chapter seven

26 2 6
                                    

"Cathy, ang ganda ng boses niya! Grabe, naiiyak ako, para tuloy akong isang proud mama!" Nabalik ako sa sarili dahil sa tili at pagyugyog sa akin ni Jella. Nandito pa rin  kami, nakatayo sa unahan ng stage, may kumakanta at kami ay nakikinig lang.

What was it?

Was it a dream? Pero imposible naman na managinip ako dito sa gitna ng maraming tao. Hindi naman ako nakatulog.

Ano 'yon? Malakas ang pakiramdam ko na ako iyon pero, sino ang kasama ko? Blurd ang mukha namin pero tanda ko ang mga nangyari. May sinusundan ako at nadapa ako, nasugatan ang tuhod ko at may tumulong sa akin. Pilit kong inaalala ang mukha ng lalaki pero hindi ko talaga maalala.

I still look for your face in the crowd

Oh if you could see me now

Nagtama ang mata namin ni Adrianne nang inawit niya ang chorus ng kanta. Nakita kong para siyang natigilan at parang nakakita ng multo. At dahil sa malapit lang ang pwesto ko sa stage ay nakita ko ang malulungkot niyang mata at para bang anumang oras ay babagsak ang luha niya.

Kahit ako ay naiiyak at naaapektuhan sa mga nakikita kong ipinapakitang emosyon ng kaniyang mga mata.

Bumibigat ang dibdib ko at nahihirapan na naman akong huminga. Nilibot ko ang paningin sa mga taong nakikinig din, mga matatanda, mag-asawa, magkakaibigan at mga magkasintahan na mukhang masasaya habang pinapanood ang kumakanta sa unahan. Hindi ba nila nakikita ang malulungkot nitong mga mata? Ako lang ba ang nakakakita niyon?
Sa muli kong pagtingin sa stage ay kasabay ko ring nakita ang  pagtulo ng kaniyang mga luha, hindi ko na kaya. Gusto ko ng umalis dito, pakiramdam ko ay nasa loob ako ng isang kwarto na walang pintuan o bintana na pwedeng pasukan ng hangin. Umiikot ang paningin ko kasabay ng patuloy na pagbigat ng aking  dibdib.

Would you stand in disgrace or take a bow

Oh if you could see me now

Oh if you could see me now

Nataranta ako at walang ibang nasa isip kundi ang makaalis sa lugar na ito nang tumayo si Adrianne at natapos  siya sa kaniyang kinakanta. Kahit na walang matibay na basehan na baka pumunta siya dito ay natatakot ako sa hindi ko alam na dahilan.

Ayoko siyang makita! 'Yon ang nasa isip ko. Natatakot ako.

"More, More!" Rinig kong sigaw ng mga taong nanonood.

"Adrianne, kanta ka pa kahit isa lang!" Sigaw rin ng katabi kong si Jella.

Pinilit kong umalis sa pwesto ko, tumalikod ako at handa ng umalis ng may humawak sa braso ko. Ayokong lumingon, natatakot ako sa kung sino man ang bubungad sa akin paglingon ko. Pakiramdam ko ay tinakasan ako ng hangin, lalong lumakas ang tibok ng puso ko at ang panginginig ng tuhod ko. Ang mga luha rin sa mga mata ko ay nagbabadya na.

Malakas ang sigawan ng mga tao dahil sa pagrequest nila ng susunod pang kakantahin ni Adrianne pero pakiramdam ko ay nabingi ako, tanging ang malakas lang na pagkalabog ng puso ko ang naririnig ko. Mariin akong pumikit dahil hindi ko na alam ang gagawin ko, hihintayin ko na lang bang magsalita kung sino ang humawak sa akin? O higitin ko na lang kaya bigla ang braso ko at walang lingong tumakbo ng mabilis papalabas sa tumpukan dito?
"Saan ang punta mo, Cathy? Hindi pa tapos ang palabas, ano ka ba? baka uminom lang saglit si Adrianne." Napabuga ako ng malakas at humarap kay Jella, pilit ko siyang nginitian para hindi na siya mag-alala sa akin at hindi na maistorbo ang kaniyang panobood.  Pinakaayaw ko ay ang makakaistorbo ng mga tao, maliit na bagay lang naman 'tong nararanasan ko kompara sa ibang tao.

Baka kapag sinabi ko na nahihirapan akong huminga ay mag-aya agad na umuwi si Jella. Kahit naman na kaibigan niya at palaging kasama si Sandra ay masasabi kong mabait at maalalahanin talaga si Jella.

"Magpapahangin lang ako saglit at bibili ng inumin diyan sa may kanto," pilit ang ngiti kong sabi sa kaniya.

"May dala naman akong tubig, eto na lang ang inumin mo," pag-alok sa akin ni Jella sa dala niyang bottled mineral water.

"Hindi na, kailangan mo  'yan dito para hindi ka na umalis sa pwesto mo. Nakakapagod din ang pagsigaw na ginagawa mo, saka gusto ko rin ng malamig na inumin."

"Sige, balik ka na lang dito," ngumiti ako sa sinabi ni Jella at tumango kahit na wala na akong balak pang bumalik dito.

Akala ko ay mahihirapan ako sa paglabas dahil sa dami ng tao pero nagugulat na lang ako ng sila na mismo ang tumatabi para makadaan lang ako.

"Padaanin niyo ang buntis," Nahinto ako sa paghakbang at literal na nanlaki ang mata ko sa gulat dahil sa sinigaw ng isang ginang. Yumuko ako at mabilis na ipinagpatuloy ang paglalakad papalabas sa plaza dahil sa kahihiyan. Mababaliw na talaga ako ngayon, kanina lamang ay masakit ang dibdib ko at ngayon naman ay hindi ko alam kung maiinis ba o matatawa dahil sa mga kabaliwan na pinagsasabi ni Jella kanina.
Mabilis lang akong nakalayo at nakalabas sa tumpukan sa plaza at dumiretso  sa isang tindahan ng mga street food. Kumuha ako ng isang plastic cup at nagsimulang magtusok ng fishball at kikiam. Halagang bente lang ang binili ko at kumuha rin ng isang bottled mineral.

"Galing ka ba diyan sa tumpukan ng mga tao, hija?" Ngumiti ako at tumango sa sinabi ng ginang na siyang nagtitinda ng mga street food.

"Opo, may kasama po ako pero nasa loob pa sila, lumabas lang ako para magpahangin at kumain," magalang kong sagot dito.

"Napakaganda ng boses meron ang lalaking iyan ngunit tila may malalim na pinagdadaanan. Makikita mo iyon sa kaniyang mga mata sa tuwing kumakanta siya at kung ngingiti naman ay hindi umaabot sa kaniyang mga mata. Nawa ay malampasan niya ano man ang mga iyon. Nawa ay malampasan niyo iyon,"  mahabang lintaya ng ginang habang nakatingin ng diretso sa aking mga mata.

Nangilabot ako sa kaniyang sinabi. Bakit? Ano ba ang meron sa kaniyang mga mata? Hindi lang ako ang nakakakita ng malulungkot na mata ni Adrianne?

"Magkano po lahat?" Ang tangi kong nasabi. Hindi pinahalata sa ginang na lubos akong nagulat at naapektuhan sa kaniyang mga sinasabi.

"Trentay singko pesos lang lahat, hija." 

kumuha ako ng pera sa pitaka ng halaga kung magkano ang sinabi ng ginang. "Salamat po," umalis ako pagkatapos kong sabihin iyon at naghanap ng masasakyan pauwi sa aming bahay. Itetext ko na lang si Jella pag uwi ko sa bahay.

"Nawa ay malampasan niya iyon, Nawa ay malampasan niyo iyon." Ang salitang paulit-ulit na naririnig ko simula pa nang makarating ako dito sa bahay. Tulog na sila mama nang makarating ako kaya hindi na rin ako kumain, bukod sa nabusog ako sa kinain kong fishball at kikiam kanina ay wala rin akong gana. Ano ang ibig sabihin ng ginang at sinabi niyang 'yon o baka naman  namali lang ako ng pagkakaintindi?

Alas onse na at hindi pa rin ako makatulog, palipat-lipat ako ng pwesto sa higaan pero hindi ako dinadalaw ng antok! Para ng masasabog ang utak ko sa dami ng mga tanong na pumapasok sa isip ko. Kanina ko pa natext si Jella na nakauwi na ako at humingi ng sorry dahil hindi ko na sila nahintay pa at nag reply rin si Jella na isang kanta lang daw ang kinanta ni Adrianne ngayon.

Parte ba si Adrianne sa buhay ko noon? O tumatalon na lang ako kaagad sa konklusiyon. Wala namang nababanggit sila mama na may naiwan akong kaibigan sa Manila, wala rin namang tumatawag sa akin simula nang lumipat kami dito limang taon na ang nakakaraan.

Pinili ko na lang magpatugtog para kahit papaano ay makatulog ako ng bigla na lang pumasok sa isip ko ang nangyari kanina.

Ang strum ng gitara, ang malulungkot niyang mga mata at ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Maganda ang kaniyang boses at hindi ko masisisi si Jella kung bakit nito pinipiling manood muna sa plaza kesa ang umuwi sa kanila at magpahinga dahil sa maghapon naming gawa. Nakakadala ang pagkanta ni Adrianne, madadala ka sa kaniyang boses na para kang hinehele para patulugin, pero hindi sa kaso ko dahil sa halip na gumaan ang aking pakiramdam ay lalo itong bumigat at mas lalong maraming tanong ang pumapasok sa isip ko.

Hindi ko na alam. Ang gulo-gulo na ng isip ko. Gusto ko siyang tanungin pero ayoko naman siyang makita. Gusto kong titigan at memoryahin ang bawat parte ng kaniyang mukha pero may parte sa puso ko ang sumasakit kapag tinitingnan ko siya.  Sino ka ba talaga, Adrianne? Parte ka ba talaga ng buhay ko?

If You Could See Me Now (Completed)Where stories live. Discover now