Kabanata 40: Temptasyon

17 1 0
                                    

Temptasyon

Hindi ko mawari kung ilang oras na ba ang nagdaan simula nang ako'y pumasok sa bundok. Gamit ang gintong sinulid at ilang mga naunang gabay na may gintong sinulid din, na nakatali sa mga puno ay tuon ang atensyon kong sinusundan.

Tahimik ang kagubatan. Habang ang mga puno ay mayroong misteryosong presensya kasama ng katahimikan. Nilalabanan ang panghihinang maaring ilaban sa akin habang patuloy akong naglalakad sa landas, gabay ng mga gintong sinulid.

Dahil sa hamog ay hindi ko masyadong tanaw ang paroroonan. Habang pagtuloy ang paglalakad, isang kaluskos sa likuran ang nagpalingon sa akin. Isang pagsinghap ang aking ginawa upang ibalik sa normal ang paghinga.

"Tatagan mo ang iyong sarili, Yonahara. Hindi ka dapat magpadala sa takot," bilin ko sa aking sarili.

Nagpatuloy muli ako. Habang sinusundan ang mga nagdaang gabay, at paglalagay ng gintong sinulid sa dinaanan, kung kanina'y paminsan-minsan lamang ang mga naririnig na kaluskos ngayon naman ay maya't maya na ito nagpaparamdam sa akin.

Akin na lang binabalewala ang mga pagpaparamdam. Sapagka't isa sa mga bilin ng Senyora Valleri na huwag magpapalinlang sa mga kaluskos o anumang pagpaparamdam. Maari rin kasi itong paraan upang mailayo ang tao sa tunay nitong landas at layunin patungo sa mga huwad nitong ipinapakita.

Subalit ang inaakalang mga kaluskos lang ang magpaparamdam, mula sa pinanggalingan at sa hawak na gintong sinulid ay agresibo iyong gumalaw papunta sa akin. Kung kaya't  hindi na ako nakapag-isip ng sunod na gagawin.

Binilisan ko ang mga hakbang habang patuloy pa rin sa pagsunod sa mga gabay ng nagdaang gintong sinulid. Sumulyap ako sa likuran at makapigil hininga nang makita ang nagkukumpulang hamog na papunta sa akin. Ngunit nang maihakbang ko muli ang aking mga paa upang tumakbo, nanlaki na lang ang mata kong hindi na lupa ang sunod na daanan kundi bumulaga sa akin ang malalim na bangin.

Mabilis akong kumapit sa kalupaan gamit ang aking punyal. Matindi ang aking ginawang pagkapit upang maiangat ang sarili.

"Agrh!"

At nang magawang ialis ang sarili ko sa banta ng malalim na bangin, habol ang sariling hiningang napatingin sa hawak na gintong sinulid. Nanghina ako nang makitang naputol na ang karugtong niyon. Hindi ko na rin alam kung nasaan ang mga punong tinalian ko ng gintong sinulid dahil sa kumakapal na hamog.

Napatingin ako sa aking braso. Ngayon ko lang naramdaman ang hapdi dahil sa galos na natamo. Tiningnan ko rin ang mga gamit na dala. Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang maayos pa rin ang mga pagkain at ilang tela.

Kahit papaano'y hindi ako mag-aalala sa kung saan ako kukuha ng pagkain. Gamit ang tela ay ibinalot ko ang galos na nasa aking braso. Tumayo muli hawak ang gintong sinulid. At kahit hindi ako sigurado sa kung saan ang nagdaang mga gintong sinulid, nagpatuloy muli ako sa paglalakad.

Subalit hindi pa man ako tuluyang nakakalayo'y biglang nanghina na ang aking mga paa't hindi na makatayo. Nabitawan ko ang gintong sinulid at ang punyal. Unti-unti na ring nanlabo ang aking paningin sa hindi malamang kadahilanan.

"A-Anong... nangyayari?" nanghihina kong sabi pinipilit na manatiling gising.

Ngunit may nahihimigan akong boses. Hindi ko matukoy kung boses ng bata, babae, o kung anuman iyon. Ang masamyong boses nito'y tila idinuduyan ako. Hanggang tanging mga anino na lang ang aking huling nasilayan bago ako mawalan ng malay.

***

Mga matitinis na halakhak ang narinig ng aking tenga. Mula sa pagkakapikit ay napadilat ang aking mga mata. Subalit wala akong naabutang taong humahalakhak. Nilibot ko paningin. Pamilyar na tanawin ang aking nakita. Pamilyar na silid, pamilyar na kisame at maging ang hinihigaan.

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now