Kabanata 39: Ang Bundok Nilayen

16 1 0
                                    

Ang Bundok Nilayen

Walang makikitang araw sa buong kapaligiran. Tanging ang nagkukumpulang mga kulay abong ulap, at paunti-unting paghulog ng mga niyebe sa mga punong luntian lamang ang unang nasilayan mula pa kaninang umakyat ang araw hanggang sa kami'y nasa loob ngayon ng karwahe.

Samut-sari ang pakiramdam. Naroon ang pag-aalinlangan, pag-aabang at ang kagustuhang matuto. Napasulyap ako kay Senyora Valleri. Nakatuon ang kanyang mga mata sa labas, malalim ang iniisip. Hindi ko makuhang magtanong sa kanya.

Basta na lamang niya akong binilinan na mayroon kaming pupuntahan, sinabihan pa niya ako na kailangan kong maghanda ng mga gamit. Mga kalahating minuto pa ang nagdaan, tumigil ang aming sinasakyang karwahe sa isang paarkong daanan. Bumaba kami at tiningnan kung saan kami tumigil.

Mula rito ay makikita ang kahoy na tulay. Hindi iyon kalayuan kung titingnan ngunit hindi rin natitiyak sapagkat sa katapusan niyon ay ang kumakalat na hamog. Sa ilalim ng tulay ay sapa, luntian ang kulay niyon. At sa ang huling destinasyon, makikita ang malaking bundok na tinatakpan din ng hamog.

"Anong lugar 'to, Senyora Valleri?" walang kaalaman kong tanong.

Sumulyap ako sa katabing Senyora. Deretso ang kanyang tingin roon. Maamo man ang kanyang mukha nakikitaan din iyon ng seryosong awra at tensyon.

"Nasa lugar tayo para sa iyong pangalawang pagsubok," maya-mata'y aniya.

Agad akong dinalaw ng kutob. Inaasahan ko na darating ang pangalawang pagsubok ngunit hindi ito ang inaasahan kong proseso.

Nag-iwan si Senyora Valleri ng ilang saglit pang sulyap sa destinasyon bago siya bumaling sa akin. Kapagkuwan ay may kinuha siya mula sa loob ng kanyang balabal.

Isang rolyo ng gintong sinulid. Manipis pero matibay. Nagniningning iyon at may kung anong hiwaga ang naroroon. Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Mula sa ekspresyon ko'y alam na niya ang ibig kong ipahiwatig.

"Ang gintong sinulid ay siyang magiging iyong gabay papasok at pabalik. Bago sa'yo'y may mga tao nang sumubok pasukin ang Bundok ng Nilayen. Ngunit iilan pa lamang ang nagawang makabalik," paliwanag niya.

Hindi ko matukoy kung nais ba nang Senyorang mairaos ko ang pagsubok o takutin ako sa lugar na papasukin ko. Dumako ang aking tingin sa nasabing bundok. Dagdag pa ng Senyora, ito raw ay ang bundok ng ilusyon at temptasyon.

Noong unang panahon ay bundok raw ito ng pangninilay-nilay ng mga taong nagkasala at nais na kumawala sa kanilang mga posas ng nakaraan. Ngunit isang insidente ang nagpabago sa bundok maging ang kung ano man ang bumabalot rito.

Walang sinuman ang nakakaalam sa pinagmulan ng misteryong nakapaloob dito. Ngunit bilin ng mga ilang naunang pumasok at nakabalik. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagpasok dito. Maliban na lamang kung ikaw ay may gabay. Subalit lahat ay wala pa rin kasiguraduhan sa mga mangyayari.

Ganito pa lang ang sinasabi ng Senyora ngunit iba na ang kabang dumadapo sa akin. Pilit ko mang iwaksi ang mga negatibong pag-iisip ngunit hindi ko rin mapigilan ang mga baka sakali.

"Handa na ba ang armas mo? Ang mga gamit? Ang gintong sinulid?" muling sunud-sunod na tanong ng Senyora.

