindi ko pa alam kung anong magiging kahihinatnan ng lahat kapag nagkasama kami sa iisang silid. Marahil ay hindi lang debate ang mamagitan sa amin.

Sa mga nagdaang araw ay iginugol ko ang aking oras sa pag-aaral kung paano magsulat at magbasa. Hindi pa ako masyadong bihasa pero sa tulong na rin ng nagbabantay sa silid aklatan ay masasabi kong nagagawa ko nang basahin at unawain ang ibang mga salitang hindi ko pa alam noon.

"Labis akong natutuwa, binibini," nangingiting sabi ni Dera.

Nasa silid kami ng aming silid ng Hari. Inaayusan niya ako at sa 'di malamang kadahilanan ay masaya ang aking lingkod at kaibigan.

"At ano naman ang rason ng iyong mga ngiti, Dera?"

Narinig ko pa ang bahagyang pag-alpas ng pagtawa niya bago ako sagutin.

"Hindi niyo ba nababalitaan ang mga sabi-sabi sa loob at labas ng palasyo, binibini?" Napaisip ako sa sinabi niya at napailing.

Masyado siguro akong nahumaling sa pag-aaral kaya't wala akong ideya tungkol sa sinasabi ni Dera.

"Ano bang meron ngayon?"

Kapagkuwan naman ay hinawakan naman niya ang parehong kamay ko na bahagyang ikinagulat ko.

"May mangyayaring pagdiriwang mamaya. Sa aking nalaman ay kasali rin ang ibang mga Maharlika mula sa buong nasasakupan ng Koroteya."

Sa tinuran niya'y doon ako naging interesado. "Pagdiriwang? Para saan naman?"

Binigyan naman ako nang nakakalitong tingin ni Dera. "Hindi niyo ba alam na kaarawan ngayon ng Mahal na Hari?"

Doon ako napipilan. Wala akong alam tungkol doon. Sa totoong relasyon ba naman namin ngayon ay hindi ko na inaasahan na magagawa niya pang sabihin sa akin ang tungkol sa personal niyang buhay. Inayos ko na lang ang pagkakaupo sa harapan ng salamin.

Isa pa't kung maraming mga Maharlika ang dadalo, paano na lang kapag nagkamali ako? Maririnig ko ba muli ang panlilit ng Hari sa akin? Kung sana'y ayos lang na hindi ako dumalo ngunit dahil taglay at dala-dala ko sa aking mga balikat ang pagiging Reyna. Halos wala akong magawa.

At hindi ko rin naman aakalain na hahantong sa ganoong sitwasyon ang lahat. Sa dinami-rami ng aking masasaksihan ay iyon pa mula sa malamig na Hari.

Isang engrandeng pagdiriwang sa loob ng palasyo. Ilang minuto na ba ang nagdaan simula nung ako'y ipinilit na papuntahin rito? Hindi ko rin nakikilala kung sinu-sino ang mga Maharlikang dumarating at patuloy na bumabati sa Hari.

Ako naman ay napili kong dumistansya mula sa kanila. Sa tingin ko naman ay kaya na iyon ng Hari pero nang makita ko ang pagtingin nito sa akin at ang paglapit nito'y natigil ang aking planong pag-alis.

"Maari bang bigyan niyo muna kami ng oras ng aking Reyna?"

Taas-kilay ako nang marinig ang ganung tono mula sa kanya. Seryoso, malalim pero marahan. Kaagad din naman pinaburan ang hiling ng aking katabing Hari. Palibhasa ay ang iba sa kanila ay talagang magaganda.

Nang kami na lang dalawa ay napabuntong-hininga naman ito. Tila may naamoy akong kakaiba. Amoy alak. At nang tingnan ko nga ay medyo namumula ang kanyang mukha hanggang leeg.

"Ayos ka lang ba?" tanong ko sa kanya.

Wala namang imik ang Hari. Sa halip ay bumaling ito sa akin. Nakakapagtakang malaambot ang mga mata nito sa akin hindi ang palagi nitong panliliit na tingin.

Kapagkuwan ay napaatras ako nang siya'y nagsimulang lumapit. Ang tingin naman niya'y nakatuon lamang sa akin. Ano bang nangyayari sa kanya? Samantalang kahit tapunan lang niya ako ng tingin ay tila ayaw na ayaw pa niya.

Suminghap naman ako ng bigla niyang hapitin ang bewang ko. Dahilan upang magdikit ang katawan namin at madama ko ang pagiging matikas niya.

Subalit...

"Ano bang nangyayari sa'yo, Kamahalan? Hindi ka naman ganito, ah?" Sinusubukan kong magpumiglas ngunit hindi niya ako pinapakawalan.

"I can't hold it in..." aniya sa boses na namamaos at tila wala siya sa sarili.

Saglit na umawang ang aking mga labi na sa wakas ay may naintindihan ako sa mga salitang ginagamit nila dahil sa aking pagpupursige sa silid aklatan. Ngunit dahil din doon ay hindi ako makapaniwala sa sinabi ng Hari.

Mas nanigas ako't napatitig sa mukha ng Hari na ngayon ay hawak na ang aking pisngi. Paulit-ulit na sinasabi na hindi na niya kaya habang  nakatutok ang kanyang mga mata sa akin.

"Kung anuman iyan ay bitiwan mo na ako."

Sinubukan ko pa ring kumawala sa kanya. Subalit ang malamig na Hari ay may iba pa palang gagawin. Halos hindi ako makagalaw o makapag-isip man lang.

Dahil ang malamig na Hari ay wala sa sariling hinagkan ako.

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now