Kabanata 2: Pag-anyaya

39 1 0
                                    

Pag-anyaya

"Isa pa, tumayo ka!"

Narinig kong mariin na sabi ng Senyora. Ang mga mata ko'y papikit na, ang mga braso't kamay ko ay nanghihina na. Maging ang aking buong katawan ay bumigay na.

Umiling ako. At kahit na nanghihina na ay nagsalita ako.

"S-Senyora... H-Hindi ko na po kaya..."

Hindi ko lang lubos maisip ang dahilan nang lahat ng ito. Wala akong ideya sa pinagmulan at kung papaano ba 'to nagsimula. Ang naalala ko lang ay biglaan ang lahat.

Akala ko ay magtataas pa muli ng boses ang Senyora at ipagpapatuloy muli namin ang ginagawa sa halip ay nilagpasan lang ako nito't lumakad pabalik sa loob ng kanyang tahanan.

Hindi pa man tuluyang nakakapasok sa loob ay nagsalita si Senyora.

"Bukas ay ipagpapatuloy na'tin ang hindi natapos ngayon," aniya saka na nagpatuloy pumanhik sa loob.

Pawang may nag-alis na sa aking mabigat na dala-dala mula sa aking buong katawan. Hindi ko na alintana ang lupang kinahihigaan sapagkat ang aking buong lakas ay naubos na sa aming ginawa. Kahit na pagod na magmulat ang parehong mga mata, hindi nakatakas sa akin ang mahabang kahoy na kasing-tulad sa wangis ng isang espada.

Nagsimula ang lahat ng 'to n'ong bumisita ang lalaking taga-konseho. Dahil pagkaraan ng ilang linggo, paunti-unti'y binibigyan ako ng Senyora ng hindi pang-karaniwang utos.

Noong unang linggo, inutusan niya akong sumalok ng tubig mula sa balon malapit lamang sa kwadra. Ipina-puno niya sa akin ang kasing-tangkad kong lalagyanan.

Paulit-ulit niya iyong ipinagawa, araw-araw. N'ung una ay labis akong nahirapan hanggang sa nasanay na ang aking katawan.

Ngunit ang akala ko'y tapos na, nagsisimula pa lang pala. Sumapit ang sunod na linggo. Ipina-ukit niya sa akin ang espadang gawa mula sa kahoy. Sa una ay wala pa akong nalalaman sa kung ano ang rason niyon hanggang sumapit muli ang ikatlong linggo.

Natapos kong gawin ang lahat na ipinapagawa niya. Ang tumakbo mula sa bayan hanggang sa kanyang tahanan, at ang mga iba pang pang-pisikalan.

Sa una'y inaakala kong gusto lamang akong pahirapan ng Senyora. Sa isip ko'y tinatanong ko ang sarili kung mayroon ba akong nagawang hindi akma sa kagustuhan niya.

Napagtanto ko na lamang n'ung naramdaman ko ang unang hampas mula sa espadang kahoy na hawak niya. Matiim ang mga mata ng Senyora na tumingin sa akin. Tagos hanggang sa kalooban ko ang talim at determinasyong matuto ako sa pinapagawa niya.

"Bumangon ka, Yonahara. Hindi nababagay sa mundong ito ang mahinang katulad mo. Kung patuloy kang magiging kaawa-awa, at kung pipiliin mong maging hangal katulad ng mga kagaya mong dukha, hindi ka nararapat na ikaw ay manatili pa rito."

Napakagat ako sa pang-ibabang labi. Humigpit ang pagkakahawak ko sa espadang kahoy sa kamay ko. Lahat ng salita ng Senyora ay may punto't katotohanan.

"Pigilan mo ang iyong luha! Hindi ako nagpapatira sa tahanan ko ng isang mahina!"

Pumikit ako't pinigilan ang dapat pigilan. Nagmulat ako't tiningnan sa mata ang Senyora. Katulad ko'y ibinalik niya lang ang deretsong tingin. Mata sa mata.

Nagpapahinga na ako sa aking tulugan sa kwadra. Hinang-hina sa pagsasanay na ginawa buong araw. Sa ngayon ay palaisipan pa rin sa akin ang aming ginagawa. Nito ko lang nalaman na magaling sa paghawak sa espada ang Senyora.

Habang tinuturuan niya ako n'on kung paano humawak ng espada, ipinakita niya muna sa akin ang kanyang estilo. At nang napagmasdan ko ang pawang sining ng kanyang pag-galaw ay namangha ako. Sa kung papaano siya kumilos, sa pino ng kanyang bawat kumpas, at sa obra-maestrang inakala kong siya'y sumasayaw sa entablado.

The Dove of The Lost LandsWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu