Kabanata 28: Hamon ng Dalawang Leon

30 1 0
                                    

Hamon ng Dalawang Leon

Abot langit ang aking kaba. Hindi lubos na sigurado ang magiging kahihinatnan ng aking gagawin. Narinig ko na lamang ang pagsarado ng pinto sa aking likuran. At mas lalo lamang nadagdagan ang nararamdamang kaba dahil sa katahimikan.

Nilibot ko ang paningin. Kumpara sa unang beses na pumarito ako'y mas maaliwalas, elegante ang loob ng silid. Napakahalimuyak ang amoy marahil ay nagmula sa mga kandilang nakasindi. Mayroong manipis na gintong kurtina rin ang nakasabit sa bawat bintana.

Hindi rin nakatakas sa mga mata ang parehong kurtina ngunit napapalibutan naman niyon ang malaking kama ng Hari. At mukhang hindi lang ang paligid ng silid-hari ang nakahanda.

Natuon ang tingin ko sa marahang ingay ng tubig. Maingat at mabagal naman akong naglakad patungo roon pero pinigilan ko rin ang sarili nang marinig din ang malalalim na hininga ng Hari.

Huminga ako ng malalim, lumunok at ilang ulit inaalala ang mga natutunan kanina. Subalit napagtanto ko ring ito ang kauna-unahan. Makikita ng Hari ang lahat. Pigil hininga akong tumalikod at muling pumikit.

Kung gagawin ko ito'y parang inialay ko na ang sarili. Hindi nga ba't sinugatan ko pa siya noon ng aking punyal dahil hindi ko nais ang ganitong bagay? Ngunit heto ako, parang ipinapain ang sarili sa isang misteryosong Leon. Walang ideya kung ako'y hahamakin ng kanyang pangil o kaya'y magiging maamo.

Nanginginig akong humakbang pabalik ngunit naudlot.

"Aatras ka ba? Tatayo ka lang ba riyan?" narinig ko mula sa paliguan.

Hindi ko man natatanaw ang Hari, hindi pa rin niyon nababawasan ang nadarama sa sandaling ito. Napakapit ako sa tela ng mahabang saya. Sumulyap ako sa paliguang nagtatago sa pader, kung saan naroon ang Mahal na Hari.

Kung hindi dahil ay may nakasalalay na tao at Emperyo, hindi ako magdadalawang isip na hindi tanggapin ang ganitong paraan. At kahit sa kabila man ng aking kaba, kung posible man ang pinag-usapan namin ni Senyora Valleri ay wala ako ngayon dito.

Naalala ko ang mga salitang pinag-usapan namin dalawa ni Senyora Valleri bago ako nito tuluyang pinakawalan dito. Ang isa sa mga dahilan ng pagpayag ko.

"Alam kong hindi madali sapagkat ang estado ng relasyon niyong dalawa ng Hari ay hindi abot ang ganitong sitwasyon. Subalit ito lang tanging paraan," turan niya.

"Siguradong kamumuhian ako ng Hari. Mataas ang kanyang dangal," mababang wika ko habang ang Senyora Valleri ay nag-aayos ng aking buhok.

"Ngunit maari ring maging daan upang mapabuti ang inyong samahan. Hindi man bilang kabiyak maaring kaagapay."

Hindi ko napigilang matawa sa tinuran niya. Imposible. Marahil kailangan pa namin tutukan ng punyal ang isa't-isa o kaya naman ay paulit-ulit niya akong maliitin bago mangyari iyon.

Tiningnan ako ng deretso ni Senyora Valleri.

"Gayumpaman, walang mawawala kung susubukan. Kilala ko si Haring Adem. Malamig man siya tulad ng yelo, tanawin man siya bilang isang lobo o leon, para sa Emperyo at sa mamamayan... lahat gagawin niya."

Napatitig ako sa kanya mula sa salita niya.

"At kung sakaling maging maayos na ang lahat. Inaasahan ko ang iyong presensya sa aking tahanan. Nais ko na tayo ay mag-usap," aniya saka tipid na ngumiti. Humiwalay siya't naglakad na palabas ng silid.

"Huwag kang mag-alala. Hindi ako aatras mahal na hari."

Humugot ako nang malalim na hininga bago tuluyang nilakasan ang kalooban. Nagsimulang humakbang ang sariling mga paa sa kinaroroonan ng Hari ng Koroteya. Hanggang ang pang-amoy ay hinarang ng naghahalong samyo ng kandila, rosas, langis at tubig sa paliguan kung saan naroon din ang Hari.

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now