Kaagad kong humawak sa kanya. Nagkatitigan kami at alam kong ramdam niya ang tensyong nararamdaman ko.

"Kailan po ba talagang..." Napatingin ako sa bundok. Napasinghap ako't hinabol ang hininga bago bumaling muli sa Senyora. "Hindi ba't nasabi niyo rin na ito'y napakadelikado?" nanghihina kong sabi.

"Patuloy kang paglalaruan ng takot kung iyan ang laging isinasaisip mo," marahan pero mariin niyang sabi. "Isa pa't sa kabila nang lahat ng mga sabi-sabi sa bundok, nanggaling na rin dito ang pinakamagiting na pinunong ngayo'y naghahari rito."

Napakurap ako sa tinuran ni Senyora Valleri. Tama ba ang aking narinig?

"Ang magiting na Hari..."

"Siya ay sinanay ko rin dito." Tipid at may patango-tango niyang sabi.

Sa lahat ng aking mga nalaman. Sa lugar, mula sa mga kwento at mga tao... isang katanungan ang kumawala sa aking labi.

"Ano ba talaga ang layunin ng aking pangalawang pagsubok?"

***

Hindi ko na mabilang ang paghugot ko sa aking hininga. Bagama't naroon lang ang Senyora Valleri sa labas ng arko, hindi pa rin ako mapanatag.

Tatlong araw. Tatlong araw ang kailangan ko para sa pangalawang pagsubok. Iyon ang kailangan ko bago ako bumalik. Pero naisip kong magagawa ko nga kayang makabalik ng buhay?

Mariin na pinilig ko ang aking ulo. Hindi ako dapat panghinaan ng loob. Lumingon ako sa pinanggalingan. Maliban sa pulang arko, hindi ko na nakikita pa ang Senyora. Nasa gitna na ako ng tulay. Natabunan na rin ng hamog ang arkong dinaanan ko.

Hinarap ko ang daraanan pa. Napakuyom ako't mariin na humawak sa gintong sinulid.

"Huwag mong hayaang talunin ka nang iyong kahinaan at takot. Tandaan mo, Yonahara. Ang bundok ay puno ng ilusyon at temptasyon. Sa oras na mawalay ka sa gabay ng gintong sinulid..." Mariin na nagbilin ng tingin sa akin ang Senyora bago niya ako tuluyang pakawalan.

Maari akong hindi makabalik. Maari akong mamatay. At kapag nangyari iyon... Mawawala lamang ang mga pinaghirapan ko at ang aking mithiin.

"Naintindihan ko, Senyora."

Narito na ako sa ilalim ng huling arko. At kapag humakbang pa ako, tuluyan na akong nasa bukana ng bundok. Pumikit ako't humugot ng isang mahaba at malalim na hininga. At nang magmulat. Itinatak ko sa isip kong makakabalik ako.

Kung nakaya ng Haring ngayon ay namumuno rito. Kailangan ko ring kayanin. Hindi. Makakaya ko.

"Hindi ka dapat panghinaan ng loob, Yonahara."

Hindi dapat.

Dahil ang pagsubok na ito at ang mga susunod pa ay simula pa lamang na aking unang yugto ng paglalakbay. Paglalakbay upang makamit ang aking muling ipinangako.

Lumingon ako sa pinanggalingan. Nawa'y maging maayos ang Senyora at ang pangalawang pagsubok na ito. At nawa'y magawa ko ang layunin nito. Nagpakawala ako ng mahabang hininga pero hindi na ako nanginginig pa sa pag-aagam-agam at takot. Buo na ang aking desisyon.

Hinarap ko muli ang lugar na walang katiyakan. Lugar kung saan ay hahamunin ang aking kalakasan ng isip at pisikal. Lugar kung saan ang lahat ay puro paninimbang sa tunay at ilusyon. Lugar na may napakamisteryosong kwento.

"Bundok ng ilusyon at temptasyon. Ano nga kaya ang naghihintay sa akin?"

The Dove of The Lost LandsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon