Kabanata 16: Kawangis

Start from the beginning
                                    

"Ilang beses na?"

Napaangat ako ng tingin sa sinabi ng Hari. Ilang beses ang alin?

Hindi din nagtagal ay humarap na ang Hari. Sinalubong niya ako ng seryosong tingin. Seryoso at may emosyon akong hindi mapangalanan mula sa mga mata niya kahit pa walang ekspresyon ang ipinapakita niya.

"Ilang beses na bang may nagtangka?" muli niyang tanong.

Sa pagkakataong iyon ay nakuha ko na ang ibig niyang sabihin. Napaiwas ako at maagap na tinuyo ang mga luha na kanina'y lumandas palabas.

Hindi ko rin kayang sagutin ang tanong niya. Ayaw ko nang alalahanin iyon. Baka kung ano pa ang mangyari at hindi lang sugat ang matamo niya.

"Kung inaalala mong gagawin ko ang bagay na iyon. Huwag kang mag-aalala. Hindi ako namimilit."

Napatango na lamang ako at humingi muli ng paumanhin. Baka nga sa oras na ito ay iba na ang iniisip niya sa akin. Mahina, mangmang, at laging takot.

Gusto ko ring pagsabihan ang sarili. Akala ko kapag tuluyan na akong nakaalis sa lugar na iyon at magdesisyong maging katuwang ng Hari para sa aking mga plano, akala ko ay hindi na ako hahabulin ng mga halimaw buhat sa aking nakaraan.

Hindi inaasahang kahit sa ganitong pagkakataon ako kaagad nabuwag.

"Malalim na ang gabi. Magpahinga ka. Sa ibang silid ako mamalagi," kapagkuwan ay aniya.

"Ngunit paano ka? Ako na lamang ang matutulog sa ibang silid. Tutal naman ay kasalanan ko kung bakit—" agap kong sabi pero pinigilan niya ako.

"At kapag nalaman nilang hindi tayo sumunod sa tradisyon anong gagawin mo? Hindi mo pa kabisado ang palasyo. Wala kang magagawa kapag ikaw ay kanilang nakita sa kailaliman ng gabi." Natahimik ako sa tinuran niya.

Napahinga na lang ako ng malalim. Lahat ay may punto. Hindi na ito katulad sa Asyreum o sa Ladare na maari kong puntahan si Dera. Iba na ang lugar na siyang magiging tahanan ko. Iba na rin ang tradisyon na kailangan sundin. At higit sa lahat isa lamang ako dapo.

Kapag nalaman nilang ang Reyna ay wala sa kanilang silid ng Hari ay maaring may magkuwestiyon. Maaring maging usap-usapan sa lahat at pwedeng maging kakatuwaan ang Hari.

Nagpasalamat na lang ako at muling nagpaumanhin. Ngunit sa kabila n'un ay talagang malamig ang Hari. Hindi ko alam kung talagang naawa ba siya o gusto lang akong insultuhin.

"Ginagawa ko lamang ito para hindi madungisan ang pangalan ko. At maiwasan ang suliranin," aniya sa seryosong tono. "Paano kapag nalaman nila na ang bagong hinirang na Reyna ay sinugatan gamit ng kanyang punyal ang kanilang Hari? Hindi ba't malaking suliranin iyon lalo pa't maari kang paratangan ng kamatayan dahil sa ginawa mo."

Tuluyan akong napayuko. Dahil totoo. Sa mga pagkakataong ito ay wala akong alam. Wala akong laban.

"Alam kong hindi mapapantayan ng rason ko ang nangyari. Pero... salamat at paumanhin muli."

Wala na akong narinig na tugon mula sa kanya. Sa halip ay kinuha niya na lamang ang kanyang balabal saka walang pasabi na umalis.

Napatingin na lang ako sa nilabasan niyang pinto. Humiga ako sa malambot na kama at malalim na huminga.

***

Kinabukasan ay magana ang lahat. Maraming pagkain ang nakahain sa hapag. Sa una ay wala akong ideya kung bakit ganito na lamang sila kasaya. Hanggang sa nalaman ko mula kay Dera na para iyon sa amin ng Hari. Akala nila yata ay ginawa naming ang tradisyon.

Nasa hapag na ako at nakaupo nang mag-anunsyo na narito ang Haring Adem. Pagpasok niya sa malaking hapagkainan ay nakapangayak siya na kasuotan. Kasama naman niya sina Yura, Seron at Harrion na tumindig naman sa gilid.

Umupo ang Hari at kaagad naman siyang binigyan ng serbisyo ng mga tagasunod. Matapos nilang lagyan ng pagkain ang plato ng Hari, nagsimula na rin itong kumain.

Akala ko ay hindi na kami magkikibuan matapos sa nangyari kagabi. Napaangat na lang ako ng tingin nang magsalita siya.

"Kailangan mong maghanda, may pupuntahan tayo."

"Pupuntahan?" tanong ko matapos kong nguyain ang isang hiwa ng karne.

Pero wala akong narinig na anumang responde. Napatingin ako sa mga ilang tagasunod na nasa gilid namin. Baka iniisip nilang hindi maganda ang relasyon namin ng kanilang Hari, na hindi naman talagang maikakailang ganoon nga.

Napapikit ako sa marahang humahampas na hangin sa aking mukha. Nasa likuran ko si Seron. Habang ang tatlo naman ay may kanya-kanyang kabayo. Malayo na kami sa palasyo at ngayon naman ay may pupuntahan kaming lugar. Walang sinabi ang malamig na Hari kung saan, kaya't wala rin akong ideya kung ano ang maari namin gawin doon.

"Narito na tayo, Mahal na Reyna," si Seron. Napatingin ako sa lugar kung saan kami tumigil.

Isang bahay. Ang itsura niyon ay gawa sa matibay na kahoy mula sa puno ng Yakal at Narra. Pagbaba namin sa may may isang matandang babae na lumabas.

Ngunit napatigil ako at napatitig sa matandang babaeng ngayon ay kausap na ni Haring Adem. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ako.

Kawangis nito ang, "Senyora Varrella?"

The Dove of The Lost LandsWhere stories live. Discover now