Kabanata 28: Hamon ng Dalawang Leon

Start from the beginning
                                    

Tumapat ako sa malaking batyang kahoy. May mga gintong kurtina at ilang kristal na palamuti ang nakasabit, pinapalibutan niyon ang paliguan. Mula sa nakasaradong manipis na gintong kurtina ay tanaw ko ang Hari sa batyang kahoy na may tubig, naaamoy doon ang halimuyak ng rosas.

Kapagkuwan ay hinawi ko ang nakasaradong kurtina. Mas lalo ko lamang nakita ang itsura niya. Nakalugay ang kanyang abot hanggang balikat na kulay pilak na buhok. Basa iyon maging kanyang katawan na ang tanging nakikita ay hanggang sa kanyang sikmura.

Pinagmasdan ko pa ang Haring sa akin din ay nakatitig. Lihim akong napalunok at naikuyom ang kanang kamay. Bukod sa walang saplot na Hari, parang bumagal ang sandali nang ang tubig na ngayon ay lumalandas mula sa kanyang leeg, sa maskulado at mabalbon niyang dibdib, hanggang sa bumaba pa iyon sa sikmura at sa tubig.

Animo'y sinindihan ng anumang init ang parehong pisngi at napaiwas ng tingin.

"Sigurado ka na ba sa papasukin mo?" kapagkuwan ay tanong ng Hari.

Nabaling sa kanya ang aking tingin. Ganun pa rin siya, mapagmataas, seryoso at taas-noong deretso ang mga mata sa akin.

"Sasabihin ko na kaagad sa'yong hindi madali at maaring tumakbo ka lang palayo. Sigurado ka bang susuungin mo ang tahanan ng leon?"

Tinapatan ko ang pagtitig niya. Tulad ng kanya, tulad ng kung papaano niya ako ngayon tingnan.

"Hindi na ako aatras, Kamahalan. Kahit pa umatungal ang leon, hindi lamang ako isang pain na ihahain lang, kaya ko ring tapatan ang kanyang pangil," wika ko nang may kumpiyansa.

"Kahit ang dati kong guro ay isinali mo. Sa iyong tingin ba'y magkakaroon ako sa'yo ng utang na loob?"

Tipid na tumawa ako sa sinambit niya dahilan upang kumunot ang kanyang noo pero hindi ko iyon ininda.

"Alam na alam kong 'yan ang sasabihin mo, Kamahalan. Ang Senyora Valleri ang siyang pumunta rito. Nais niya lamang tumulong, dahil ang Hari sa harapan ko'y wala pa sa kanyang sarili."

"Are you making fun of me?" seryoso na niyang sabi.

Tipid na ngumisi ako sa kanya. Hindi ko lang lubos na maisip na maiksi pala ang pigsi ng Hari.

"Kung hindi mo nais magkaroon ng utang na loob, maari mong gamitin ang pinag-usapan natin noon sa Ladare." Mas sumeryoso pa ang itsura niya pero nagpatuloy pa rin ako.

"Hindi ba't iyon ang iyong sinabi? Gagamitin mo ko, kapalit ng kasal. Sa tingin mo ba'y ikaw lamang ang maaring gumamit? Hindi lamang ikaw, mahal na hari."

Ilang segundo ang palitan ng tingin naming dalawa. Sa katotohanan ay sa kabila ng pagsabi niyon, hindi ko maikakailang narito pa rin ang kaba. Hinihintay ko lang ang reaksyon ng Hari. At hindi naman ako makapaniwalang nagpakawala siya ng tawa, isang nanunuyang tawa na may parehong nanunuyang tingin.

May halong aliw at kutya ang mga mata niya sa akin nang magsalita siya.

"Kung iyan ang nais mo." Sumenyas siya gamit ang kanang kamay niya. "Bakit hindi mo ipakita sa harapan ko?"

Bahagyang nagtagis ang ngipin ko sa sinambit niya. Sinabayan pa niya ang pagtitig sa katawan kong nababalutan ng manipis na kasuotan. Naiiling itong may panlilit na tingin sa akin.

"Hinahamak mo lamang ang iyong sarili. Sa tingin mo ba'y hindi ko nahahalata ang iyong panginginig?"

Naikuyom ko ang parehong kamay dahil sa nararamdaman kong ito. Hindi dapat ako matakot. Hindi dapat ako mangamba. Sapagkat siya naman ang nakahain hindi ba? Ako naman ngayon ang leon.

"Inaaksaya mo lamang ang aking oras, Wala kang mapapala. Hindi ko kailangan ng tulong mo—"

"Kailangan mo, Kamahalan." Malalim na huminga ako.

Naglakas-loob akong igalaw ang mga kamay upang tanggalin ang laso. Kailangan kong sanayin ang sarili sa ganitong hamon. Mula sa panginginig ng mga kamay ko'y nagawa kong pakalmahin iyon. Inisip kong ang Hari mismong nasa harapan ko ang siyang may utang sa akin.

"Kailangan na kailangan mo ako," sambit ko nang magawa kong tanggalin ang laso.

Kasabay niyon ay ang pagkahulog ng aking kasuotan sa sahig, maging ang paglantad ng akin sa harapan ng Hari.
Lahat ay tanaw na niya, mula ulo hanggang paa maging ang aking simbolismo.

Nagsimula na rin akong lumusong sa batya na may tubig kung saan naroon din siya. Deretso pa rin akong tumitig sa kanya. Kung ganitong hamon ang ibibigay niya, kung ganoon ay tatapatan ko rin iyon... o kaya'y sosobrahan pa.

Sa ginawa kong paglantad sa kanya at sa paglusong ko tungo sa harapan mismo niya, mukhang hindi niya iyon inaasahan na siyang ikinangisi ko.

Nakita ko kung paano umalon ang bukol sa lalamunan niya. Hindi ko alam kung pawis o tubig ba ang lumandas mula sa noo hanggang sa mukha niya. Taas-noong ginaya kung paano niya ako tingnan ng pangutya.

"Hindi ba, mahal na Hari?"

Saglit na napasinghap ako nang bigla niya akong kabigin sa aking bewang. Dahilan upang maramdaman ko ang balat niya at init na nagmumula sa kanya. Napakapit din ako sa kanyang maskulado at medyo mabalbon niyang dibdib.

Umigting ang panga niya. Seryoso ang tingin. Malamig at puno ng pagtitimpi siyang nagsalita.

"Nagkakamali ka sa hinahamon mo. Leon ang binangga mo. Pagsisisihan mo 'to." Nahimigan ko ang kanyang pagbabanta at paghahamon.

Umiling naman ako sa kanya.

Idinikit ko ang sarili sa lantad na katawan ng Hari. Papatunayan kong hindi lamang siya ang may pangil sa aming dalawa. Na hindi ako isang mahina na madaling ipain.

"Nagkakamali ka, Kamahalan. Dahil sa ating dalawa... ngayon, ako ang Leon."

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now