Kabanata 12: Paglisan

Magsimula sa umpisa
                                    

Ayokong mag-alangan si Dera sa akin dahil lamang sa antas o estado ko ngayon. Gusto kong mapalapit sa kanya at sa iba pang katulad ko na nasa mababang uri. Nakahinga ako nang maluwag ng tumango naman siya kahit naroon pa rin ang pag-aalinlangan sa mukha niya.

"Mabalik tayo. Bakit ka pala nalulungkot?" tanong ko.

Nagpatuloy ang kanyang pagnguso.
Bumaling sa akin ang maamo niyang mukha pero parang namomoblema.

"Nalulungkot ako para sa inyo, binibini..."

Mas lalo akong naguluhan sa sinabi niya.

"Ha? Bakit naman?"

"Dahil hindi niyo kasama ang Mahal na Hari." buntong-hiningang aniya. "Hindi ba't ngayon na sana ang inyong unang gabi? Katatapos lang ng inyong pag-iisang dibdib pero heto kayo't magkahiwalay."

Hindi ko naman inaasahan na mag-uusap kami tungkol sa ganitong bagay. Mukhang hindi pa alam ni Dera ang tunay naming sitwasyon ng Hari.

"Nagkakamali ka, Dera," ani ko. "Hindi ganoon ang iniisip mong relasyon namin," dagdag ko pa.

Naiiling na lang ako sa pag-awang ng mga labi ni Dera. Talagang wala siyang ideya tungkol sa sitwasyon namin.

"Kung ganoon... ano ang tunay na rason? Bakit kayo nagpakasal?"

"Maggamitan," deretso kong sabi.

"Po?"

"Ah—ang ibig kong sabihin ay walang pagmamahalan ang namamagitan sa pagpapakasal namin."

Iniba ko na lang ang salitang sinabi ko dahil sa gulat na itsura ni Dera. Hindi ko naman siya masisisi.

Narinig ko muli ang pagbuntong-hininga ni Dera, na ngayon ay mas malalim na.

"Kung ganoon ay pareho lang ng ibang magkabiyak. Nagpakasal pero hindi dahil sa pagmamahal."

Wala akong ideya kung saan niya napupulot ang ganoong mga salita. Talaga ngang may mas kaalaman siya kumpara sa akin.

Kinabukasan ay maaga kaming gumising. Malamig na temperatura kaagad ang unang sumalubong sa amin dahil na rin sa panahon ng tag-lamig.

Kahit umaga na ay hindi pa rin nababawasan ang panginginig. Mabuti na lang ay may suot kaming damit panlamig. At sa tulong din ng pugon, nababawasan ang nararamdamang lamig. 

Si Dera naman ay emosyonal na nakahawak sa akin. Nasa silid pa lang kami ay halos rinig na ang kanyang pag-iyak.

"Binibini... Maari ba akong sumama sa iyo?" naiiyak na tanong niya habang nakahawak sa kamay ko.

"Dera, ano ka ba? Baka marinig ka ng Kamahalan!" agad na puna sa kanya ni Aling Cecilia. "Alam mong nandito ang trabaho mo."

Siya ang namumuno sa mga serbidorang nagtatrabaho rito sa bahay panuluyan sa Bayan ng Ladare. Nasa edad tatlumpu't dalawa ang ale, mukha lamang siyang masungit pero sobrang bait ng personalidad nito.

"Pero Aling Cecilia..." nangingiyak na wika ni Dera. Mukhang ayaw niya akong pakawalan.

Napabuntong-hininga ako pero nangingiti sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Siguro'y sa galak? Dahil hindi ko naman inaasahan na ganito kami magiging malapit ni Dera. Kumbaga ay para ko na siyang kapatid.

Kahit napakaliit lamang na panahon ko siyang nakilala. Napagaanan ko na siya ng loob. Nalulungkot din ako. Gusto ko rin siyang isama. Hindi ko nga lang alam kung papayag ba ang lalaking iyon.

Nasa ganito kaming sitwasyon nang may kumatok sa labas ng pinto ng aking silid, saka binuksan.

"Naghihintay na sa labas ang karwahe, Mahal na Reyna. Naroon na rin ang Mahal na Hari."

The Dove of The Lost LandsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon